Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • kr kab. 12 p. 118-131
  • Organisado Para Paglingkuran “ang Diyos ng Kapayapaan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Organisado Para Paglingkuran “ang Diyos ng Kapayapaan”
  • Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Aatasan Ko ang Kapayapaan Bilang Iyong mga Tagapangasiwa”
  • Kung Paano Pinangungunahan ni Kristo ang Kongregasyon
  • “Maging mga Halimbawa sa Kawan”
  • Kung Paano Pinapastulan ng mga Elder sa Ngayon ang Kawan ng Diyos
  • Mas Organisadong Pangangasiwa​—Nagpapatatag sa Pagkakaisa ng Bayan ng Diyos
  • Pagbuo ng Kaayusang Pang-organisasyon
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Mga Tagapangasiwa na Nagpapastol sa Kawan
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
kr kab. 12 p. 118-131

KABANATA 12

Organisado Para Paglingkuran “ang Diyos ng Kapayapaan”

POKUS NG KABANATA

Patuloy na inoorganisa ni Jehova ang kaniyang bayan

1, 2. Ano ang naging pagbabago sa Zion’s Watch Tower noong Enero 1895? Ano ang reaksiyon ng mga kapatid?

NANG matanggap ng masigasig na Estudyante ng Bibliya na si John A. Bohnet ang kopya niya ng Enero 1895 ng Zion’s Watch Tower, tuwang-tuwa siya sa nakita niya. Bago na ang disenyo ng pabalat ng magasin​—isang parola na nagpapasinag ng liwanag at nagsisilbing tanglaw sa maunos na dagat at madilim na kalangitan. Ipinatalastas sa magasin ang tungkol sa bagong disenyong ito sa artikulong “Ang Bagong Bihis Namin.”

2 Sa tuwa, sumulat si Brother Bohnet kay Brother Russell, “Ang ganda ng bagong bihis ng BANTAYAN.” Tungkol sa pabalat, isinulat ng isa pang tapat na Estudyante ng Bibliya na si John H. Brown: “Nakakakuha agad ng atensiyon. Napakatatag ng pundasyon ng tore kahit hinahagupit ng mga alon at bagyo.” Ang pabalat ang unang pagbabago na nakita ng mga kapatid nang taóng iyon​—pero hindi iyon ang huli. Pagsapit ng Nobyembre, nalaman nila ang isa pang malaking pagbabago. Kapansin-pansin, may kaugnayan din ito sa isang maunos na dagat.

3, 4. Anong problema ang binanggit sa Nobyembre 15, 1895, ng Watch Tower? Anong malaking pagbabago ang ipinatalastas nito?

3 Tinalakay sa isang artikulo sa Nobyembre 15, 1895, ng Watch Tower ang problema: Dahil sa tila-bagyong hagupit ng di-pagkakaunawaan, nasisira ang kapayapaan sa samahan, o organisasyon, ng mga Estudyante ng Bibliya. Nagiging malaking isyu sa mga kapatid kung sino ang dapat manguna sa lokal na mga kongregasyon. Para matulungan ang mga kapatid na makita kung ano ang kailangan para maalis ang espiritu ng pagpapaligsahan na dahilan ng pagkakabaha-bahagi, inihalintulad ng artikulo ang organisasyon sa isang barko. Pagkatapos, inamin nitong hindi naihanda ng mga nangunguna ang tulad-barko nating organisasyon para sa maunos na sitwasyon. Ano ang kailangang gawin?

4 Binanggit ng artikulo na tinitiyak ng mahusay na kapitan na may mga salbabida sa barko at na handa ang mga tripulante kapag may paparating na bagyo. Sa katulad na paraan, kailangang tiyakin ng mga nangunguna sa organisasyon na handa ang lahat ng kongregasyon sa pagharap sa tulad-bagyong mga problema. Para magawa iyan, ipinatalastas ng artikulo ang isang napakalaking pagbabago. Nagbigay ito ng tagubilin na agad-agad, “sa bawat company [kongregasyon], pumili sila . . . ng matatanda” para “‘mangasiwa’ sa kawan.”​—Gawa 20:28.

5. (a) Bakit napapanahon ang unang kaayusan sa pagtatalaga ng mga elder? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

5 Ang unang kaayusang iyan sa pagtatalaga ng mga elder ay napapanahong hakbang para makapagtatag ng organisadong mga kongregasyon. Nakatulong ito sa mga kapatid noong Digmaang Pandaigdig I. Nang sumunod na mga dekada, may karagdagang mga pagbabago sa kaayusan ng organisasyon na nakatulong sa bayan ng Diyos para maging mas handang paglingkuran si Jehova. Paano inihula sa Bibliya ang pagsulong na ito? Anong mga pagbabago sa organisasyon ang nasaksihan mo? Paano ka nakinabang sa mga iyon?

“Aatasan Ko ang Kapayapaan Bilang Iyong mga Tagapangasiwa”

6, 7. (a) Ano ang ibig sabihin ng Isaias 60:17? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagbanggit sa “mga tagapangasiwa” at “mga tagapagbigay-atas”?

6 Gaya ng tinalakay natin sa Kabanata 9, inihula ni Isaias na palalakihin ni Jehova ang kaniyang bayan. (Isa. 60:22) Pero higit pa riyan ang ipinangako ni Jehova. Sa hula ring iyon, sinabi niya: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” (Isa. 60:17) Ano ang ibig sabihin ng hulang iyan? Paano iyan natutupad sa ngayon?

Ang pagbabago ay hindi mula sa masama tungo sa mabuti, kundi mabuti tungo sa mas mabuti

7 Binabanggit sa hula ni Isaias na ang isang materyales ay hahalinhan ng ibang materyales. Pero pansinin na ang pagbabago ay hindi mula sa masama tungo sa mabuti, kundi mabuti tungo sa mas mabuti. Halimbawa, mas mabuti ang ginto kaysa sa hinalinhan nitong tanso. Kaya sa ilustrasyong ito, inihula ni Jehova na unti-unting susulong ang kalagayan ng kaniyang bayan. Anong pagsulong ang tinutukoy ng hula? Nang banggitin sa hula ang “mga tagapangasiwa” at “mga tagapagbigay-atas,” ipinahihiwatig ni Jehova na ang unti-unting pagsulong ay may kaugnayan sa paraan ng pag-aasikaso at pag-oorganisa sa kaniyang bayan.

8. (a) Sino ang nasa likod ng mga pagsulong na binanggit sa hula ni Isaias? (b) Paano tayo nakikinabang sa mga pagbabagong iyon? (Tingnan din ang kahong “Mapagpakumbaba Niyang Tinanggap ang Pagtutuwid.”)

8 Sino ang nasa likod ng pagsulong na ito sa organisasyon? Sinabi ni Jehova: “Magdadala ako ng ginto, . . . magdadala ako ng pilak, . . . at aatasan ko ang kapayapaan.” Kaya ang pagsulong sa kaayusan ng kongregasyon ay hindi dahil sa pagsisikap ng tao, kundi dahil kay Jehova mismo. At mula nang mailuklok si Jesus bilang Hari, patuloy na ginagamit ni Jehova ang kaniyang Anak para ipatupad ang mga pagbabagong iyon. Paano tayo nakikinabang? Binanggit sa tekstong iyon na ang mga pagbabago ay magdudulot ng “kapayapaan” at “katuwiran.” Kapag nagpapagabay tayo sa Diyos at gumagawa ng kinakailangang mga pagbabago, umiiral ang kapayapaan sa gitna natin at nauudyukan tayo ng pag-ibig sa katuwiran na paglingkuran si Jehova, na inilarawan ni apostol Pablo bilang “ang Diyos ng kapayapaan.”​—Fil. 4:9.

9. Ano ang dapat na maging pundasyon ng kaayusan at pagkakaisa sa kongregasyon, at bakit?

9 Isinulat din ni Pablo tungkol kay Jehova: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Cor. 14:33) Pansinin na ang binanggit niyang kabaligtaran ng kaguluhan ay kapayapaan, hindi kaayusan. Bakit? Pag-isipan ito: Ang kaayusan ay hindi awtomatikong nagdudulot ng kapayapaan. Halimbawa, puwedeng magmartsa sa maayos na paraan ang isang batalyon ng mga sundalo, pero ang maayos na pagmamartsa nila ay tungo sa pakikipagdigma, hindi sa pakikipagpayapaan. Kaya bilang mga Kristiyano, dapat nating tandaan ang mahalagang katotohanang ito: Anumang organisasyon na may kaayusan pero hindi kapayapaan ang pundasyon ay guguho rin sa bandang huli. Sa kabilang banda, ang makadiyos na kapayapaan ay nagdudulot ng kaayusan na hindi kailanman magwawakas. Kaya talagang ipinagpapasalamat natin na ang ating organisasyon ay ginagabayan at dinadalisay ng “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan”! (Roma 15:33) Ang bigay-Diyos na kapayapaan ang pundasyon ng kaayusan at pagkakaisa na tinatamasa at pinahahalagahan natin sa mga kongregasyon sa buong mundo.​—Awit 29:11.

10. (a) Anong mga pagbabago ang naganap sa ating organisasyon sa mga unang dekada nito? (Tingnan ang kahong “Mga Pagbabago sa Paraan ng Pangangasiwa.”) (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

10 Makikita sa kahong “Mga Pagbabago sa Paraan ng Pangangasiwa” ang kapaki-pakinabang at maayos na mga pagbabago na naganap sa ating organisasyon sa mga unang dekada nito. Pero kumusta naman nitong nakalipas na mga dekada? Anong mga pagbabago mula sa ‘tanso tungo sa ginto’ ang ipinatupad ni Jehova sa pamamagitan ng ating Hari? Paano nakaambag sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga kongregasyon sa buong mundo ang mga pagbabagong iyon sa pangangasiwa? Paano personal na nakatulong sa iyo ang mga ito para paglingkuran “ang Diyos ng kapayapaan”?

Kung Paano Pinangungunahan ni Kristo ang Kongregasyon

11. (a) Ano ang naging mas malinaw dahil sa pagsasaliksik sa Kasulatan? (b) Ano ang determinadong gawin ng mga miyembro ng lupong tagapamahala?

11 Mula 1964 hanggang 1971, pinangasiwaan ng lupong tagapamahala ang masinsinang pagsasaliksik sa Bibliya tungkol sa maraming paksa, at isa sa mga ito ay kung paano pinangasiwaan ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano.a Batay sa pag-aaral, nakita nilang ang mga kongregasyon noong unang siglo ay pinangasiwaan ng isang lupon ng matatanda sa halip na isang matanda lang, o tagapangasiwa. (Basahin ang Filipos 1:1; 1 Timoteo 4:14.) Nang maging mas malinaw ito, nakita ng lupong tagapamahala na inaakay sila ng kanilang Haring si Jesus para gumawa ng mga pagbabago sa kaayusan ng organisasyon ng bayan ng Diyos​—at determinadong magpasakop ang mga miyembro ng lupong tagapamahala sa direksiyon ng Hari. Agad silang gumawa ng mga pagbabago para masunod ang parisan sa Bibliya hinggil sa paghirang ng matatanda. Ano ang ilan sa mga pagbabagong iyon noong unang bahagi ng dekada ng 1970?

MAPAGPAKUMBABA NIYANG TINANGGAP ANG PAGTUTUWID

MABABASA sa edisyong Finnish ng Abril 1, 1916, ng The Watch Tower ang liham ni Brother Russell para sa ilang brother sa Scandinavia, kasama na si Brother Kaarlo Harteva. Isinulat ni Brother Russell: “Hinihimok namin kayo, mahal na mga kapatid sa pananampalataya, na manumbalik sa katotohanan at magtuon ng pansin sa gawain.” Bakit kaya iyon isinulat ni Brother Russell?

Kaarlo Harteva

Kaarlo Harteva

Si Brother Harteva, isinilang noong 1882, ay isa sa pinakaunang mga Estudyante ng Bibliya sa Finland. Nabautismuhan siya noong Abril 1910, at noong tag-araw ng 1912, binigyan siya ng awtorisasyon ni Brother Russell na ilathala ang The Watch Tower sa wikang Finnish. Maayos naman ang takbo ng mga bagay-bagay hanggang sa sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Isinulat ni Brother Harteva sa Disyembre 1, 1914, ng The Watch Tower: “Dahil sa problema sa ekonomiya, . . . hindi kami makakapangakong mailalathala namin ang The Watch Tower ngayong taon na may katulad na dami ng pahina o kasindalas noong dati.” Pero noong 1915, para makalikom ng pondo, itinatag ni Brother Harteva at ng iba pa ang kooperatiba na tinawag na Ararat at nagsimulang maglathala ng magasin sa pangalan ding iyon.

Dahil nabaling ang atensiyon ni Brother Harteva sa bagong asosasyon at sa bagong magasin, ibang brother na ang nagsilbing editor ng edisyong Finnish ng The Watch Tower. Naglalathala ang magasing Ararat ng mga salig-Bibliyang artikulo, pero may mga artikulo rin tungkol sa natural na lunas sa mga sakit at sa bagong-imbentong wika na Esperanto. Di-nagtagal, nailihis ng bagong magasin ang mga kapatid mula sa malilinaw na turo ng katotohanan. Nabahala si Brother Russell sa kanilang espirituwalidad, kaya nakiusap siya kina Brother Harteva at sa iba pa na “manumbalik sa katotohanan.”

Paano tumugon si Brother Harteva? Inilathala niya sa magasing Ararat ang liham ni Brother Russell, kasama ang kaniyang sagot. Humingi ng paumanhin si Brother Harteva sa nagawa niya at sinabi: “Kung bibigyan ako ng pagkakataon, gagawin ko ang lahat para maituwid ang mga bagay-bagay.” Di-nagtagal, sa huling isyu ng magasing Ararat, humingi uli siya ng paumanhin dahil sa kalituhang idinulot niya at saka idinagdag: “Sisikapin kong maging mas maingat may kinalaman sa bawat aspekto ng kasalukuyang katotohanan.” Di-gaya ng ilang hambog na inihalal na matatanda noon, mapagpakumbabang tinanggap ni Kaarlo Harteva ang pagtutuwid.

Nang maglaon, muling inatasan si Brother Harteva bilang tagapangasiwa ng sangay at editor ng edisyong Finnish ng The Watch Tower. Ginampanan niya ang mga atas na ito hanggang 1950. Noong 1957, natapos niya ang kaniyang buhay sa lupa nang tapat kay Jehova at sa katotohanan. Talagang ang mga mapagpakumbabang tumatanggap ng pagtutuwid ng kanilang Haring si Jesus ay dinadalisay at pinagpapala ni Jehova.

12. (a) Anong pagbabago ang ginawa sa lupong tagapamahala? (b) Ipaliwanag kung paano inoorganisa ngayon ang Lupong Tagapamahala. (Tingnan ang kahong “Kung Paano Inaasikaso ng Lupong Tagapamahala ang mga Kapakanan ng Kaharian,” pahina 130.)

12 Ang unang pagbabago ay tungkol mismo sa lupong tagapamahala. Bago 1971, ang grupong iyon ng mga pinahirang kapatid ay binubuo ng pitong miyembro ng board of directors ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Pero nang taóng iyon, ang 7 miyembro ng lupong tagapamahala ay ginawang 11, at hindi na sila iniuugnay sa board of directors. Pantay-pantay ang tingin ng mga miyembro sa isa’t isa. Sinimulan din nila ang taunang ikutan sa pagiging chairman ayon sa kanilang apelyido.

13. (a) Anong kaayusan ang sinusunod mula 1932 hanggang 1972? (b) Ano ang ginawa ng Lupong Tagapamahala noong 1972?

13 Ang sumunod na pagbabago ay nakaapekto naman sa bawat kongregasyon. Paano? Mula 1932 hanggang 1972, ang kongregasyon ay pangunahin nang pinangangasiwaan ng isang brother. Hanggang 1936, ang inatasang brother na iyon ay tinatawag na service director. Pero ang tawag dito ay pinalitan ng company servant, pagkatapos ay congregation servant, at bandang huli ay congregation overseer. Masigasig ang mga brother na iyon sa pag-aasikaso ng espirituwal na kapakanan ng kawan. Karaniwan nang nagdedesisyon ang congregation overseer nang hindi na kumokonsulta sa iba pang servant sa kongregasyon. Pero noong 1972, inihanda ng Lupong Tagapamahala ang daan tungo sa isang napakalaking pagbabago. Ano iyon?

14. (a) Anong bagong kaayusan ang pinasimulan noong Oktubre 1, 1972? (b) Paano ikinakapit ng koordineytor ng lupon ng matatanda ang payo sa Filipos 2:3?

14 Ang pangangasiwa ngayon sa bawat kongregasyon ay hindi na nakasalalay sa iisang brother, kundi sa isang lupon ng matatanda na binubuo ng mga brother na nakaabot sa makakasulatang kuwalipikasyon at inatasan sa teokratikong paraan. Ang bagong kaayusang iyan ay pinasimulan noong Oktubre 1, 1972. Sa ngayon, itinuturing ng koordineytor ng lupon ng matatanda ang kaniyang sarili, hindi bilang nakatataas sa iba pang elder, kundi bilang “nakabababa.” (Luc. 9:48) Talagang pagpapala ang mapagpakumbabang mga brother na iyon sa ating pandaigdig na kapatiran!​—Fil. 2:3.

Maliwanag na kumikilos nang may karunungan ang ating Hari​—naglalaan siya ng kinakailangang mga pastol para sa kaniyang mga tagasunod sa tamang panahon

15. (a) Paano nakikinabang ang kongregasyon sa pagkakaroon ng lupon ng matatanda? (b) Ano ang nagpapatunay na kumikilos nang may karunungan ang ating Hari?

15 Napakalaki ng naitulong ng paghahati-hati ng mga miyembro ng lupon ng matatanda sa mga pananagutan sa kongregasyon. Pansinin ang tatlong kapakinabangan: Una sa lahat, ang kaayusang ito ay nakatulong sa lahat ng elder​—gaanuman kabigat ang mga responsibilidad nila sa kongregasyon—​na laging isaisip na si Jesus ang Ulo ng kongregasyon. (Efe. 5:23) Ikalawa, gaya ng binabanggit sa Kawikaan 15:22: “Sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Kapag pinag-uusapan ng mga elder ang mga bagay na nakaaapekto sa espirituwalidad ng kongregasyon at isinasaalang-alang ang mungkahi ng isa’t isa, nakagagawa sila ng mga desisyon na kaayon ng mga simulain sa Bibliya. (Kaw. 27:17) Pinagpapala ni Jehova ang gayong mga desisyon, kaya nagiging matagumpay ang mga ito. Ikatlo, dahil mas maraming kuwalipikadong brother ang naglilingkod bilang elder, natutugunan ng organisasyon ang lumalaking pangangailangan para sa mga tagapangasiwa at pastol sa mga kongregasyon. (Isa. 60:3-5) Isipin ito​—ang mahigit 27,000 kongregasyon sa buong mundo noong 1971 ay naging mahigit 113,000 noong 2013! Maliwanag na kumikilos nang may karunungan ang ating Hari​—naglalaan siya ng kinakailangang mga pastol para sa kaniyang mga tagasunod sa tamang panahon.​—Mik. 5:5.

MGA PAGBABAGO SA PARAAN NG PANGANGASIWA

  • 1881​—Para magkaroon ng kontak sa mga Estudyante ng Bibliya na nakatira sa iisang lugar, hiniling ni Brother Russell sa mga regular na nagdaraos ng pulong na ipaalam sa tanggapan ng Watch Tower kung saan nila ito ginaganap.

  • 1895​—Tinagubilinan ang lahat ng kongregasyon na pumili ng mga brother na puwedeng maglingkod bilang matatanda.

  • 1919​—Sa bawat kongregasyon, isang service director ang inaatasan ng sangay sa teokratikong paraan. Kasama sa mga pananagutan niya ang pag-oorganisa ng pangangaral at paghimok sa mga kapatid na makibahagi rito. Hindi sinuportahan ng ilang matatanda ang kaayusan sa pagkakaroon ng isang service director.

  • 1932​—Itinigil na ang taunang paghalal ng matatanda sa kongregasyon. Sa halip, ang kongregasyon ay naghahalal ng isang komite sa paglilingkod na binubuo ng mga brother na masigasig sa pangangaral at namumuhay kaayon ng bago nilang pangalan na mga Saksi ni Jehova. Ang isa sa kanila, na pinili ng kongregasyon, ay aatasan ng Samahan o tanggapang pansangay para maging service director.

  • 1937​—Ang mga brother na kabilang sa malaking pulutong ay maaari nang maging miyembro ng komite sa paglilingkod, kasama ng pinahirang mga kapatid.

  • 1938​—Tinanggap ng mga kongregasyon ang resolusyon na ang lahat ng servant sa kongregasyon ay hihirangin na sa teokratikong paraan. Dito na tuluyang nagtapos ang halalan sa mga kongregasyon.

Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga pagbabago sa paraan ng pangangasiwa sa organisasyon, tingnan ang Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 204-235.

Taunang paghalal ng matatanda sa kongregasyon noong dekada ng 1920

“Itinataas namin ang aming kanang kamay kapag bumoboto ng matatanda. Pagkatapos, isang brother ang magbibilang ng aming mga boto.”​—Sister Rose Swingle, Chicago, Illinois, E.U.A.

“Maging mga Halimbawa sa Kawan”

16. (a) Ano ang pananagutan ng matatanda? (b) Ano ang tingin ng mga Estudyante ng Bibliya sa utos ni Jesus na ‘pastulan ang mga tupa’?

16 Noon pa mang panahon ng mga Estudyante ng Bibliya, alam na ng matatanda na may pananagutan silang tulungan ang kanilang mga kapananampalataya na manatiling lingkod ng Diyos. (Basahin ang Galacia 6:10.) Noong 1908, tinalakay sa isang artikulo sa Watch Tower ang utos ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Sinabi ng artikulo sa matatanda: “Napakahalaga na lagi nating isapuso ang atas ng Panginoon may kaugnayan sa kawan, at ituring natin na napakalaking pribilehiyo na pakainin at alagaan ang mga tagasunod ng Panginoon.” Noong 1925, idiniin uli ng The Watch Tower ang pananagutan ng matatanda na maglingkod bilang pastol: “Ang kongregasyon ng Diyos ay kaniyang pag-aari, . . . at sa kaniya mananagot ang lahat ng may pribilehiyong maglingkod sa kanilang mga kapatid.”

17. Paano tinutulungan ang mga tagapangasiwa na maging mahuhusay na pastol?

17 Paano tinutulungan ng organisasyon ni Jehova ang mga elder para sumulong ang kakayahan nila sa pagpapastol mula sa ‘bakal tungo sa pilak’? Sa pamamagitan ng pagsasanay. Noong 1959, idinaos ang unang Kingdom Ministry School para sa mga tagapangasiwa. Tinalakay sa isang aralin ang paksang “Pagbibigay-Pansin sa Bawat Indibiduwal.” Pinasigla ang mga tagapangasiwa na “gumawa ng iskedyul para dalawin ang mga mamamahayag sa kanilang tahanan.” Iniharap sa aralin kung paano gagawin ng mga pastol na nakapagpapatibay ang gayong mga pagdalaw. Noong 1966, nagkaroon ng mga pagbabago sa Kingdom Ministry School. Tinalakay rito ang paksang “Kahalagahan ng Gawaing Pagpapastol.” Ano ang idiniin sa araling iyon? Ang mga nangunguna ay “dapat makibahagi sa paglalaan ng maibiging pangangalaga sa kawan ng Diyos nang hindi napapabayaan ang sarili nilang pamilya at ang ministeryo sa larangan.” Nitong nakalipas na mga taon, mas marami pang paaralan para sa mga elder ang sinimulan. Ano ang resulta ng tuloy-tuloy na pagsasanay na inilalaan ng organisasyon ni Jehova? Sa ngayon, libo-libong kuwalipikadong brother ang naglilingkod bilang espirituwal na mga pastol sa kongregasyong Kristiyano.

Klase ng Kingdom Ministry School sa Pilipinas, 1966

Ang Kingdom Ministry School sa Pilipinas, 1966

18. (a) Anong mabigat na pananagutan ang ipinagkatiwala sa mga elder? (b) Bakit mahal ni Jehova at ni Jesus ang masisipag na elder?

18 Sa pamamagitan ng ating Haring si Jesus, ipinagkatiwala ni Jehova sa mga elder ang isang mabigat na pananagutan. Ano iyon? Gabayan ang mga tupa ng Diyos sa pinakamapanganib na panahon sa kasaysayan ng tao. (Efe. 4:11, 12; 2 Tim. 3:1) Mahal na mahal ni Jehova at ni Jesus ang masisipag na elder dahil sinusunod nila ang utos ng Kasulatan: ‘Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga nang maluwag sa kalooban at may pananabik at maging mga halimbawa sa kawan.’ (1 Ped. 5:2, 3) Talakayin natin ang dalawa sa maraming paraan kung paanong ang mga pastol ay nagiging halimbawa sa kawan at nakatutulong nang malaki para maging mapayapa at maligaya ang kongregasyon.

“TUWANG-TUWA KAMI”

ISANG mag-asawang misyonero sa Asia ang inatasan sa isang kongregasyon na maraming taon nang walang pagsulong. Napansin nilang mababait naman ang mga kapatid pero hindi sumusunod sa mga tagubilin ng organisasyon. Nang maging kaibigan na ng mga misyonero ang mga mamamahayag, agad na kumilos ang brother para unti-unting makaalinsabay ang kongregasyon sa kaayusan ng bayan ni Jehova sa buong mundo. Ano ang resulta? Sa loob lang ng dalawang taon, dumoble ang bilang ng dumadalo, nakibahagi na sa pangangaral ang mga baguhan, at mahigit 20 ang nabautismuhan. “Tuwang-tuwa kami,” ang sabi ng mag-asawa. “Pinagpala kami nang husto ni Jehova! Masayang-masaya ang buong kongregasyon nang makita nila ang resulta ng pagsunod sa mga tagubilin ng organisasyon ng Diyos.”

Kung Paano Pinapastulan ng mga Elder sa Ngayon ang Kawan ng Diyos

19. Ano ang nadarama natin kapag sinasamahan tayo ng elder sa ministeryo?

19 Una, sinasamahan ng mga elder sa ministeryo ang mga miyembro ng kongregasyon. Tungkol kay Jesus, sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas: “Naglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos. At ang labindalawa ay kasama niya.” (Luc. 8:1) Kung paanong nangaral si Jesus kasama ang kaniyang mga apostol, sinasamahan din ng huwarang mga elder sa ngayon ang kanilang kapananampalataya sa pangangaral. Sa paggawa nito, alam nilang malaki ang naiaambag nila sa positibong espiritu ng kongregasyon. Ano naman ang nadarama ng kongregasyon sa gayong mga elder? Sinabi ni Jeannine, halos 90 anyos: “Kapag sinasamahan ako ng elder sa larangan, magandang pagkakataon iyon para makakuwentuhan siya at makilala nang higit.” Sinabi naman ni Steven, mga 35 anyos: “Kapag sinasamahan ako ng isang elder sa bahay-bahay, damang-dama ko na gusto niya akong tulungan. Kaya masayang-masaya ako.”

Natagpuan ng isang pastol ang isang nawawalang tupa sa mabagyong gabi

Kung paanong hinahanap ng pastol ang isang nawawalang tupa, sinisikap din ng mga elder na hanapin ang mga napawalay sa kongregasyon

20, 21. Paano matutularan ng mga elder ang pastol sa ilustrasyon ni Jesus? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang kahong “Matagumpay na Lingguhang Pagdalaw.”)

20 Ikalawa, sinasanay ng organisasyon ni Jehova ang mga elder na magpakita ng malasakit sa mga napawalay sa kongregasyon. (Heb. 12:12) Bakit dapat tulungan ng mga elder ang gayong mahihina sa espirituwal, at paano nila ito gagawin? Makikita natin ang sagot sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang pastol at nawawalang tupa. (Basahin ang Lucas 15:4-7.) Nang mapansin ng pastol na nawawala ang isang tupa, hinanap niya ito na para bang iyon lang ang kaisa-isa niyang tupa. Paano tinutularan ng mga elder sa ngayon ang pastol? Kung paanong nanatiling mahalaga sa pastol ang nawawalang tupa, nananatili ring mahalaga sa mga elder sa ngayon ang mga napawalay sa bayan ng Diyos. Hindi nila iniisip na pag-aaksaya lang ng panahon ang paghanap sa nawawalang tupa. Isa pa, kung paanong nagpasiya ang pastol na ‘humayo dahil sa isa na nawala hanggang sa masumpungan niya ito,’ nagkukusa rin ang mga elder na hanapin at tulungan ang mahihina.

21 Ano ang ginawa ng pastol nang mahanap niya ang tupa? Dahan-dahan niya itong binuhat, ‘ipinasan sa kaniyang mga balikat,’ at ibinalik sa kawan. Sa katulad na paraan, kapag nagpapakita ng taos-pusong malasakit ang isang elder, para bang dahan-dahan niyang binubuhat ang isang nanghihina sa espirituwal at tinutulungang manumbalik sa kongregasyon. Iyan ang nangyari kay Victor, isang brother sa Aprika na huminto sa pakikisama sa kongregasyon. Ikinuwento niya: “Sa loob ng walong taon na hindi ako aktibo, hindi tumigil ang mga elder sa pagsisikap na tulungan ako.” Ano ang partikular na nakaantig sa kaniya? Sinabi niya: “Isang araw, dinalaw ako ni John, isang elder na kaklase ko noon sa Pioneer Service School. Ipinakita niya sa akin ang mga litrato namin noong nag-aaral kami. Nagbalik sa isip ko ang napakaraming magagandang alaala, kaya nasabik ako na madamang muli ang kagalakan noong naglilingkod pa ako kay Jehova.” Di-nagtagal mula nang dumalaw si John, nanumbalik si Victor sa kongregasyon. Sa ngayon, payunir na uli siya. Talagang malaki ang nagagawa ng mapagmalasakit na mga elder para makadama tayo ng kagalakan.​—2 Cor. 1:24.b

Dalawang brother na dumalaw sa isang may-edad na di-aktibong brother

MATAGUMPAY NA LINGGUHANG PAGDALAW

DAHIL sa hangaring matulungan ang mga nawawalang tupa, pinag-usapan ng mga elder sa isang kongregasyon sa Estados Unidos kung ano ang puwede nilang gawin sa mga napawalay sa kawan. Nalaman nilang nakatira pa rin sa kanilang teritoryo ang mga 30 indibiduwal na ilang dekada nang huminto sa paglilingkod kay Jehova. Karamihan sa kanila ay may-edad na.

Kinuha ng elder na si Alfredo ang listahan ng kanilang pangalan at sinimulan silang dalawin. “Tuwing Biyernes ng umaga, dinadalaw ko sa bahay ang isang di-aktibo,” ang sabi niya. Kapag pinatuloy siya, sinisikap niyang makipagkuwentuhan at magpakita ng taos-pusong pagmamalasakit. Sinasabi niya rito na hindi nakakalimutan ng kongregasyon ang maiinam na gawa nito alang-alang sa Kaharian ni Jehova. “Nang sabihin ko sa isang may-edad nang di-aktibong brother ang dami ng oras na ginugol niya at ang dami ng magasing naipasakamay niya nang huli siyang mag-ulat noong 1976, napaiyak ang brother,” ang kuwento pa niya. Binabasa rin ni Alfredo ang Lucas 15:4-7, 10 sa mga dinadalaw niya at itinatanong, “Ano daw ang nangyayari kapag bumalik sa kongregasyon ang isang nawawalang tupa? Isipin mo​—si Jehova, si Jesus, at ang mga anghel ay nagsasaya!”

Dalawang taon nang matiyagang tumutulong si Alfredo sa mga di-aktibo. Ano ang resulta? Masayang-masaya siyang matulungan ang dalawang brother na manumbalik sa kongregasyon. Regular na silang dumadalo sa pulong tuwing Linggo. “Nang dumalo sila sa Kingdom Hall, ako naman ang napaiyak,” ang nakangiti niyang sinabi. “Kahit dumadalo na ang mga kapatid na iyon,” ang dagdag niya, “pinupuntahan ko pa rin sila tuwing Biyernes kasi nasasabik daw sila sa lingguhang pagdalaw na iyon​—at ako rin naman!”

Mas Organisadong Pangangasiwa​—Nagpapatatag sa Pagkakaisa ng Bayan ng Diyos

22. Paano napatatatag ng katuwiran at kapayapaan ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano? (Tingnan din ang kahong “Tuwang-tuwa Kami.”)

22 Gaya ng nabanggit na, inihula ni Jehova na ang katuwiran at kapayapaan ay patuloy na lalago sa gitna ng bayan ng Diyos. (Isa. 60:17) Ang dalawang katangiang ito ay nagpapatatag sa pagkakaisa ng mga kongregasyon. Paano? Kung tungkol sa katuwiran, ang “Diyos ay iisang Jehova.” (Deut. 6:4) Ang kaniyang matuwid na mga pamantayan sa mga kongregasyon sa isang bansa ay katulad din ng sa mga kongregasyon sa ibang bansa. Iisa lang ang kaniyang pamantayan ng tama at mali “sa lahat ng kongregasyon ng mga banal.” (1 Cor. 14:33) Kaya susulong lang ang kongregasyon kung susundin nito ang mga pamantayan ng Diyos. Kung tungkol naman sa kapayapaan, gusto ng ating Hari na hindi lang tayo maging mapayapa, kundi maging “mapagpayapa” rin. (Mat. 5:9) Kaya “itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.” Gumawa agad tayo ng hakbang para ayusin ang anumang di-pagkakaunawaan na maaaring bumangon sa gitna natin. (Roma 14:19) Sa ganitong paraan, nakatutulong tayo para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa ating kongregasyon.​—Isa. 60:18.

23. Ano ang tinatamasa natin sa ngayon bilang mga lingkod ni Jehova?

23 Noong Nobyembre 1895, nang ipatalastas ng Watch Tower ang unang kaayusan sa pagtatalaga ng mga elder, ipinahayag din ng mga nangunguna sa organisasyon ang kanilang hangarin. Ano iyon? Inaasahan nila at ipinananalangin na ang bagong kaayusang ito ay makatutulong sa bayan ng Diyos para “mabilis na makamit ang pagkakaisa ng pananampalataya.” Kapag nagbabalik-tanaw tayo sa nakalipas na mga dekada, natutuwa tayong makita na talagang napatatag ang ating pagkakaisa sa pagsamba dahil sa unti-unting pagdadalisay ni Jehova sa paraan ng pangangasiwa sa pamamagitan ng ating Hari. (Awit 99:4) Bilang resulta, maligaya ang lahat ng kabilang ngayon sa bayan ni Jehova sa buong mundo habang lumalakad sa iisang landasin nang may iisang kaisipan at naglilingkod sa “Diyos ng kapayapaan” “nang balikatan.”​—2 Cor. 12:18; basahin ang Zefanias 3:9.

a Ang resulta ng pagsasaliksik na iyon ay inilathala sa aklat na Aid to Bible Understanding.

b Tingnan ang artikulong “Mga Elder​—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan,’” sa Enero 15, 2013, ng Ang Bantayan, pahina 27-31.

Gaano Katotoo sa Iyo ang Kaharian?

  • Anong mga pagbabago sa organisasyon ang ipinatupad ng Kaharian?

  • Paano nakatulong ang mga pagbabago sa paraan ng pangangasiwa sa kongregasyon para mapaglingkuran mo “ang Diyos ng kapayapaan”?

  • Ano ang sinabi at ginawa ng isang elder na nakaragdag sa iyong kagalakan?

  • Paano ka makatutulong sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon?

Mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at ang mga katulong nito sa isang meeting

KUNG PAANO INAASIKASO NG LUPONG TAGAPAMAHALA ANG MGA KAPAKANAN NG KAHARIAN

ANG Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay binubuo ng mga brother na pinahirang lingkod ng Diyos na Jehova. Bilang isang grupo, sila ang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin.” Pananagutan nilang maglaan ng espirituwal na pagkain at magbigay ng tagubilin at pampasigla para tiyaking naisasagawa ang pangangaral ng Kaharian sa buong lupa.​—Mat. 24:14, 45-47.

Nagpupulong ang Lupong Tagapamahala linggo-linggo, karaniwan nang tuwing Miyerkules. Nakatutulong ito para gumawang magkakasama sa pagkakaisa ang mga brother na ito. (Awit 133:1) Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay naglilingkod din sa iba’t ibang komite. Para maasikaso ang mga kapakanan ng Kaharian, ang bawat komite ay may kani-kaniyang pananagutan. Narito ang sumaryo:

  • Mga brother na nagtutulungan para pangalagaan ang Kristiyanong kapatiran

    Coordinators’ Committee

    Ito ang nangangasiwa sa mga legal na usapin at sa paggamit ng media kapag kailangang bigyan ng tumpak na impormasyon ang publiko tungkol sa ating mga paniniwala. Ito rin ang nagsasaayos ng tulong kapag may sakuna, pag-uusig, at iba pang kagipitan na kinakaharap ng mga kapatid sa buong daigdig.

  • Mga miyembro ng pamilyang Bethel na gumagawa ng iba’t ibang atas

    Personnel Committee

    Ito ang nag-aasikaso sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa buong mundo. Ito ang pumipili at nag-aanyaya sa mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel at sumasagot sa mga tanong nila tungkol sa paglilingkod sa Bethel.

  • Isang Bethelite na tumutulong sa pag-iimprenta at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya

    Publishing Committee

    Ito ang nangangasiwa sa pag-iimprenta at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya sa buong mundo. Pinangangasiwaan din nito ang mga palimbagan at ari-ariang pinatatakbo ng mga korporasyon ng mga Saksi ni Jehova at ang mga proyekto ng konstruksiyon sa buong mundo, pati na ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Tinitiyak nito na magagamit sa pinakamatalinong paraan ang pondo mula sa mga donasyon para sa gawaing pang-Kaharian.

  • Isang brother na naghahanda at nagreresearch

    Service Committee

    Ito ang nangangasiwa sa lahat ng aspekto ng gawaing pag-eebanghelyo at sa mga bagay na may kinalaman sa mga kongregasyon, mamamahayag, payunir, elder, naglalakbay na tagapangasiwa, at mga misyonero. Pinangangasiwaan din nito ang mga gawain ng mga Hospital Liaison Committee.

  • Isang brother na nagpapahayag

    Teaching Committee

    Ito ang nangangasiwa sa mga materyal na ginagamit sa mga asamblea, kombensiyon, at mga pulong ng kongregasyon. Pinangangasiwaan din nito ang Paaralang Gilead, School for Kingdom Evangelizers, at ang Pioneer Service School, pati na ang iba pang paaralan. Ito rin ang nangangasiwa sa paghahanda ng Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano​—Workbook Para sa Pulong at ng mga audio at video program.

  • Iba’t ibang format ng publikasyon, kasama na ang jw.org website

    Writing Committee

    Ito ang nangangasiwa sa paghahanda ng espirituwal na pagkain sa nakaimprenta at elektronikong format para sa mga kapatid at sa publiko. Pinangangasiwaan din nito ang website ng organisasyon at ang gawaing pagsasalin sa buong daigdig. Ito rin ang sumasagot sa mga tanong tungkol sa kahulugan ng isang teksto o isang punto na iniharap sa publikasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share