ARALIN 23
Paano Isinusulat at Isinasalin ang Aming mga Literatura?
Writing Department, E.U.A.
South Korea
Armenia
Burundi
Sri Lanka
Sa pagsisikap na ihayag ang “mabuting balita” sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan,” naglalathala kami ng mga literatura sa mahigit 900 wika. (Apocalipsis 14:6) Paano namin ito nagagawa? Sa tulong ng mga manunulat mula sa iba’t ibang bansa at grupo ng mga tagapagsalin—lahat ay mga Saksi ni Jehova.
Isinusulat ang materyal sa Ingles. Pinangangasiwaan ng Lupong Tagapamahala ang gawain ng Writing Department sa aming pandaigdig na punong-tanggapan. Isinasaayos ng departamentong ito ang atas ng mga manunulat sa punong-tanggapan at sa ilang tanggapang pansangay. Dahil nagmula sa iba’t ibang bansa ang mga manunulat, natatalakay sa aming mga publikasyon ang iba’t ibang paksang magugustuhan ng mga tao, anuman ang kanilang bansa o kultura.
Ipinadadala ito sa mga tagapagsalin. Matapos i-edit at maaprobahan ang mga naisulat na materyal, ipinadadala ang mga ito sa elektronikong paraan sa mga grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig. Nagtutulungan ang mga miyembro ng bawat grupo sa pagsasalin at pagtiyak na ito ay tumpak at naaayon sa gramatika. Sinisikap nilang maisalin nang “tumpak ang mga salita ng katotohanan” at maitawid ang buong kahulugan ng Ingles.—Eclesiastes 12:10.
Pinabibilis ng computer ang proseso. Hindi mapapalitan ng computer ang mga taong manunulat at tagapagsalin. Pero mapabibilis nito ang kanilang gawain sa pamamagitan ng mga pantulong na gaya ng elektronikong diksyunaryo at mga materyal para sa pagsasaliksik. Nagdisenyo ang mga Saksi ni Jehova ng isang program na tinatawag na Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS) kung saan ipinapasok ang materyal na naisalin sa daan-daang wika, inilalapat ang artwork, at inaayos para sa pag-iimprenta.
Bakit namin sinisikap na gawin ang lahat ng ito, kahit para sa mga wikang sinasalita ng iilang libong tao lang? Dahil gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.
Paano isinusulat ang aming mga publikasyon?
Bakit namin isinasalin sa napakaraming wika ang aming mga literatura?