ARALIN 5
Ano ang Maaasahan Mo sa Aming mga Pulong?
Argentina
Sierra Leone
Belgium
Malaysia
Marami ang huminto na sa pagsisimba dahil wala naman silang nakukuhang espirituwal na gabay o kaaliwan. Kung gayon, ano ang dahilan para dumalo ka sa mga Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova?
Masisiyahan kang makasama ang mga taong mapagmahal at mapagmalasakit. Noong unang siglo, ang mga Kristiyano sa bawat kongregasyon ay nagtitipon para sumamba sa Diyos, mag-aral ng Kasulatan, at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Dahil nangingibabaw ang pag-ibig sa mga pagtitipong iyon, damang-dama nilang may tunay silang mga kaibigan—ang kanilang espirituwal na mga kapatid. (2 Tesalonica 1:3; 3 Juan 14) Iyan din ang maaasahan mo sa mga pulong namin sa ngayon.
Matututuhan mo kung paano sundin ang mga simulain sa Bibliya. Gaya noong panahon ng Bibliya, sama-sama rin sa mga pulong ang mga lalaki, babae, at mga bata. Gumagamit ng Bibliya ang mga kuwalipikadong guro para tulungan tayong sundin ang mga simulain nito sa araw-araw. (Deuteronomio 31:12; Nehemias 8:8) Ang lahat ay maaaring makibahagi sa talakayan at pag-awit. Pagkakataon natin ito para maipahayag ang ating pag-asa.—Hebreo 10:23.
Mapapatibay ang iyong pananampalataya sa Diyos. Sinabi ni apostol Pablo sa isa sa mga kongregasyon noon: “Nananabik akong makita kayo . . . para makapagpatibayan tayo ng pananampalataya.” (Roma 1:11, 12) Sa mga pulong, ang regular na pakikipagsamahan sa mga kapatid ay magpapatibay sa ating pananampalataya at determinasyong mamuhay bilang Kristiyano.
Gusto mo bang maranasan ang mga nabanggit? Bakit hindi ka dumalo sa susunod naming pagpupulong? Malugod ka naming tatanggapin. Ang lahat ng pulong ay walang bayad at walang koleksiyon.
Ano ang sinusunod naming halimbawa para sa aming mga pulong?
Ano ang kapakinabangan ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?