KABANATA 2
Pagkilala sa Papel ni Kristo sa Kaayusan ng Diyos
“NANG pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa,” at ang lahat ng kaniyang ginawa ay “napakabuti.” (Gen. 1:1, 31) Nang gawin ni Jehova ang mga tao, isang napakagandang kinabukasan ang inilaan niya para sa kanila. Pero pansamantala itong nahadlangan ng paghihimagsik sa Eden. Pero hindi nagbago ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa mga tao. Ipinahiwatig ng Diyos na magkakaroon ng kaligtasan para sa masunuring mga inapo ni Adan. Ibabalik ang tunay na pagsamba, at pupuksain ng Diyos si Satanas at aalisin ang lahat ng masasamang gawa nito. (Gen. 3:15) Magiging “napakabuti” uli ng mga bagay-bagay. Isasakatuparan ito ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Juan 3:8) Kaya napakahalagang kilalanin natin ang papel ni Kristo sa kaayusan ng Diyos.—Gawa 4:12; Fil. 2:9, 11.
ANG PAPEL NI KRISTO
2 Maraming ginagampanang papel si Jesus sa kaayusan ng Diyos. Naglilingkod siya bilang Manunubos ng sangkatauhan, Mataas na Saserdote, Ulo ng kongregasyong Kristiyano, at ngayon, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Kung bubulay-bulayin natin ang mga papel na ito, sisidhi ang pagpapahalaga natin sa kaayusan ng Diyos at ang pag-ibig natin kay Kristo Jesus. Inilalarawan ng Bibliya ang ilan sa mga papel niya.
Si Jesus ang may pinakamalaking papel para matupad ang layunin ni Jehova para sa mga tao
3 Noong panahon ng ministeryo ni Kristo sa lupa, naging maliwanag na maipagkakasundo sa Diyos ang masunuring mga tao sa pamamagitan ni Jesus. (Juan 14:6) Bilang Manunubos ng sangkatauhan, ibinigay ni Jesus ang sarili niya bilang pantubos na kapalit ng marami. (Mat. 20:28) Kaya si Jesus ay hindi lang isang huwaran ng makadiyos na paggawi. Siya ang may pinakamalaking papel para matupad ang layunin ni Jehova para sa mga tao. Siya lang ang paraan para muli tayong sang-ayunan ng Diyos. (Gawa 5:31; 2 Cor. 5:18, 19) Nang mamatay si Jesus at buhaying muli, nagkaroon ng pagkakataon ang masunuring mga tao na tumanggap ng walang-hanggang mga pagpapala sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos.
4 Bilang Mataas na Saserdote, “nauunawaan [ni Jesus] ang mga kahinaan natin” at magagawa niyang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng nakaalay na mga tagasunod niya rito sa lupa. Sinabi ni apostol Pablo: “Nauunawaan ng ating mataas na saserdote ang mga kahinaan natin, at sinubok siya sa lahat ng bagay gaya natin, pero walang kasalanan.” Pagkatapos, pinasigla ni Pablo ang mga nananampalataya kay Jesu-Kristo na lubusang samantalahin ang kaayusang ito para makipagkasundo sa Diyos: “Kaya lumapit tayo sa trono ng walang-kapantay na kabaitan at malayang magsalita, para tumanggap tayo ng awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa atin sa tamang panahon.”—Heb. 4:14-16; 1 Juan 2:2.
5 Si Jesus din ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano. Hindi kailangan ng kaniyang unang-siglong mga tagasunod ang isang taong lider. Ganiyan din tayo sa ngayon. Nagbibigay si Jesus ng tagubilin sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng kuwalipikadong mga katulong na pastol, na mananagot sa kaniya at sa kaniyang makalangit na Ama sa kanilang pangangalaga sa kawan ng Diyos. (Heb. 13:17; 1 Ped. 5:2, 3) Sa isang hula, sinabi ni Jehova tungkol kay Jesus: “Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa, isang lider at kumandante sa mga bansa.” (Isa. 55:4) Tiniyak ni Jesus ang katuparan ng hulang ito nang sabihin niya sa mga alagad niya: “Huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo.”—Mat. 23:10.
6 Para ipakita ang kaniyang saloobin at pagiging handang tumulong sa atin, nag-aanyaya si Jesus: “Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo. Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Sa pamamagitan ng nakagiginhawa at mahinahong pangangasiwa ni Jesu-Kristo sa kongregasyong Kristiyano, pinatunayan niyang siya ang “mabuting pastol” na tumutulad sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.—Juan 10:11; Isa. 40:11.
7 Sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, sinabi niya ang isa pang papel ni Jesu-Kristo: “Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya. Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay, para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.” (1 Cor. 15:25, 28) Si Jesus ang una sa lahat ng nilalang ng Diyos, at bago dumating sa lupa, siya ay naging “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. (Kaw. 8:22-31) Nang isugo ng Diyos si Jesus sa lupa, patuloy niyang ginawa ang kalooban ng Diyos. Tiniis niya ang pinakamatinding pagsubok at namatay nang tapat sa kaniyang Ama. (Juan 4:34; 15:10) Dahil diyan, binuhay siyang muli ng Diyos tungo sa langit at binigyan ng karapatang maging Hari ng makalangit na Kaharian. (Gawa 2:32-36) Bilang Hari, si Kristo Jesus ay may kamangha-manghang atas mula sa Diyos na pangunahan ang laksa-laksang makapangyarihang espiritung nilalang para wakasan ang pamamahala ng tao sa lupa at alisin ang lahat ng kasamaan sa mundo. (Kaw. 2:21, 22; 2 Tes. 1:6-9; Apoc. 19:11-21; 20:1-3) Pagkatapos nito, ang makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang magiging nag-iisang pamahalaan sa buong lupa.—Apoc. 11:15.
ANG KAHULUGAN NG PAGKILALA SA KANIYANG PAPEL
8 Perpekto ang ating Huwaran na si Jesu-Kristo. Inatasan siyang mangalaga sa atin. Para makinabang sa maibiging pagbabantay at pangangalaga ni Jesus, dapat tayong manatiling tapat kay Jehova at patuloy na umalinsabay sa Kaniyang sumusulong na organisasyon.
9 Lubusang kinilala ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo ang papel ni Kristo sa kaayusan ng Diyos. Ipinakita nila ito sa pamamagitan ng paggawang magkakasama nang may pagkakaisa sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo at pagpapasakop sa kaniyang patnubay, na ibinigay sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Gawa 15:12-21) Tinukoy ni apostol Pablo ang pagkakaisa ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano nang sumulat siya: “Magsalita tayo ng katotohanan at magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay at makapamuhay gaya ni Kristo, ang ulo. Dahil sa kaniya, ang lahat ng bahagi ng katawan ay nagkakabuklod at nagtutulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan para maibigay ang pangangailangan ng katawan. Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan habang tumitibay ito dahil sa pag-ibig.”—Efe. 4:15, 16.
10 Kapag nagtutulungan at nagkakaisa ang lahat ng nasa kongregasyon sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo, sumusulong ang kongregasyon at kitang-kita rito ang pag-ibig, na “perpektong bigkis ng pagkakaisa.”—Juan 10:16; Col. 3:14, tlb.; 1 Cor. 12:14-26.
11 Ang mga pangyayari sa mundo na katuparan ng mga hula sa Bibliya ay patunay na mula noong 1914, namamahala na si Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian. Namamahala na siya ngayon sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Awit 2:1-12; 110:1, 2) Ano ang epekto nito sa mga nabubuhay sa lupa? Malapit nang gamitin ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon para ilapat ang hatol ng Diyos laban sa mga kaaway. (Apoc. 11:15; 12:10; 19:16) Pero maliligtas ang lahat ng nasa kanan ni Kristo na may pagsang-ayon niya, gaya ng ipinangako ni Jehova sa pasimula pa lang ng paghihimagsik ng tao. (Mat. 25:34) Napakasaya nga natin dahil kinikilala natin ang papel ni Kristo sa kaayusan ng Diyos! Patuloy nawa tayong magkaisa sa buong mundo habang naglilingkod kay Jehova sa ilalim ng pangunguna ni Kristo sa mga huling araw na ito.