ARALIN 15
Paano Naglilingkod sa Kongregasyon ang mga Elder?
Finland
Nagtuturo
Nagpapastol
Nangangaral
Wala kaming suwelduhang mga klero. Sa halip, gaya noong pasimula ng kongregasyong Kristiyano, may kuwalipikadong mga tagapangasiwa na inaatasan “para magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Ang mga elder na ito ay may-gulang na mga lalaking nangunguna sa kongregasyon at nagpapastol nang “hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang, kundi nang may pananabik.” (1 Pedro 5:1-3) Ano ang mga isinasagawa nila para sa amin?
Pinangangalagaan nila kami at pinoprotektahan. Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang buong kongregasyon, kaya ginagabayan nila ito, pinoprotektahan sa espirituwal, at inaasikasong mabuti para mapanatili ang kagalakan ng mga miyembro nito. (2 Corinto 1:24) Kung paanong pinangangalagaan nang husto ng isang pastol ang bawat tupa niya, sinisikap din ng mga elder na kilalanin ang bawat miyembro ng kongregasyon.—Kawikaan 27:23.
Tinuturuan nila kami na gawin ang kalooban ng Diyos. Linggo-linggo, pinangangasiwaan ng mga elder ang mga pulong sa kongregasyon para patibayin ang aming pananampalataya. (Gawa 15:32) Ang masisipag na lalaking ito ay nangunguna sa amin sa pangangaral. Sinasamahan nila kami at sinasanay sa lahat ng anyo ng ministeryo.
Pinalalakas nila ang bawat isa sa amin. Dinadalaw kami ng mga elder sa aming tahanan o kinakausap sa Kingdom Hall gamit ang Bibliya para aliwin kami at tulungang maging mas malapít kay Jehova.—Santiago 5:14, 15.
Bukod sa mga atas sa kongregasyon, karamihan sa mga elder ay mayroon ding trabaho at pamilya na kailangang bigyan ng panahon at atensiyon. Kaya nararapat lang na igalang ang masisipag na brother na ito.—1 Tesalonica 5:12, 13.
Ano ang pananagutan ng mga elder sa kongregasyon?
Paano ipinapakita ng mga elder na nagmamalasakit sila sa bawat isa sa amin?