KABANATA 1
Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
SA BUONG mundo, maraming relihiyoso, politikal, komersiyal, at panlipunang organisasyon ang may iba’t ibang katangian, tunguhin, pananaw, at pilosopiya. Pero may isang organisasyon na namumukod-tangi. Malinaw na ipinapakilala ng Salita ng Diyos ang organisasyong ito—ang mga Saksi ni Jehova.
2 Nakakatuwang naging bahagi ka ng organisasyon ni Jehova. Napatunayan mo mismo mula sa Bibliya kung ano ang kalooban ng Diyos at ginagawa mo na ito ngayon. (Awit 143:10; Roma 12:2) Isa kang aktibong ministro na naglilingkod kasama ng mapagmahal at pandaigdig na kapatiran. (2 Cor. 6:4; 1 Ped. 2:17; 5:9) Gaya ng ipinangako ng Salita ng Diyos, saganang pagpapala at kaligayahan ang nararanasan mo ngayon. (Kaw. 10:22; Mar. 10:30) Sa pamamagitan ng tapat na paggawa ng kalooban ni Jehova, naihahanda ka para sa isang napakaganda at walang-hanggang kinabukasan.—1 Tim. 6:18, 19; 1 Juan 2:17.
3 Ang ating Dakilang Maylalang ay may pandaigdig na organisasyon na pinamamahalaan sa teokratikong paraan. Ibig sabihin, pinamumunuan ito ni Jehova, ang Ulo ng lahat. Talagang nagtitiwala tayo sa kaniya. Siya ang ating Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari. (Isa. 33:22) Dahil isa siyang organisadong Diyos, bumuo siya ng mga kaayusan para tulungan tayong “mga kamanggagawa niya” na maisakatuparan ang kaniyang layunin.—2 Cor. 6:1, 2.
4 Habang papalapit nang papalapit ang wakas ng sistemang ito, sumusulong tayo sa pangunguna ng inatasang Hari, si Kristo Jesus. (Isa. 55:4; Apoc. 6:2; 11:15) Inihula mismo ni Jesus na mahihigitan ng kaniyang mga tagasunod ang mga naisakatuparan niya sa kaniyang ministeryo sa lupa. (Juan 14:12) Magiging totoo iyan dahil mas mahaba ang panahon nila at patuloy silang darami, kaya talagang mas malawak ang teritoryong mapangangaralan nila. Ihahayag nila ang mabuting balita tungkol sa Kaharian hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.—Mat. 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8.
5 Talagang natutupad na ito sa ngayon. Pero maliwanag na sinabi ni Jesus na ang paghahayag ng mabuting balita ay magwawakas sa itinakdang panahon ni Jehova. Ipinapakita ng mga hula sa Salita ng Diyos na malapit na ang dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova.—Joel 2:31; Zef. 1:14-18; 2:2, 3; 1 Ped. 4:7.
Kailangan nating mas pagsikapan pa na gawin ang hinihiling ng Diyos. Kaya dapat na alam na alam natin kung paano kumikilos ang organisasyon ng Diyos
6 Habang nagiging mas malinaw sa atin kung ano ang kalooban ni Jehova sa huling bahagi ng mga huling araw na ito, kailangan nating mas pagsikapan pa na gawin ang hinihiling ng Diyos. Kaya dapat na alam na alam natin kung paano kumikilos ang organisasyon ng Diyos at lubusang makipagtulungan dito. Ang pagkilos ng organisasyon ay batay sa mga prinsipyo, utos, batas, tuntunin, at turo na nasa Salita ng Diyos.—Awit 19:7-9.
7 Kapag sumusunod ang mga lingkod ni Jehova sa mga tagubilin ng Bibliya, payapa sila at nagkakaisa. (Awit 133:1; Isa. 60:17; Roma 14:19) Ano ang nagpapatibay sa buklod ng ating kapatiran? Pag-ibig. Ito ang nagpapakilos sa atin na mahalin ang mga kapatid. (Juan 13:34, 35; Col. 3:14) Dahil pinagkakaisa ni Jehova ang mga lingkod niya, nakakaalinsabay tayo sa makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon.
ANG MAKALANGIT NA BAHAGI NG ORGANISASYON NI JEHOVA
8 Ang mga propetang sina Isaias, Ezekiel, at Daniel ay nakakita ng mga pangitain ng makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova. (Isa., kab. 6; Ezek., kab. 1; Dan. 7:9, 10) Nakakita rin si apostol Juan ng pangitain tungkol sa makalangit na kaayusang ito at iniulat niya ito sa Apocalipsis. Nakita niya si Jehova sa isang maluwalhating trono kasama ang mga anghel, na naghahayag: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat, ang nakaraan at ang kasalukuyan at ang darating.” (Apoc. 4:8) Nakita rin ni Juan na “nakatayo sa gitna ng trono . . . ang isang kordero,” ang Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo.—Apoc. 5:6, 13, 14; Juan 1:29.
9 Ang pangitaing ito na nakaupo si Jehova sa trono ay nagpapakitang siya ang Ulo ng organisasyong ito. Sinasabi ng 1 Cronica 29:11, 12 tungkol sa kaniya at sa kaniyang nakatataas na posisyon: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at ang karingalan, dahil ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova. Ikaw ang nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat. Mula sa iyo ang kayamanan at ang kaluwalhatian, at namamahala ka sa lahat ng bagay, at sa iyong kamay ay may kapangyarihan at kalakasan, at kaya mong gawing dakila at bigyan ng lakas ang lahat.”
10 Bilang kamanggagawa ni Jehova, si Jesu-Kristo ay may mataas na posisyon sa langit, at binigyan siya ng malaking awtoridad. “Inilagay rin [ng Diyos] ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay na may kaugnayan sa kongregasyon.” (Efe. 1:22) Sinabi ni apostol Pablo tungkol kay Jesus: “Binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, para lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng tuhod—ang mga nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa—at hayagang kilalanin ng bawat isa na si Jesu-Kristo ay Panginoon para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Fil. 2:9-11) Talagang makapagtitiwala tayo sa matuwid na pangunguna ni Jesu-Kristo.
11 Nakita ni propeta Daniel sa pangitain ang Sinauna sa mga Araw na nakaupo sa Kaniyang trono sa langit at ang mga anghel na may bilang na “isang libong libo-libo na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo ang nakatayo sa harap niya.” (Dan. 7:10) Tinukoy ng Bibliya ang hukbong ito ng mga anghel bilang “mga espiritung para sa banal na paglilingkod, na isinugo para maglingkod sa mga tatanggap ng kaligtasan.” (Heb. 1:14) Ang lahat ng espiritung nilalang na ito ay inorganisa sa ‘mga trono, pamamahala, gobyerno, at awtoridad.’—Col. 1:16.
12 Kung bubulay-bulayin natin ang mga detalyeng ito tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, mauunawaan natin ang naging reaksiyon ni Isaias sa pangitain kung saan “nakita [niya] si Jehova na nakaupo sa isang matayog at mataas na trono” at “may mga serapin na nakatayo sa itaas niya.” Sinabi ni Isaias: “Kaawa-awa ako! Tiyak na mamamatay ako, dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at nakatira ako kasama ng bayang marurumi ang labi; dahil nakita ng mga mata ko ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!” Talagang namangha at nanliit si Isaias nang maunawaan niya ang sakop ng organisasyon ni Jehova. Napakalaki ng epekto sa kaniya ng karanasang ito, kaya nang magkaroon ng paanyaya mula sa langit tungkol sa isang espesyal na atas ng paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova, sinabi niya: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:1-5, 8.
13 Kung kinikilala at pinapahalagahan ng mga lingkod ni Jehova ang kaniyang organisasyon, mapapakilos sila na tularan si Isaias. Habang sumusulong ang organisasyon ni Jehova, sinisikap nating umalinsabay at ipakitang nagtitiwala tayo rito.
SUMUSULONG ANG ORGANISASYON NI JEHOVA
14 Sa kabanata 1 ng hula ni Ezekiel, inilarawan si Jehova na nakasakay sa isang napakalaking makalangit na karo. Kumakatawan ang maluwalhating sasakyang ito sa di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Nakasakay siya sa karo at pinatatakbo niya ito. Ibig sabihin, pinapatnubayan niya ito at ginagamit ayon sa layunin niya.—Awit 103:20.
15 Ang bawat gulong ng karong ito ay binubuo ng dalawang gulong na pareho ng diyametro at magkaekis. Kaya “kayang pumunta ng mga [gulong] sa apat na direksiyon.” (Ezek. 1:17) Kaya ng mga ito na magbago agad ng direksiyon. Pero hindi ibig sabihin na walang kumokontrol o pumapatnubay sa karong ito. Hindi hinahayaan ni Jehova ang organisasyon niya na basta na lang pumunta sa kahit anong direksiyon na gustuhin nito. Sinasabi sa Ezekiel 1:20: “Pumupunta sila kung saan sila akayin ng espiritu.” Ibig sabihin, si Jehova mismo ang nagpapatakbo ng kaniyang organisasyon. Kaya tanungin ang sarili, ‘Umaalinsabay ba ako rito?’
16 Para makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova, hindi sapat ang basta dumalo sa mga pulong at maglingkod sa larangan. Makakaalinsabay tayo, pangunahin na, kung sisikapin nating sumulong sa espirituwal. ‘Tinitiyak natin kung ano ang mas mahahalagang bagay’ at inaalam ang pinakabagong programa ng espirituwal na pagkain. (Fil. 1:10; 4:8, 9; Juan 17:3) Tandaan din na para maging organisado, kailangan ang koordinasyon at pakikipagtulungan. Kaya mahalagang gamitin sa matalinong paraan ang panahon, lakas, abilidad, at materyal na pag-aaring ipinagkatiwala sa atin ni Jehova para maisagawa ang kaniyang gawain. Habang umaalinsabay tayo sa makalangit na karo ni Jehova, nagiging kaayon ng ating buhay ang mensaheng inihahayag natin.
17 Sa tulong ng organisasyon, sumusulong tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Tandaan na siya ang nagpapatakbo ng makalangit na karong ito. Kaya ipinapakita ng pag-alinsabay natin sa kaniyang karo na iginagalang natin si Jehova at nagtitiwala tayo sa ating Bato. (Awit 18:31) Nangangako ang Bibliya: “Bibigyan ni Jehova ng lakas ang bayan niya. Pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan ang bayan niya.” (Awit 29:11) Dahil bahagi tayo ng organisasyon ni Jehova, nagkakaroon tayo ng lakas at ng kapayapaan na ibinibigay niya sa kaniyang organisadong bayan. Talagang pagpapalain tayo ni Jehova habang ginagawa natin ang kalooban niya ngayon at magpakailanman.