Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jy kab. 27 p. 68-p. 69 par. 6
  • Tinawag si Mateo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinawag si Mateo
  • Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagkatawag kay Mateo
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Ang Pagkatawag kay Mateo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Maniningil ng Buwis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mateo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
jy kab. 27 p. 68-p. 69 par. 6
Nakamasid ang mga Pariseo habang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan sa bahay ni Mateo

KABANATA 27

Tinawag si Mateo

MATEO 9:9-13 MARCOS 2:13-17 LUCAS 5:27-32

  • TINAWAG NI JESUS SI MATEO, ANG MANININGIL NG BUWIS

  • NAKISALAMUHA SI KRISTO SA MGA MAKASALANAN PARA TULUNGAN SILA

Matapos pagalingin ang isang paralitiko, nanatili nang kaunting panahon si Jesus sa Capernaum, sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinuntahan ulit siya ng maraming tao, at tinuruan niya sila. Pagkatapos, umalis na si Jesus. Habang naglalakad, nakita niya si Mateo, na tinatawag ding Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito ang isang napakagandang paanyaya: “Maging tagasunod kita.”—Mateo 9:9.

Malamang na pamilyar na rin si Mateo sa mga turo ni Jesus at sa mga bagay na ginawa niya sa lugar nila, gaya nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Tulad nila, agad ding sumunod si Mateo. Inilarawan ito ni Mateo sa kaniyang Ebanghelyo, sa pagsasabi: “Kaya tumayo ito [si Mateo] at sumunod” kay Jesus. (Mateo 9:9) Sa gayon, iniwan ni Mateo ang kaniyang trabaho bilang maniningil ng buwis at naging alagad ni Jesus.

Nakita ni Jesus si Mateo sa tanggapan ng buwis at inanyayahan niya itong maging tagasunod niya

Nang maglaon, marahil para ipakitang pinahahalagahan niya ang espesyal na paanyaya ni Jesus, naghanda si Mateo ng isang malaking salusalo sa bahay niya. Sino-sino pa ang imbitado bukod kay Jesus at sa mga alagad niya? Naroon din ang dating mga kasamahan ni Mateo, iba pang maniningil ng buwis. Naniningil sila ng buwis para sa kinamumuhiang mga Romanong awtoridad, kasali rito ang buwis sa mga dumadaong na barko, sa mga caravan na dumaraan sa pangunahing mga kalsada, at sa mga inaangkat na paninda. Ano ang tingin ng maraming Judio sa mga maniningil ng buwis? Kinamumuhian sila ng mga tao dahil kadalasan nang sobra ang singil nila sa itinakdang buwis. Naroon din ang ilang “makasalanan,” mga taong kilalá sa paggawa ng masama.—Lucas 7:37-39.

Nang makita ng mapagmatuwid na mga Pariseo na kasama ni Jesus ang gayong mga tao, tinanong nila ang kaniyang mga alagad: “Bakit kumakain ang guro ninyo kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” (Mateo 9:11) Nang marinig sila ni Jesus, sumagot siya: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Kaya alamin ninyo ang kahulugan nito, ‘Ang gusto ko ay awa at hindi hain.’ Dahil dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Mateo 9:12, 13; Oseas 6:6) Hindi talaga itinuturing ng mga Pariseo si Jesus bilang “guro,” pero may matututuhan sila sa kaniya.

Lumilitaw na marami sa mga maniningil ng buwis at makasalanan ang sumusunod kay Jesus, kaya inimbitahan sila ni Mateo para mapakinggan pa nila si Jesus at mapagaling sa espirituwal. (Marcos 2:15) Gusto ni Jesus na tulungan silang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Hindi sila hinamak ni Jesus, di-gaya ng mapagmatuwid na mga Pariseo. Nahabag siya at naawa sa kanila; maaari siyang maging espirituwal na manggagamot para sa lahat ng may sakit sa espirituwal.

Nagpakita ng awa si Jesus sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, hindi para kunsintihin sila, kundi para magpakita ng magiliw na damdamin gaya ng ginawa niya sa mga maysakit. Alalahanin noong mahabag siya sa ketongin at hipuin ito, na sinasabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” (Mateo 8:3) Hindi ba’t dapat din tayong magpakita ng gayong awa at tumulong sa mga nangangailangan, lalo na sa espirituwal na paraan?

  • Ano ang ginagawa ni Mateo noong makita siya ni Jesus?

  • Bakit kinamumuhian ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis?

  • Bakit nakisalamuha si Jesus sa mga makasalanan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share