Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • od kab. 4 p. 24-29
  • Paano Inoorganisa at Pinangangasiwaan ang Kongregasyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Inoorganisa at Pinangangasiwaan ang Kongregasyon?
  • Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ORGANISADO SA TEOKRATIKONG PARAAN
  • PAGTULAD SA PARISANG INIWAN NG MGA APOSTOL
  • ANG PAPEL NG MGA LEGAL NA KORPORASYON
  • ANG PAGKAKAORGANISA NG SANGAY
  • Patibayin ang Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Purihin ng Kongregasyon si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Tagapangasiwa na Nagpapastol sa Kawan
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Akayin ang mga Baguhan Tungo sa Organisasyon ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
od kab. 4 p. 24-29

KABANATA 4

Paano Inoorganisa at Pinangangasiwaan ang Kongregasyon?

SA UNANG liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto, binanggit niya ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa Diyos. Isinulat niya: “Ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan.” Sinabi pa niya tungkol sa mga pulong ng kongregasyon: “Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”​—1 Cor. 14:33, 40.

2 Sa pasimula ng liham na iyon, nagpayo ang apostol tungkol sa pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon sa Corinto. Pinasigla ni Pablo ang mga kapatid doon na “magsalita nang may pagkakaisa” at “lubos [na] magkaisa sa kaisipan at pagpapasiya.” (1 Cor. 1:10, 11) Pagkatapos, pinayuhan niya sila tungkol sa mga bagay na nakasisira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Gamit ang ilustrasyon tungkol sa katawan ng tao, ipinakita niyang kailangan ang pagkakaisa at pagtutulungan. Pinasigla niya ang lahat ng nasa kongregasyong Kristiyano, anuman ang papel nila, na magpakita ng pag-ibig at malasakit sa isa’t isa. (1 Cor. 12:12-26) Kapag nagtutulungan ang mga nasa kongregasyon, ipinapakita nitong organisado sila.

3 Pero paano ba inoorganisa ang kongregasyong Kristiyano? Sino ang mag-oorganisa nito? Ano ang magiging mga kaayusan? Sino ang gaganap ng mga pananagutan sa kongregasyon? Sa tulong ng Bibliya, malalaman natin ang sagot sa mga tanong na ito.​—1 Cor. 4:6.

ORGANISADO SA TEOKRATIKONG PARAAN

4 Itinatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kongregasyon noong unang siglo? Inorganisa at pinangasiwaan ito sa teokratikong paraan, ibig sabihin, sa ilalim ng pamamahala (Griego, kraʹtos) ng Diyos (the·osʹ). Ginamit sa 1 Pedro 5:10, 11 ang dalawang salitang ito bilang “Diyos” at “kapangyarihan.” Malinaw na ipinapakita ng ulat tungkol sa nangyari sa Jerusalem, halos 2,000 taon na ang nakalilipas, na ang Diyos ang nagtatag ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gawa 2:1-47) Ito ay kaniyang gusali, kaniyang sambahayan. (1 Cor. 3:9; Efe. 2:19) Ang paraan ng pag-oorganisa at pangangasiwa na pinasimulan noong unang siglo ang tinutularan ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon.

Ang paraan ng pag-oorganisa at pangangasiwa na pinasimulan noong unang siglo ang tinutularan ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon

5 Nang magsimula ang kongregasyon noong unang siglo, mga 120 lang ang alagad. Bilang katuparan ng Joel 2:28, 29, sa kanila unang ibinuhos ang banal na espiritu. (Gawa 2:16-18) At nang araw ding iyon, mga 3,000 iba pa ang binautismuhan sa tubig at napadagdag sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Tinanggap nila ang salita tungkol sa Kristo at “patuloy silang nagbuhos ng pansin sa turo ng mga apostol.” Pagkatapos, “sa araw-araw, patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova ang mga inililigtas niya.”​—Gawa 2:41, 42, 47.

6 Dahil napakabilis ng paglago ng kongregasyon sa Jerusalem, nagreklamo ang Judiong mataas na saserdote. Sinabi nito na pinunô ng mga alagad ang Jerusalem ng kanilang mga turo. Nang maglaon, naging mga alagad din sa Jerusalem ang maraming saserdoteng Judio at naging bahagi sila ng kongregasyon.​—Gawa 5:27, 28; 6:7.

7 Sinabi ni Jesus: “Magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) At iyon nga ang nangyari! Nang magkaroon ng matinding pag-uusig sa Jerusalem pagkamatay ni Esteban, ang mga alagad na naninirahan doon ay nangalat sa buong Judea at Samaria. Pero kahit saan sila magpunta, patuloy silang naghahayag ng mabuting balita at gumagawa ng higit pang mga alagad, kabilang na ang ilang Samaritano. (Gawa 8:1-13) Nang maglaon, matagumpay ring naipangaral ang mabuting balita sa mga di-tuli, mga hindi Judio na mula sa ibang mga bansa. (Gawa 10:1-48) Dahil dito, dumami ang mga alagad at nakapagtatag ng bagong mga kongregasyon sa labas ng Jerusalem.​—Gawa 11:19-21; 14:21-23.

8 Anong mga kaayusan ang ginawa para matiyak na ang bagong-tatag na mga kongregasyon ay naoorganisa at napangangasiwaan ayon sa paraan ng Diyos—sa teokratikong paraan? Sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos, isinaayos na magkaroon ng mga katulong na pastol para mangalaga sa kawan. Sa mga kongregasyong dinalaw nina Pablo at Bernabe noong unang paglalakbay nila bilang misyonero, nag-atas sila ng matatandang lalaki, o mga elder. (Gawa 14:23) Iniulat ng manunulat ng Bibliya na si Lucas ang ilang impormasyon tungkol sa pakikipagpulong ni Pablo sa mga elder ng kongregasyon sa Efeso. Sinabi ni Pablo sa kanila: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan; inatasan kayo ng banal na espiritu para maging mga tagapangasiwa nila, para magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.” (Gawa 20:17, 28) Kuwalipikado silang maging elder dahil naabot nila ang mga kahilingang nasa Kasulatan. (1 Tim. 3:1-7) Ang kamanggagawa ni Pablo na si Tito ay binigyan ng awtoridad na mag-atas ng mga elder sa mga kongregasyon sa Creta.​—Tito 1:5.

9 Habang mas maraming kongregasyon ang nabubuo, patuloy na naglilingkod ang mga apostol at matatanda sa Jerusalem bilang pangunahing mga tagapangasiwa. Naglingkod sila bilang lupong tagapamahala ng internasyonal na kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.

10 Sa liham ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Efeso, ipinaliwanag niya na sa paggawang kaayon ng espiritu ng Diyos, mapananatili ng kongregasyong Kristiyano ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapasakop sa pagkaulo ni Jesu-Kristo. Pinasigla ng apostol ang mga Kristiyano roon na maging mapagpakumbaba at panatilihin ang “pagkakaisang dulot ng espiritu” habang mapayapang nakikipagsamahan sa lahat ng nasa kongregasyon. (Efe. 4:1-6) Pagkatapos, sinipi niya ang Awit 68:18 at iniugnay ito sa paglalaan ni Jehova ng mga lalaking may espirituwal na kuwalipikasyon para maging mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at guro sa kongregasyon. Bilang mga regalo mula kay Jehova, papatibayin nila ang buong kongregasyon para ang lahat ay maging maygulang sa espirituwal, na nakalulugod sa Diyos.​—Efe. 4:7-16.

PAGTULAD SA PARISANG INIWAN NG MGA APOSTOL

11 Sa ngayon, tinutularan ng lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang paraan ng mga apostol sa pag-oorganisa. Nagkakaisa sila bilang pandaigdig na kongregasyon na pinangungunahan ng mga pinahiran. (Zac. 8:23) Naging posible ito dahil kay Jesu-Kristo. Gaya ng ipinangako niya, nananatili siyang kasama ng kaniyang pinahirang mga alagad “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” Tinatanggap ng mga nagiging bahagi ng lumalagong kongregasyon ang mabuting balita ng Diyos, buong-pusong iniaalay ang kanilang buhay kay Jehova, at nagpapabautismo bilang mga alagad ni Jesus. (Mat. 28:19, 20; Mar. 1:14; Gawa 2:41) Kinikilala nila “ang mabuting pastol,” si Jesu-Kristo, bilang Ulo ng buong kawan, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano at ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:14, 16; Efe. 1:22, 23) Napananatili ng “iisang kawan” na ito ang pagkakaisa nila sa pamamagitan ng pagkilala sa pagkaulo ni Kristo at ng pagpapasakop sa “tapat at matalinong alipin,” ang instrumentong ginagamit ni Kristo. Patuloy nawa tayong magtiwala nang lubos sa instrumentong ito sa ngayon.​—Mat. 24:45.

ANG PAPEL NG MGA LEGAL NA KORPORASYON

12 Para mailaan ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon at maipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian bago dumating ang wakas, may itinatag na mga korporasyon. Ang mga legal na korporasyong ito ay rehistrado sa ilalim ng batas ng iba’t ibang bansa. Nagtutulungan ang mga korporasyong ito para mapabilis ang pangangaral ng mabuting balita sa buong mundo.

ANG PAGKAKAORGANISA NG SANGAY

13 Kapag may itinatag na tanggapang pansangay, isang Komite ng Sangay na binubuo ng tatlo o higit pang elder ang inaatasan para mangasiwa sa gawain sa bansa o mga bansang nasa ilalim ng sangay na iyon. Isang miyembro ng komite ang naglilingkod bilang koordineytor ng Komite ng Sangay.

14 Ang lokal na mga kongregasyon sa ilalim ng bawat sangay ay inoorganisa at ginugrupo-grupo sa mga sirkito. Iba-iba ang laki ng mga sirkito, depende sa lugar at wika, pati na sa dami ng kongregasyon sa mga teritoryong sakop ng sangay. Isang tagapangasiwa ng sirkito ang inaatasan para maglingkod sa mga kongregasyon sa bawat sirkito. Nagbibigay ang tanggapang pansangay ng mga tagubilin kung paano niya gagampanan ang kaniyang mga pananagutan.

15 Kinikilala ng mga kongregasyon ang mga kaayusan ng organisasyon, na ginawa para sa ikabubuti ng lahat. Iginagalang nila ang kaayusan sa paghirang ng mga elder na nangangasiwa sa mga sangay, sirkito, at kongregasyon. Umaasa sila sa tapat at matalinong alipin para sa espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Ang tapat na alipin naman ay lubusang nagpapasakop sa pagkaulo ni Kristo, nanghahawakan sa mga prinsipyo sa Bibliya, at nagpapagabay sa banal na espiritu. Habang tayong lahat ay magkakasamang gumagawa nang may pagkakaisa, nararanasan natin ang gaya ng naranasan ng mga Kristiyano noong unang siglo: “Patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.”​—Gawa 16:5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share