Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • kr kab. 19 p. 202-208
  • Gawaing Pagtatayo na Nagpaparangal kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gawaing Pagtatayo na Nagpaparangal kay Jehova
  • Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatayo ng mga Kingdom Hall
  • Pagtatayo sa mga Lupaing Limitado ang Kakayahan o Pananalapi
  • Mga ‘Kusang-Loob na Naghahandog ng Kanilang Sarili’
  • Sama-samang Nagtatayo sa Buong Daigdig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ang Kamangha-manghang Pagsulong ay Humihiling ng Mabilis na Pagpapalawak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ito ang Ating Lugar ng Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Bakit at Paano Itinatayo ang mga Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Iba Pa
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
kr kab. 19 p. 202-208

KABANATA 19

Gawaing Pagtatayo na Nagpaparangal kay Jehova

POKUS NG KABANATA

Gawaing pagtatayo sa buong daigdig para sa mga kapakanan ng Kaharian

1, 2. (a) Sa anong gawain nasisiyahan noon pa man ang mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang mahalaga kay Jehova?

NOON pa man, ang mga tapat na lingkod ni Jehova ay nasisiyahan na sa pagtatayo ng mga gusaling nagpaparangal sa kaniyang pangalan. Halimbawa, masayang-masaya ang mga Israelita na magkaroon ng bahagi sa paggawa ng tabernakulo at sa paglalaan ng kailangang mga materyales.​—Ex. 35:30-35; 36:1, 4-7.

2 Para kay Jehova, hindi ang mga materyales sa pagtatayo ang talagang nagpaparangal sa kaniya at hindi rin ito ang pinakamahalaga. (Mat. 23:16, 17) Ang mahalaga kay Jehova, ang kaloob na talagang nagpaparangal sa kaniya, ay ang pagsamba ng kaniyang mga lingkod, pati na ang kanilang espiritu ng pagkukusa at sigasig sa paggawa. (Ex. 35:21; Mar. 12:41-44; 1 Tim. 6:17-19) Mahalaga ang katotohanang iyan. Bakit? Nasisira at napapalitan ang mga gusali. Halimbawa, wala na ang tabernakulo at templo. Pero hindi nalilimutan ni Jehova ang pagkabukas-palad at pagpapagal ng tapat na mga lingkod na sumuporta sa pagtatayo ng mga iyon.​—Basahin ang 1 Corinto 15:58; Hebreo 6:10.

3. Ano ang rerepasuhin natin sa kabanatang ito?

3 Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay nagpapagal din nang husto sa pagtatayo ng mga dako ng pagsamba. At talagang kahanga-hanga ang nagagawa natin sa ilalim ng patnubay ng Haring si Jesu-Kristo! Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang ating mga pagsisikap. (Awit 127:1) Sa kabanatang ito, rerepasuhin natin ang ilang proyekto sa pagtatayo at kung paano ito nagpaparangal kay Jehova. Malalaman din natin ang komento ng ilan na naging bahagi ng gawaing ito.

Pagtatayo ng mga Kingdom Hall

4. (a) Bakit natin kailangan ng mas maraming dako ng pagsamba? (b) Bakit isinara ang ilang tanggapang pansangay at isinama sa ibang mga sangay? (Tingnan ang kahong “Pagtatayo ng Sangay​—Umaalinsabay sa mga Pagbabago.”)

4 Gaya ng tinalakay sa Kabanata 16, kahilingan ni Jehova na magtipon tayo para sumamba. (Heb. 10:25) Ang mga pulong ay hindi lang nagpapatibay ng pananampalataya, kundi nagpapasigla rin sa atin na makibahagi sa gawaing pangangaral. Habang papalapít na ang wakas ng mga huling araw, patuloy na pinabibilis ni Jehova ang gawaing iyan. Dahil diyan, daan-daang libo ang humuhugos sa kaniyang organisasyon taon-taon. (Isa. 60:22) Kasabay ng pagdami ng mga sakop ng Kaharian, lumalaki rin ang pangangailangan sa mga palimbagan ng salig-Bibliyang literatura. Kailangan din natin ng mas maraming dako ng pagsamba.

5. Bakit angkop ang pangalang Kingdom Hall? (Tingnan din ang kahong “Ang Simbahang New Light.”)

5 Sa pasimula ng kasaysayan ng modernong-panahong bayan ni Jehova, nakita ng mga Estudyante ng Bibliya na kailangan nila ng sariling dakong pagtitipunan. Posibleng ang isa sa pinakaunang mga dako ng pagsamba na itinayo nila ay sa West Virginia, E.U.A., noong 1890. Pagtuntong ng dekada ng 1930, marami nang bulwagan ang itinayo o inayos ng bayan ni Jehova, pero wala pa silang tawag noon sa mga gusaling iyon. Noong 1935, dumalaw si Brother Rutherford sa Hawaii, kung saan isang bulwagan ang itinatayo katabi ng bagong tanggapang pansangay. Nang tanungin si Brother Rutherford kung ano ang dapat itawag sa gusali, sinabi niya: “Hindi kaya dapat itong tawaging ‘Kingdom Hall,’ yamang iyan ang ating ginagawa, ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian?” (Mat. 24:14) Nang maglaon, Kingdom Hall na rin ang itinawag sa halos lahat ng dakong pinagtitipunan ng mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong mundo.

Isang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa harap ng simbahang New Light noong dekada ng 1890

Mga Estudyante ng Bibliya, sa harapan ng simbahang New Light

ANG SIMBAHANG NEW LIGHT

NOONG huling bahagi ng dekada ng 1880, naging mga Estudyante ng Bibliya ang maraming miyembro ng isang kongregasyong Baptist sa Mount Lookout, West Virginia. Noong una, nakikigamit sila sa simbahan ng Baptist. Lumilitaw na kung sino ang unang grupong dumating, sila ang gagamit. Pero noong 1890, nagtayo ang mga kapatid ng sariling bulwagan at hindi na nakigamit sa simbahan ng Baptist.

Posibleng ang bulwagang ito ay isa sa pinakaunang mga dako ng pagsamba na itinayo ng modernong-panahong bayan ni Jehova. Tinawag itong simbahang New Light dahil ang mga katotohanang itinuturo ng mga Estudyante ng Bibliya ay itinuturing na mga bagong liwanag sa Kasulatan. Ginamit ito hanggang noong dekada ng 1920. Nakapagpahayag dito si Brother A. H. Macmillan at iba pang mga naglalakbay na tagapagsalita, o pilgrim. Ginamit din ito sa pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation.”

6, 7. Ano ang natugunan ng mga Kingdom Hall na mabilis na naitatayo? Ano ang epekto nito sa komunidad?

6 Noong dekada ng 1970, lalo pang dumami ang pangangailangan sa mga Kingdom Hall. Kaya ang mga kapatid sa Estados Unidos ay nakaisip ng paraan ng pagtatayo ng maganda at praktikal na gusali na matatapos sa loob lang ng ilang araw. Noong 1983, nakapagtayo na ng mga 200 gayong Kingdom Hall sa Estados Unidos at Canada. Para magawa ang proyektong iyon, ang mga kapatid ay bumuo ng mga regional building committee. Dahil naging matagumpay ang kaayusang ito, ginawa itong opisyal ng Lupong Tagapamahala noong 1986, at noong 1987, mayroon nang 60 Regional Building Committee (RBC) sa Estados Unidos.a Noong 1992, mayroon na ring RBC sa Argentina, Australia, Pransiya, Germany, Japan, Mexico, Timog Aprika, at Spain. Dapat lang na suportahan natin ang masisipag na kapatid na nagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall dahil ang gawain nila ay bahagi ng sagradong paglilingkod.

7 Ang mga Kingdom Hall na mabilis na naitatayo ay nagsisilbing mainam na patotoo sa mga komunidad. Halimbawa, isang pahayagan sa Spain ang may headline na “Napalilipat ng Pananampalataya ang mga Bundok.” Sinabi ng pahayagan may kinalaman sa pagtatayo ng gayong Kingdom Hall sa bayan ng Martos: “Paano nangyaring sa daigdig na ito na laganap ang kasakiman, may mga boluntaryo mula sa iba’t ibang rehiyon [ng Spain] na walang pag-iimbot na naglakbay sa Martos para magtayo ng isang gusali na nahigitan ang lahat ng rekord sa bilis, kahusayan, at organisasyon?” Bilang sagot, binanggit ng artikulo ang komento ng isang Saksing boluntaryo: “[Dahil] kami’y isang bayan na tinuruan ni Jehova.”

PAGTATAYO NG SANGAY​—UMAALINSABAY SA MGA PAGBABAGO

Mga lalaking nagtatayo ng factory sa Brooklyn noong 1927

Ang pagtatayo ng isa sa mga unang palimbagan sa Brooklyn, 1927

KASABAY ng paglawak ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa buong daigdig, nagtatatag ng mga tanggapang pansangay sa iba’t ibang bansa. Ang unang itinatag ay sa Britanya noong 1900; ang ikalawa, sa Germany noong 1903; at ikatlo, sa Australia noong 1904. Mabilis ding lumaki ang pangangailangan sa mga literatura kaya kailangang magtayo ng mga palimbagan. Ang isa sa mga unang itinayo ay ang walong-palapag na gusali sa Brooklyn, New York, noong 1927. Mula 2013, may 15 sangay na naglilimbag ng mga Bibliya, aklat, o magasin.

Sangay sa Papua New Guinea

Mga gusali sa Bethel sa Papua New Guinea, inialay noong 2010

Mula kalagitnaan ng dekada ng 1970 hanggang pasimula ng dekada ng 1990, nagtayo ng mga pasilidad ng sangay sa mga 60 lupain. Pinalawak naman ang mga tanggapang pansangay sa 30 lupain. Pero kamakailan, ang ilang sangay ay isinara at isinama sa ibang mga sangay. Tungkol sa ilang dahilan, ganito ang paliwanag sa 2013 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova: “Dahil sa pagsulong ng teknolohiya sa komunikasyon at pag-iimprenta . . . , kaunting manggagawa na lang ang kailangan sa malalaking sangay. At yamang kaunti na lang ang nagtatrabaho sa malalaking sangay, may lugar na para sa ilang manggagawa mula sa maliliit na sangay sa ibang bansa. Ngayon, mula sa malalaking sangay na ito, isang grupo ng makaranasang mga Saksi ang nangangasiwa sa gawain.”

Pagtatayo sa mga Lupaing Limitado ang Kakayahan o Pananalapi

8. Noong 1999, anong bagong programa ang inaprobahan ng Lupong Tagapamahala, at bakit?

8 Nang papatapos na ang ika-20 siglo, marami ang humuhugos sa organisasyon ni Jehova sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Ginawa ng lokal na mga kongregasyon ang lahat ng magagawa nila para makapagtayo ng mga dakong pagtitipunan. Pero sa ilang bansa, hinahamak sila dahil napakasimple lang ng kanilang Kingdom Hall kumpara sa gusali ng ibang mga relihiyon. Pero noong 1999, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang isang programa para mapabilis ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa papaunlad na mga lupain. Puwede nang gamitin ang pondo mula sa mas mauunlad na lupain para magkaroon ng “pagpapantay-pantay.” (Basahin ang 2 Corinto 8:13-15.) At ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa ay boluntaryong tumulong sa gawain.

9. Anong gawain ang parang hindi kakayanin, pero ano ang naisagawa?

9 Noong una, parang hindi kakayanin ang gawain. Ayon sa isang report noong 2001, mahigit 18,300 Kingdom Hall ang kailangan sa 88 papaunlad na mga lupain. Pero sa tulong ng espiritu ng Diyos at ng ating Haring si Jesu-Kristo, walang gawain ang imposible. (Mat. 19:26) Sa loob ng mga 15 taon, mula 1999 hanggang 2013, ang bayan ng Diyos ay nakapagtayo ng 26,849 na Kingdom Hall sa ilalim ng programang ito.b Patuloy na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral, kaya noong 2013, kailangan pa rin ng mga 6,500 Kingdom Hall sa mga bansang iyon. At sa bawat taóng lilipas, daan-daan pa ang kakailanganing maitayo.

Mga Saksing nagtatayo ng Kingdom Hall sa lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi

Maraming hamon sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi

10-12. Paano napararangalan ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall ang pangalan ni Jehova?

10 Paano napararangalan ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall ang pangalan ni Jehova? Sinabi sa isang report ng tanggapang pansangay sa Zimbabwe: “Wala pang isang buwan matapos itayo ang isang bagong Kingdom Hall, karaniwang nadodoble ang bilang ng dumadalo.” Sa maraming bansa, tila atubili ang mga tao na makisama sa atin hangga’t wala pang magandang dako ng pagsamba. Pero kapag may bago nang Kingdom Hall, mabilis itong mapuno at kailangan na uli ng isa pa. Pero hindi lang ganda ng gusali ang dahilan kung bakit naaakit ang mga tao kay Jehova. Nakaaapekto rin sa tingin ng mga tao sa kaniyang organisasyon ang tunay na pag-ibig Kristiyano na ipinapakita ng mga nagtatayo ng bulwagang iyon. Pansinin ang ilang halimbawa.

11 Indonesia. Nang malaman ng isang lalaking nagmamasid sa pagtatayo ng Kingdom Hall na boluntaryo ang lahat ng nagtatrabaho roon, sinabi niya: “Talagang kahanga-hanga kayo! Kitang-kita ko ang sipag at saya ng bawat isa sa inyo kahit wala kayong suweldo. Sa tingin ko, walang ibang relihiyon ang katulad n’yo!”

12 Ukraine. Isang babae ang araw-araw na dumaraan sa isang itinatayong gusali, at inisip niyang iyon ay Kingdom Hall at mga Saksi ni Jehova ang nagtatrabaho roon. Sinabi niya: “Narinig ko na ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa kapatid ko na naging Saksi. Nang maobserbahan ko ang ginagawa n’yong pagtatayo, gusto ko na ring maging bahagi ng espirituwal na pamilyang ito. Nakikita ko sa inyo ang pag-ibig.” Nag-aral ng Bibliya ang babaeng ito at nabautismuhan noong 2010.

13, 14. (a) Ano ang natutuhan mo sa reaksiyon ng isang mag-asawa nang maobserbahan nila ang pagtatayo sa isang Kingdom Hall? (b) Ano ang magagawa mo para matiyak na nagpaparangal sa pangalan ni Jehova ang inyong dako ng pagsamba?

13 Argentina. Nilapitan ng isang mag-asawa ang brother na nangangasiwa sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Sinabi ng mister, “Inoobserbahan naming mabuti ang pagtatayo n’yo ng gusali, at . . . gusto naming matuto tungkol sa Diyos sa dakong ito.” Saka niya itinanong, “Ano ang dapat naming gawin para maging kuwalipikadong dumalo sa mga pulong dito?” Tinanggap ng mag-asawa ang alok na pag-aaral sa Bibliya, sa kondisyong kasali ang kanilang buong pamilya. Siyempre, payag na payag ang mga kapatid sa kondisyong iyan.

14 Baka hindi ka nagkapribilehiyong tumulong sa pagtatayo ng inyong Kingdom Hall, pero may magagawa ka pa rin para maparangalan ng inyong dako ng pagsamba ang pangalan ni Jehova. Halimbawa, puwede kang maging masipag sa pag-iimbita sa iyong mga inaaralan sa Bibliya, dinadalaw-muli, at iba pa na dumalo sa mga pulong sa inyong Kingdom Hall. Puwede ka ring tumulong sa paglilinis at pagmamantini ng inyong dako ng pagsamba. Puwede ka ring patiunang maglaan ng donasyon para sa pangangalaga ng inyong Kingdom Hall o para sa pagtatayo ng mga dako ng pagsamba sa iba pang bahagi ng mundo. (Basahin ang 1 Corinto 16:2.) Ang lahat ng iyan ay nakadaragdag sa papuri sa pangalan ni Jehova.

Mga ‘Kusang-Loob na Naghahandog ng Kanilang Sarili’

15-17. (a) Sino ang gumagawa ng karamihan ng trabaho sa pagtatayo? (b) Ano ang natutuhan mo sa sinabi ng mga mag-asawang nagboboluntaryo sa internasyonal na mga proyekto ng pagtatayo?

15 Ang karamihan ng trabaho sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay ay ginagawa ng lokal na mga kapatid. Pero kadalasan nang tinutulungan sila ng mga kapatid mula sa ibang bansa na may karanasan sa pagtatayo. Ang ilan ay gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay para makapagboluntaryo nang ilang linggo sa ibang bansa. Ang iba naman ay handang maglingkod nang maraming taon at magpalipat-lipat sa iba’t ibang bansa dahil sa atas sa pagtatayo.

Sina Timo at Lina Lappalainen

Timo at Lina Lappalainen (Tingnan ang parapo 16)

16 Maraming hamon sa internasyonal na mga proyekto ng pagtatayo pero marami ring pagpapala. Kuning halimbawa ang karanasan nina Timo at Lina. Nakatulong na sila sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at tanggapang pansangay sa mga bansa sa Asia, Europa, at Timog Amerika. Sinabi ni Timo, “Sa nakalipas na 30 taon, halos kada dalawang taon ay nagbabago ang atas ko.” Sinabi naman ni Lina, na 25 taon nang asawa ni Timo: “Naglingkod na kami ni Timo sa 10 iba’t ibang bansa. Hindi ganoon kadaling masanay sa bagong pagkain, klima, wika, at bagong teritoryo sa pangangaral at magkaroon ng bagong mga kaibigan.”c Sulit ba ang lahat ng sakripisyong ito? “Sa kabila ng mga hamon,” ang sabi ni Lina, “napakaraming naging pagpapala. Naranasan namin ang pag-ibig at pagkamapagpatuloy ng mga kapatid at nadama namin ang maibiging pangangalaga ni Jehova. Nakita rin namin ang katuparan ng pangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa Marcos 10:29, 30. Nadagdagan ng sandaang ulit ang aming espirituwal na kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.” Sinabi ni Timo, “Masayang-masaya kami na nagagamit namin ang aming kakayahan sa pinakamarangal na layunin, ang pakikibahagi sa pagpapalawak ng mga pag-aari ng Hari.”

17 Para naman kina Darren at Sarah, na tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa Aprika, Asia, Sentral Amerika, Europa, Timog Amerika, at sa Timog Pasipiko, mas marami silang tinanggap kaysa sa ibinigay. Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Darren: “Pribilehiyong makatrabaho ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nakita ko na ang pag-ibig kay Jehova ang panaling nagbubuklod sa ating lahat sa buong mundo.” Sinabi ni Sarah: “Napakarami kong natutuhan sa mga kapatid na may iba’t ibang kultura! Kapag nakikita ko ang mga sakripisyo nila sa paglilingkod kay Jehova, mas nagiging determinado akong ibigay ang pinakamabuti ko.”

18. Paano natutupad ang hula sa Awit 110:1-3?

18 Inihula ni Haring David na kahit mapaharap sa mga hamon, ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay “kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili” para sa mga kapakanan ng Kaharian. (Basahin ang Awit 110:1-3.) Ang lahat ng nakikibahagi sa gawaing sumusuporta sa Kaharian ay tumutupad sa hulang iyan. (1 Cor. 3:9) Ang mga pasilidad ng sangay, daan-daang Assembly Hall, at sampu-sampung libong Kingdom Hall sa buong daigdig ay patunay na totoo ang Kaharian ng Diyos at ito ay namamahala na. Isa ngang pribilehiyo na maglingkod sa Haring si Jesu-Kristo sa gawaing nagbibigay kay Jehova ng karangalang talagang nararapat sa kaniya!

a Noong 2013, mahigit 230,000 boluntaryo ang inaprobahang maglingkod sa 132 RBC sa Estados Unidos. Sa bansang iyon, taon-taon, ang mga komiteng iyan ay nag-aasikaso sa pagtatayo ng mga 75 Kingdom Hall at tumutulong sa pag-ayos ng mga 900 bulwagan.

b Hindi kasama sa bilang na ito ang mga Kingdom Hall na itinayo sa mga lupaing wala sa ilalim ng programa.

c Ginugugol ng mga internasyonal na lingkod at boluntaryo ang karamihan ng kanilang panahon sa pagtatrabaho sa site, pero sinusuportahan din nila ang pangangaral ng mga lokal na kongregasyon tuwing dulo ng sanlinggo o kapag gabi.

Gaano Katotoo sa Iyo ang Kaharian?

  • Bakit tayo nagtatayo ng mga dakong pinagtitipunan at pasilidad ng sangay?

  • Paano nagpaparangal kay Jehova ang ating gawaing pagtatayo?

  • Paano ka makasusuporta sa pagtatayo at pagmamantini ng mga dako ng pagsamba?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share