Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp1 kab. 25 p. 178-182
  • Paano Ko Madadaig ang Masturbasyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Madadaig ang Masturbasyon?
  • Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Daigin ang Labis na Pagkakonsiyensiya
  • Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Gaano Kaselan ang Masturbasyon?
    Gumising!—1987
  • Paano Ko Maaalis ang Bisyong Ito?
    Gumising!—2006
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
Iba Pa
Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
yp1 kab. 25 p. 178-182

KABANATA 25

Paano Ko Madadaig ang Masturbasyon?

“Walong taóng gulang ako nang maging bisyo ko ang masturbasyon. Nalaman kong hindi pala ito gusto ng Diyos. Nakokonsiyensiya ako tuwing nagagawa ko iyon. Naiisip ko, ‘Mamahalin kaya ng Diyos ang gaya ko?’”​—Luiz.

HABANG nagbibinata o nagdadalaga ka, tumitindi ang seksuwal na mga pagnanasa. Kaya baka mabitag ka sa bisyo ng masturbasyon.a Marami ang nagsasabing okey lang iyon. “Wala namang nasasaktan,” ang katuwiran nila. Pero makabubuting iwasan mo ito. Isinulat ni apostol Pablo: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa . . . pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Hindi pinapatay ng masturbasyon ang pita sa sekso kundi ginagatungan pa ito. Pag-isipan din ang sumusunod:

● Nagiging makasarili ang isa dahil sa masturbasyon. Kasi kapag ginagawa ito, nakapokus lang ang isa sa sarili niyang pakiramdam.

● Baka ituring ng mga gumagawa nito na laruan lang ang di-kasekso.

● Dahil nagiging makasarili ang isa na nahulog sa bisyong ito, baka hindi siya makontento sa seksuwal na pakikipag-ugnayan sa magiging asawa niya.

Kapag tumitindi ang iyong seksuwal na pagnanasa, hindi masturbasyon ang solusyon​—kailangan mo ng pagpipigil sa sarili. (1 Tesalonica 4:​4, 5) Para magawa iyan, pinapayuhan ka ng Bibliya na umiwas sa mga sitwasyong maaaring pumukaw ng pagnanasa. (Kawikaan 5:​8, 9) Pero paano kung naging bisyo mo na ang masturbasyon? Baka sinisikap mo namang iwasan ito, pero nadadaig ka pa rin. Baka maisip mong hindi mo na kayang magbago, na hindi mo talaga kayang sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ganiyan ang naisip ni Pedro. “Kapag natutukso ako, sising-sisi ako,” ang sabi niya. “Naiisip kong wala nang kapatawaran ang nagawa ko. Nahihiya akong manalangin.”

Kung nararamdaman mo iyan, huwag kang masiraan ng loob. Nadaig ng maraming kabataan​—at mga adulto​—ang bisyo ng masturbasyon. Kaya mo rin iyan!

Daigin ang Labis na Pagkakonsiyensiya

Gaya ng nabanggit na, kadalasan nang nakokonsiyensiya ang mga nahulog sa bisyo ng masturbasyon. Totoo, makakatulong ang ‘pagkalungkot sa makadiyos na paraan’ para madaig mo ang bisyong ito. (2 Corinto 7:11) Pero hindi rin naman maganda kung sobra-sobra kang nakokonsiyensiya. Kasi baka masiraan ka ng loob at sumuko.​—Kawikaan 24:10.

Kaya maging makatuwiran. Totoo, ang masturbasyon ay isang uri ng karumihan. Puwede kang ‘mapaalipin sa iba’t ibang pagnanasa at kaluguran’ at magkaroon ng masasamang ugali dahil dito. (Tito 3:3) Pero hindi naman ito kasinsama ng seksuwal na imoralidad, gaya ng pakikiapid. (Judas 7) Kung naging bisyo mo ito, huwag mong isipin na nakagawa ka na ng di-mapapatawad na kasalanan. Basta labanan mo ang tukso at huwag na huwag kang susuko!

Baka mawalan ka ng pag-asa kapag nadaig ka ng tukso. Pero tandaan ang sinasabi sa Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya; ngunit ang mga balakyot ay matitisod dahil sa kapahamakan.” Kung matukso ka ulit, hindi ibig sabihin na napakasama mo na. Kaya huwag kang susuko. Sa halip, pag-isipan kung ano ang nakatukso sa iyo, at iwasan ito.

Lagi mong isipin ang pag-ibig at awa ng Diyos. Sinabi ng salmistang si David, na minsan ding nadaig ng kahinaan: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:​13, 14) Oo, alam ni Jehova na hindi tayo perpekto at ‘handa siyang magpatawad.’ (Awit 86:5) Pero gusto rin niyang magsikap tayo na daigin ang ating kahinaan. Kaya anu-ano ang puwede mong gawin para mapagtagumpayan mo ang bisyong ito?

Suriin ang pinapanood mo at binabasa. Nagbubukas ka ba ng mga Web site o nanonood ng pelikula o palabas sa TV na gumigising sa iyong pagnanasa? Nanalangin sa Diyos ang salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”b​—Awit 119:37.

Pilitin mong mag-isip ng ibang bagay. Ganito ang payo ng Kristiyanong si William: “Bago ka matulog sa gabi, magbasa ng publikasyong salig sa Bibliya. Napakahalaga na espirituwal na bagay ang maiiwan sa isip mo bago ka matulog.”​​—Filipos 4:8.

Sabihin sa iba ang problema mo. Baka maunahan ka ng hiya, kaya hindi mo masabi sa iba ang problema mo. Pero makakatulong iyan para madaig mo ang bisyong ito! Ganito ang sinabi ng Kristiyanong si David: “Ipinagtapat ko kay Tatay ang problema ko. Ngumiti siya sa akin tapos sinabi niya, ‘Anak, proud ako sa iyo.’ Hindi ko malilimutan ‘yon. Alam niya kung gaano kahirap para sa akin na ipagtapat ito. At yung sinabi niya, iyon mismo ang kailangan ko. Lalo akong naging determinado na daigin ang bisyong ito.

“Tapos, binasa sa akin ni Tatay ang ilang teksto na nagpapakitang hindi naman ako masamang tao, at ilang teksto pa para maunawaan ko kung gaano kaseryoso ang bagay na ito. Sinabi niya na sikapin kong iwasan ito sa loob ng isang espesipikong panahon, tapos mag-uusap uli kami. Kung matukso raw ulit ako, huwag akong masisiraan ng loob. Basta gawin kong goal na huwag itong maulit sa loob ng mas mahabang panahon.” Ang natutuhan ni David? “Malaking bagay talaga kung may ibang nakakaalam sa problema mo at handang tumulong sa iyo.”c

SA SUSUNOD NA KABANATA

Ano ang masama sa casual sex? Alamin.

[Mga talababa]

a Iba ang masturbasyon sa di-sinasadyang pagkapukaw sa sekso. Halimbawa, puwedeng magising ang isang lalaki na pukáw sa sekso o labasán ng semilya habang natutulog. Ang ilang babae naman, napupukaw nang di-sinasadya kapag malapit na o katatapos pa lang ng kanilang buwanang dalaw. Sa kabaligtaran, ang masturbasyon ay ang sinasadyang pagpukaw sa sarili.

b May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 33.

c May higit pang impormasyon sa Tomo 2, pahina 239-241.

TEMANG TEKSTO

“Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.”​—2 Timoteo 2:22.

TIP

Manalangin bago pa tumindi ang pagnanasa mo. Hilingin sa Diyos na Jehova na bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan” para malabanan ang tukso.​—2 Corinto 4:7.

ALAM MO BA . . . ?

Ang mahihina, madaling nagpapadala sa tukso. Pero ang tunay na lalaki o babae, nagkokontrol ng kaniyang sarili kahit walang ibang nakakakita.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para manatiling malinis ang isip ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Sa halip na magpadala sa tukso, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mahalagang tandaan na si Jehova ay “handang magpatawad”?​—Awit 86:5.

● Yamang nilalang ka ng Diyos na may likas na pagnanasa sa sekso at sinabi rin niyang kailangan mong magpigil sa sarili, ano ang alam niya na kaya mong gawin?

[Blurb sa pahina 182]

“Mula nang mapagtagumpayan ko ang bisyong ito, malinis na ang konsiyensiya ko sa harap ni Jehova, at hinding-hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay!”​—Sarah

[Larawan sa pahina 180]

Matalisod ka man habang tumatakbo, hindi mo kailangang bumalik sa simula​—matukso ka mang muli sa masturbasyon, hindi nababale-wala ang pagsisikap mong daigin ito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share