Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • od kab. 14 p. 141-156
  • Pagpapanatili sa Kapayapaan at Kalinisan ng Kongregasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapanatili sa Kapayapaan at Kalinisan ng Kongregasyon
  • Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGLUTAS SA MALILIIT NA DI-PAGKAKAUNAWAAN
  • PAGBIBIGAY NG KINAKAILANGANG MAKAKASULATANG PAYO
  • PAGMAMARKA SA MGA WALA SA AYOS
  • PAGLUTAS SA ILANG MALULUBHANG PAGKAKAMALI
  • PAGHAWAK SA MGA KASO NG MALUBHANG PAGKAKASALA
  • PAGPAPATALASTAS SA PAGSAWAY
  • KAPAG ANG PASIYA AY ITIWALAG
  • PAGPAPATALASTAS SA PAGTITIWALAG
  • KUSANG PAGHIWALAY
  • PANUNUMBALIK
  • PAGPAPATALASTAS SA PANUNUMBALIK
  • KAPAG BAUTISADONG MENOR DE EDAD ANG NAGKASALA
  • KAPAG DI-BAUTISADONG MAMAMAHAYAG ANG NAGKASALA
  • PINAGPAPALA NI JEHOVA ANG MAPAYAPA AT MALINIS NA PAGSAMBA
  • Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Pag-ibig at Awa sa mga Nagkasala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Pagtulong sa Iba na Sumamba sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Tulong Para sa mga Inalis sa Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
od kab. 14 p. 141-156

KABANATA 14

Pagpapanatili sa Kapayapaan at Kalinisan ng Kongregasyon

BILANG katuparan ng hula sa Bibliya, libo-libo bawat taon ang dumaragsa sa bahay ni Jehova para sa dalisay na pagsamba. (Mik. 4:1, 2) Talaga ngang natutuwa tayong tanggapin sila sa “kongregasyon ng Diyos”! (Gawa 20:28) Pinahahalagahan nila ang pribilehiyong maglingkod kay Jehova kasama natin at masiyahan sa malinis at mapayapang kalagayan sa ating espirituwal na paraiso. Sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos at matatalinong payo na nasa kaniyang Salita, napananatili natin ang kapayapaan at kalinisan ng kongregasyon.​—Awit 119:105; Zac. 4:6.

2 Kapag sinusunod natin ang mga prinsipyo sa Bibliya, naisusuot natin ang “bagong personalidad.” (Col. 3:10) Isinasaisantabi natin ang mga tampuhan at di-pagkakaunawaan. Kapag tinutularan natin ang pananaw ni Jehova, napagtatagumpayan natin ang impluwensiya ng sanlibutan na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi at nakapaglilingkod tayo nang may pagkakaisa bilang isang internasyonal na kapatiran.​—Gawa 10:34, 35.

3 Pero kung minsan, nagkakaroon pa rin ng mga problemang nakasisira sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon. Bakit? Kadalasan nang dahil ito sa hindi pagsunod sa mga payo ng Bibliya. Kailangan pa rin nating labanan ang pagiging hindi perpekto. Lahat tayo ay nagkakasala. (1 Juan 1:10) Baka makagawa ang isa ng kasalanan na puwedeng magdulot ng moral o espirituwal na karumihan sa kongregasyon. Baka masaktan natin ang iba dahil sa padalos-dalos na pananalita o pagkilos, o baka naman tayo ang matisod dahil sa sinabi o ginawa ng iba. (Roma 3:23) Kung gayon, ano ang magagawa natin para maituwid ang mga bagay-bagay?

4 Dahil sa pag-ibig ni Jehova, isinasaalang-alang niya ang lahat ng ito. Mababasa sa kaniyang Salita kung ano ang dapat gawin kapag bumangon ang mga problema. Handang tumulong ang maibiging espirituwal na mga pastol, ang mga elder. Sa pagsunod sa kanilang makakasulatang payo, maibabalik natin ang ating magandang kaugnayan sa iba at mapananatili ang mabuting katayuan sa harap ni Jehova. Kung nadisiplina o nasaway tayo dahil sa ating pagkakasala, makakatiyak tayo na ang gayong pagtutuwid ay kapahayagan ng pag-ibig sa atin ng ating makalangit na Ama.​—Kaw. 3:11, 12; Heb. 12:6.

PAGLUTAS SA MALILIIT NA DI-PAGKAKAUNAWAAN

5 Paminsan-minsan, nagkakaroon pa rin ng mga tampuhan o di-pagkakaunawaan ang mga kapatid sa kongregasyon. Dapat itong ayusin agad taglay ang pag-ibig. (Efe. 4:26; Fil. 2:2-4; Col. 3:12-14) Malamang na sasang-ayon kang ang ganitong mga di-pagkakaunawaan ay naaayos naman kapag sinusunod ang payo ni apostol Pedro na “magkaroon . . . ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) Sinasabi ng Bibliya: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Sant. 3:2) Kapag sinusunod natin ang Gintong Aral, na gawin sa iba ang lahat ng bagay na gusto nating gawin nila sa atin, mapatatawad natin at malilimutan ang maliliit na pagkakamali ng iba.​—Mat. 6:14, 15; 7:12.

6 Kung malaman mong may nasaktan sa sinabi o ginawa mo, kumilos agad para makipagpayapaan. Tandaan, apektado rin nito ang kaugnayan mo kay Jehova. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.” (Mat. 5:23, 24) Baka hindi lang kayo nagkaintindihan. Kaya kailangang makipag-usap ka sa kaniya. Ang mahusay na komunikasyon sa pagitan ng mga kapatid sa kongregasyon ay malaking tulong para maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at maayos ang mga problemang resulta ng pagiging di-perpekto.

PAGBIBIGAY NG KINAKAILANGANG MAKAKASULATANG PAYO

7 Kung minsan, baka madama ng mga tagapangasiwa na kailangang payuhan ang isang kapatid para maibalik sa ayos, o maituwid, ang kaniyang pag-iisip. Hindi ito laging madali. Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia: “Mga kapatid, kung ang isang tao ay makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan, kayong may-gulang na mga Kristiyano ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.”​—Gal. 6:1.

8 Sa pamamagitan ng pagpapastol sa kawan, mapoprotektahan ng mga elder ang kongregasyon mula sa maraming espirituwal na panganib at maiiwasang lumala ang mga problema. Sinisikap ng mga elder na maglingkod sa kongregasyon kaayon ng pangako ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan mula sa malakas na ulan, gaya ng mga batis sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa tuyot na lupain.”​—Isa. 32:2.

PAGMAMARKA SA MGA WALA SA AYOS

9 Nagbabala si apostol Pablo tungkol sa ilan na maaaring maging masamang impluwensiya sa kongregasyon: “Tinatagubilinan namin kayo . . . na layuan ang sinumang kapatid na lumalakad nang wala sa ayos at hindi sumusunod sa mga bagay na itinuro namin sa inyo.” Bilang paglilinaw, isinulat niya: “Kung may sinuman na hindi sumusunod sa mga sinabi namin sa liham na ito, markahan ninyo siya at tumigil kayo sa pakikisama sa kaniya para mahiya siya. Pero huwag ninyo siyang ituring na kaaway, kundi patuloy siyang paalalahanan bilang kapatid.”​—2 Tes. 3:6, 14, 15.

10 Kung minsan, ang isa ay baka hindi naman gumagawa ng malubhang kasalanan na maaari niyang ikatiwalag, pero talagang ipinagwawalang-bahala niya ang pamantayan ng Diyos na dapat sundin ng mga Kristiyano. Halimbawa, baka napakatamad niya, sobrang mapamuna, o marumi. Baka ‘nanghihimasok pa nga siya sa mga bagay na walang kinalaman sa kaniya.’ (2 Tes. 3:11) O baka nagpapakana siya para pagsamantalahan sa materyal na paraan ang ibang tao o nagpapakasasa siya sa masamang libangan. Nakasisira na sa reputasyon ng kongregasyon ang kaniyang paggawi at baka makaimpluwensiya pa siya sa ibang Kristiyano.

11 Sisikapin muna ng mga elder na tulungan ang wala sa ayos sa pamamagitan ng pagpapayo gamit ang Bibliya. Pero kung patuloy pa rin niyang ipagwawalang-bahala ang mga prinsipyo sa Bibliya kahit paulit-ulit na siyang pinayuhan, maaaring magpasiya ang mga elder na magbigay ng pahayag bilang babala sa kongregasyon. Bago gawin ito, pag-aaralang mabuti ng mga elder kung ang partikular na sitwasyon ay talagang malubha at nakaaapekto sa iba. Ang elder na magpapahayag ay magbibigay ng praktikal na payo tungkol sa paggawing wala sa ayos, pero hindi niya babanggitin ang pangalan ng indibidwal. Sa ganitong paraan, ang mga nakaaalam sa sitwasyong inilalarawan sa pahayag ay iiwas sa pakikihalubilo sa kapatid na minarkahan, pero patuloy na makikisama sa kaniya sa espirituwal na mga gawain, na ‘pinaaalalahanan siya bilang kapatid.’

12 Ang matatag na paninindigan ng tapat na mga Kristiyano ay makatutulong sa wala sa ayos na makadama ng kahihiyan at magbago. Kapag malinaw nang iniwan ng indibidwal ang kaniyang paggawing wala sa ayos, hindi na siya kailangang ituring bilang markado.

PAGLUTAS SA ILANG MALULUBHANG PAGKAKAMALI

13 Ang pagiging handang palampasin at patawarin ang kasalanan ay hindi nangangahulugan ng pagwawalang-bahala o pagsang-ayon dito. Hindi puwedeng idahilan ng isa na ang lahat ng pagkakamali ay dahil sa pagiging hindi perpekto; hindi rin tamang palampasin ang malulubhang pagkakamali. (Lev. 19:17; Awit 141:5) Ayon sa tipang Kautusan, may mga pagkakasala na mas malubha kaysa sa iba, at ganiyan din sa kaayusang Kristiyano.​—1 Juan 5:16, 17.

14 Sinabi ni Jesus ang isang espesipikong paraan para malutas ang malulubhang problema na maaaring bumangon sa pagitan ng mga Kristiyano. Pansinin ang mga hakbang na binanggit niya: “Kung ang kapatid mo ay magkasala, [1] puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya nang kayong dalawa lang. Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama. Pero kung hindi siya makinig, [2] magsama ka ng isa o dalawa pa, para sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay. Kung hindi siya makinig sa kanila, [3] sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa at gaya ng maniningil ng buwis.”​—Mat. 18:15-17.

15 Kung isasaalang-alang ang ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 18:23-35, lumilitaw na isa sa mga kasalanang tinutukoy sa Mateo 18:15-17 ay may kaugnayan sa pananalapi o ari-arian, gaya ng pandaraya o hindi pagbabayad ng utang. O baka ang pagkakamali ay paninirang-puri na talagang nakasira sa reputasyon ng isa.

16 Kung may ebidensiya ka na isang kakongregasyon ang nakagawa ng gayong kasalanan sa iyo, huwag agad lumapit sa mga elder para pakiusapan sila na mamagitan sa inyong dalawa. Gaya ng ipinayo ni Jesus, makipag-usap muna sa taong inirereklamo mo. Sikaping lutasin ang problema nang kayong dalawa lang. Tandaan, hindi sinabi ni Jesus na ‘puntahan siya nang isang beses lang at sabihin ang pagkakamali niya.’ Kaya kung hindi siya umamin at hindi humingi ng tawad, baka makakabuting kausapin siya ulit sa ibang pagkakataon. Kung maaayos ang problema sa ganitong paraan, tiyak na pahahalagahan ng nagkasala na hindi mo sinabi sa iba ang kaniyang kasalanan at hindi nasira ang kaniyang magandang reputasyon sa kongregasyon. “Natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama.”

17 Kapag ang nagkasala ay umamin, humingi ng tawad, at itinuwid ang kaniyang pagkakamali, hindi na kailangang gawin ang iba pang hakbang. Kahit malubha ang ganitong pagkakamali, maaari itong lutasin ng mga indibidwal na sangkot.

18 Kung hindi mo matulungan ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pagsasabi ng kaniyang pagkakamali nang “kayong dalawa lang,” puwede mo nang gawin ang sinabi ni Jesus, “magsama ka ng isa o dalawa pa,” at kausapin uli ang kapatid. Dapat na ang tunguhin din ng mga isasama mo ay ang tulungan ang kapatid. Mas mabuti kung ang isasama mo ay mga nakasaksi sa sinasabing pagkakasala, pero kung walang nakasaksi, maaari kang magsama ng isa o dalawa na magiging saksi sa inyong pag-uusap. Maaaring may karanasan na sila sa katulad na problema at puwede nilang matiyak kung talagang may pagkakamali. Ang mga elder na mahihilingan na maging saksi ay hindi kumakatawan sa kongregasyon dahil hindi naman ang lupon ng matatanda ang nag-atas sa kanila na gawin iyon.

19 Kung hindi pa rin nalutas ang problema pagkatapos ng paulit-ulit na mga pagsisikap—nakausap mo na siya nang sarilinan at napuntahan mo na siya kasama ng isa o dalawang saksi—at sa palagay mo ay hindi mo ito mapalalampas, dapat mong ipaalám ang problema sa mga elder sa kongregasyon. Tandaan, ang tunguhin nila ay mapanatili ang kapayapaan at kalinisan ng kongregasyon. Kapag inilapit mo na sa mga elder ang problema, ipauubaya mo na ito sa kanila at magtitiwala kay Jehova. Huwag na huwag mong hahayaang matisod ka o mawalan ng kagalakan sa paglilingkod kay Jehova dahil sa paggawi ng iba.​—Awit 119:165.

20 Iimbestigahan ng mga pastol ng kawan ang problema. Kung maging malinaw na nakagawa ng malubhang pagkakamali sa iyo ang indibidwal at hindi nagsisisi at ayaw gumawa ng makatuwiran at angkop na mga hakbang para ituwid ang kaniyang pagkakamali, baka kailangan ng komite ng mga tagapangasiwa na itiwalag sa kongregasyon ang nagkasala. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan nila ang kawan at mapananatili ang kalinisan ng kongregasyon.​—Mat. 18:17.

PAGHAWAK SA MGA KASO NG MALUBHANG PAGKAKASALA

21 May ilang malulubhang pagkakasala, gaya ng seksuwal na imoralidad, pangangalunya, homoseksuwalidad, pamumusong, apostasya, idolatriya, at iba pang tulad ng mga ito, na hindi malulutas ng basta paghingi lang ng tawad sa pinagkasalahan. (1 Cor. 6:9, 10; Gal. 5:19-21) Dahil nalalagay sa panganib ang espirituwal at moral na kalinisan ng kongregasyon, ang gayong mga kasalanan ay dapat ipaalám sa mga elder para maasikaso nila ang mga ito. (1 Cor. 5:6; Sant. 5:14, 15) Maaaring lumapit ang ilang indibidwal sa mga elder para ipagtapat ang kanilang kasalanan o sabihin ang nalalaman nila tungkol sa kasalanan ng iba. (Lev. 5:1; Sant. 5:16) Paano man unang nalaman ng mga elder ang malubhang pagkakasala ng isang bautisadong Saksi, dalawang elder ang mag-iimbestiga. Kapag nakita nilang may basehan ang ulat at may ebidensiya sa malubhang pagkakasala, mag-aatas ang lupon ng matatanda ng isang hudisyal na komite na binubuo ng tatlo o higit pang elder para hawakan ang kaso.

22 Maingat na binabantayan ng mga elder ang kawan mula sa anumang espirituwal na panganib. Sinisikap din nilang gamitin nang mahusay ang Salita ng Diyos para sawayin ang sinumang nagkasala at tulungang maging malusog muli sa espirituwal. (Jud. 21-23) Kaayon iyan ng mga tagubilin ni apostol Pablo kay Timoteo: “Sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus, na hahatol sa mga buháy at mga patay, . . . Sumaway ka, magbabala, at magpayo nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo.” (2 Tim. 4:1, 2) Kailangan ang maraming panahon para dito, pero bahagi iyan ng mabigat ng pananagutan ng mga elder. Pinahahalagahan ng kongregasyon ang kanilang mga pagsisikap at itinuturing silang “karapat-dapat sa dobleng karangalan.”​—1 Tim. 5:17.

23 Kapag napatunayang nagkasala ang isa, ang pangunahing tunguhin ng mga tagapangasiwa ay tulungan siyang maging malusog muli sa espirituwal. Kung talagang nagsisisi siya at tinanggap niya ang tulong ng mga elder, ang paglalapat nila ng pagsaway, sa pribadong paraan man o sa harap ng mga saksi na tumestigo sa panahon ng hudisyal na pagdinig, ay magsisilbing disiplina sa kaniya at babala naman sa iba. (2 Sam. 12:13; 1 Tim. 5:20) Sa lahat ng kaso ng hudisyal na pagsaway, binibigyan ng mga restriksiyon ang nagkasala. Matutulungan siya nito na ‘maituwid ang kaniyang landas.’ (Heb. 12:13) Sa tamang panahon, aalisin ang mga restriksiyon kapag nakikitang nanunumbalik na ang kaniyang espirituwalidad.

PAGPAPATALASTAS SA PAGSAWAY

24 Kapag natiyak ng hudisyal na komite na nagsisisi ang indibidwal pero malaki ang posibilidad na malaman ng kongregasyon o ng komunidad ang pagkakasala o kung kailangang mag-ingat ng kongregasyon tungkol sa nagsisising nagkasala, isang simpleng patalastas ang gagawin sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo: “Si [pangalan] ay sinaway.”

KAPAG ANG PASIYA AY ITIWALAG

25 Sa ilang kaso, ang nagkasala ay nagiging manhid sa kaniyang makasalanang paggawi at hindi tumutugon sa mga pagsisikap na matulungan siya. Baka hindi sapat ang ipinakita niyang “mga gawang nagpapatunay sa [kaniyang] pagsisisi” sa panahon ng hudisyal na pagdinig. (Gawa 26:20) Ano ang dapat gawin? Dahil hindi nagsisisi, kailangan siyang itiwalag at hindi na siya puwedeng makisama sa malinis na bayan ni Jehova. Sa gayon, ang masamang impluwensiya ng nagkasala ay naaalis sa kongregasyon at naiingatan ang moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyon pati na ang mabuting reputasyon nito. (Deut. 21:20, 21; 22:23, 24) Nang malaman ni apostol Pablo ang kahiya-hiyang paggawi ng isang kapatid sa kongregasyon sa Corinto, pinayuhan niya ang matatanda na “ibigay ang gayong tao kay Satanas . . . , para maingatan ang espirituwalidad ng kongregasyon.” (1 Cor. 5:5, 11-13) Iniulat din ni Pablo ang pagtitiwalag sa ibang naghimagsik laban sa katotohanan noong unang siglo.​—1 Tim. 1:20.

26 Kapag ang pasiya ay itiwalag ang di-nagsisising nagkasala, dapat ipaalám sa kaniya ng hudisyal na komite ang desisyon at sabihin sa kaniya nang maliwanag ang makakasulatang (mga) dahilan sa pagtitiwalag. Kapag sinabi sa nagkasala ang desisyon, babanggitin sa kaniya ng hudisyal na komite na kung sa tingin niya ay mali ang hatol sa kaniya at gusto niyang umapela, dapat siyang gumawa ng liham kung saan maliwanag na nakasulat ang mga dahilan ng kaniyang apela. Mula sa panahong sinabi sa kaniya ng komite ang desisyon, bibigyan siya ng pitong araw para sa apela. Kapag natanggap ang liham ng pag-apela, kokontakin ng lupon ng matatanda ang tagapangasiwa ng sirkito, na siyang pipili ng kuwalipikadong mga elder na maglilingkod bilang komite sa pag-apela para dinggin muli ang kaso. Sisikapin nilang magawa ang pagdinig sa apela sa loob ng isang linggo pagkatanggap sa liham. Kapag may apela, ipagpapaliban ang pagpapatalastas sa pagtitiwalag. Pero hindi papahintulutan ang akusado na magkomento o manguna sa panalangin sa mga pulong o magkaroon ng iba pang pribilehiyo sa paglilingkod.

27 Ang pagpapahintulot na umapela ay pagpapakita ng kabaitan sa akusado at nagbibigay ito sa kaniya ng higit na pagkakataon para marinig ang kaniyang mga hinaing. Kaya kapag sinadya ng nagkasala na hindi sumipot sa pagdinig sa apela, ipapatalastas ang pagtitiwalag matapos gumawa ng makatuwirang mga pagsisikap na makausap siya.

28 Kung walang planong umapela ang nagkasala, ipapaliwanag ng hudisyal na komite sa kaniya ang pangangailangang magsisi pati na ang mga hakbang na maaari niyang gawin para makabalik. Pagpapakita ito ng kabaitan at makatutulong sa kaniya. Dapat itong gawin taglay ang pag-asang babaguhin niya ang kaniyang landasin at makababalik muli sa organisasyon ni Jehova.​—2 Cor. 2:6, 7.

PAGPAPATALASTAS SA PAGTITIWALAG

29 Kapag kailangang itiwalag sa kongregasyon ang isang di-nagsisising nagkasala, magkakaroon ng isang maikling patalastas: “Si [pangalan] ay hindi na isang Saksi ni Jehova.” Ito ay magsisilbing babala sa tapat na mga Kristiyano sa kongregasyon na tigilan ang pakikisama sa taong iyon.​—1 Cor. 5:11.

KUSANG PAGHIWALAY

30 Ang terminong “kusang paghiwalay” ay ang hakbang na ginawa ng isang bautisadong Saksi para sadyang talikuran ang kaniyang pagiging Kristiyano sa pagsasabing ayaw na niyang makilala siya bilang isang Saksi ni Jehova. O baka tinalikuran niya ang pagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, gaya ng pagsali sa sekular na organisasyong may mga tunguhing salungat sa turo ng Bibliya at hinahatulan ng Diyos na Jehova.​—Isa. 2:4; Apoc. 19:17-21.

31 Tungkol sa mga tumalikod sa kanilang Kristiyanong pananampalataya noong panahon ni apostol Juan, isinulat niya: “Lumabas sila mula sa atin, pero hindi natin sila kauri; dahil kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin.”​—1 Juan 2:19.

32 Kapag kusang inihiwalay ng isa ang sarili niya, ibang-iba ang sitwasyon niya sa harap ni Jehova kumpara sa isang di-aktibong Kristiyano na hindi na nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Ang isa ay maaaring naging di-aktibo dahil hindi na siya regular na nag-aaral ng Salita ng Diyos. O baka nakaranas siya ng mga problema o pag-uusig kaya nawala ang sigasig niya sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga elder pati na ang iba sa kongregasyon ay patuloy na magbibigay ng angkop na espirituwal na tulong sa isang di-aktibong Kristiyano.​—Roma 15:1; 1 Tes. 5:14; Heb. 12:12.

33 Pero kapag kusang humiwalay ang isang Kristiyano, magkakaroon ng isang maikling patalastas sa kongregasyon: “Si [pangalan] ay hindi na isang Saksi ni Jehova.” Ang gayong tao ay ituturing na gaya ng isang tiwalag.

PANUNUMBALIK

34 Ang isang tiwalag o kusang humiwalay ay maaaring makabalik sa kongregasyon kapag malinaw niyang ipinapakita na nagsisisi na siya at iniwan na niya ang kaniyang makasalanang landasin sa makatuwirang haba ng panahon. Ipinapakita niyang gusto niyang magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Tinitiyak ng mga elder na sapat ang panahong lumipas—maraming buwan, isang taon, o mas mahaba pa nga, depende sa kalagayan—para mapatunayan ng isa na talagang nagsisisi siya. Kapag nakatanggap ang lupon ng matatanda ng isang liham tungkol sa kahilingan ng isang tiwalag na makabalik, isang komite sa pagpapanumbalik ang makikipag-usap sa indibidwal. Susuriin ng komite ang ipinakita niyang “mga gawang nagpapatunay sa [kaniyang] pagsisisi,” at saka magpapasiya kung ibabalik na siya sa kongregasyon o hindi pa.​—Gawa 26:20.

35 Kung ang gustong manumbalik ay natiwalag sa ibang kongregasyon, isang lokal na komite sa pagpapanumbalik ang makikipag-usap sa indibidwal para isaalang-alang ang kaniyang kahilingan. Kung ang mga miyembro ng lokal na komite sa pagpapanumbalik ay naniniwala na dapat ibalik ang nagkasala, ipadadala nila ang kanilang rekomendasyon sa lupon ng matatanda ng kongregasyon na humawak sa kaso. Ang dalawang komite ay magtutulungan para matiyak na makuha ang lahat ng impormasyon nang sa gayon ay makagawa ng makatarungang desisyon. Pero ang desisyon sa panunumbalik ay dapat gawin ng komite sa pagpapanumbalik ng kongregasyon na humawak sa kaso.

PAGPAPATALASTAS SA PANUNUMBALIK

36 Kapag kumbinsido ang komite sa pagpapanumbalik na talagang nagsisisi ang natiwalag o ang kusang humiwalay at dapat na siyang ibalik sa kongregasyon, ang panunumbalik niya ay ipapatalastas sa kongregasyon na humawak sa kaso. Kapag nasa ibang kongregasyon na ang indibidwal, ipapatalastas din ang panunumbalik sa kongregasyong iyon. Ito lang ang dapat sabihin: “Si [pangalan] ay ibinalik na bilang isang Saksi ni Jehova.”

KAPAG BAUTISADONG MENOR DE EDAD ANG NAGKASALA

37 Dapat sabihin sa mga elder ang malubhang pagkakasala ng mga bautisadong menor de edad. Kapag inaasikaso ng mga elder ang malubhang pagkakasala ng isang menor de edad, makakabuti kung naroon din ang bautisadong mga magulang nito. Makikipagtulungan sila sa hudisyal na komite at hindi sisikaping iligtas sa kinakailangang disiplina ang kanilang anak. Gaya ng paghawak sa kaso ng mga adulto, sisikapin ng hudisyal na komite na sawayin at ibalik sa ayos ang nagkasala. Pero kung hindi nagsisisi ang menor de edad, dapat siyang itiwalag.

KAPAG DI-BAUTISADONG MAMAMAHAYAG ANG NAGKASALA

38 Ano ang dapat gawin kapag di-bautisadong mamamahayag ang nakagawa ng malubhang pagkakasala? Dahil hindi siya bautisadong Saksi, hindi siya maaaring itiwalag. Baka hindi niya lubusang nauunawaan ang mga pamantayan ng Bibliya kaya makatutulong sa kaniya ang mabait na payo para ‘maituwid ang kaniyang landas.’—Heb. 12:13.

39 Kapag kinausap at pinagsikapan ng dalawang elder na tulungan ang di-bautisadong nagkasala at makita nilang hindi siya nagsisisi, dapat itong ipaalám sa kongregasyon. Magkakaroon ng isang maikling patalastas: “Si [pangalan] ay hindi na kinikilala bilang isang di-bautisadong mamamahayag.” Kaya ituturing na ng kongregasyon ang nagkasala bilang isang tagasanlibutan. Kahit hindi siya itiniwalag, mag-iingat ang mga Kristiyano sa pakikisama sa kaniya. (1 Cor. 15:33) Hindi tatanggapin ang kaniyang ulat ng paglilingkod sa larangan.

40 Sa paglipas ng panahon, baka gusto na muling maging mamamahayag ng isang inalis sa pagiging di-bautisado. Dalawang elder ang makikipag-usap sa kaniya at aalamin ang kaniyang espirituwal na pagsulong. Kapag naging kuwalipikado siya, magkakaroon ng isang maikling patalastas: “Si [pangalan] ay muling kinikilala bilang isang di-bautisadong mamamahayag.”

PINAGPAPALA NI JEHOVA ANG MAPAYAPA AT MALINIS NA PAGSAMBA

41 Ang lahat ng nasa kongregasyon ng Diyos sa ngayon ay magsasaya sa saganang espirituwal na mga pagpapala na ibinibigay ni Jehova sa kaniyang bayan. Sagana tayo sa espirituwal na pagkain at nakagiginhawang tubig ng katotohanan. Pinoprotektahan din tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang teokratikong kaayusan sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo. (Awit 23; Isa. 32:1, 2) Mahirap ang kalagayan sa mga huling araw na ito, pero nakadarama tayo ng katiwasayan dahil nasa espirituwal na paraiso tayo.

Kapag napananatili natin ang kapayapaan at kalinisan ng kongregasyon, patuloy nating napasisikat ang liwanag ng katotohanan ng Kaharian

42 Kapag napananatili natin ang kapayapaan at kalinisan ng kongregasyon, patuloy nating napasisikat ang liwanag ng katotohanan ng Kaharian. (Mat. 5:16; Sant. 3:18) Dahil sa pagpapala ng Diyos, magagalak tayong makita na mas marami pang tao ang makakakilala kay Jehova at maglilingkod kasama natin sa paggawa ng kalooban niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share