Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • od kab. 16 p. 162-168
  • Isang Nagkakaisang Pandaigdig na Kapatiran

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Nagkakaisang Pandaigdig na Kapatiran
  • Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGTUTUWID SA KAISIPAN
  • PAGPAPANATILI SA ATING INTERNASYONAL NA PAGKAKAISA
  • PAGMAMALASAKIT SA ISA’T ISA
  • IBINUKOD PARA GAWIN ANG KALOOBAN NI JEHOVA
  • Pag-ibig sa Pambuong Daigdig na Kapatiran
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
  • Tinitingnan Mo ba ang Iba Ayon sa Pangmalas ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Binubuo Na Ngayon ang Saligan ng Bagong Sanlibutan
    Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
  • Maglingkod kay Jehova Nang May Pagkakaisa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
od kab. 16 p. 162-168

KABANATA 16

Isang Nagkakaisang Pandaigdig na Kapatiran

SA LOOB ng mga 1,500 taon, itinuring ng Diyos na Jehova ang Israel bilang ang bayan na nagdadala ng kaniyang pangalan. Pero “binigyang-pansin [ni Jehova] ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.” (Gawa 15:14) Ang bayang nagdadala ng pangalan ni Jehova ay magiging mga saksi niya, na nagkakaisa sa isip at gawa saanman sila nakatira. Ang pagkakaroon ng isang bayang nagdadala ng pangalan ng Diyos ay resulta ng atas na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”​—Mat. 28:19, 20.

Naging bahagi ka ng isang pandaigdig na kapatiran ng mga Kristiyano, na hindi nababahagi sa kabila ng pagkakaiba ng bansa, tribo, katayuan, o estado sa buhay

2 Nang ialay mo ang iyong sarili kay Jehova at magpabautismo, naging alagad ka ni Jesu-Kristo. Naging bahagi ka ng isang pandaigdig na kapatiran ng mga Kristiyano, na nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng bansa, tribo, katayuan, o estado sa buhay. (Awit 133:1) Kaya mahal at iginagalang mo ang mga kapatid sa kongregasyon. Baka ayaw mong makasama noon ang ilan sa kanila dahil magkaiba kayo ng lahi o edukasyon. Pero ngayon, napakatibay ng inyong kaugnayan dahil sa pagmamahal na pangkapatid—mas matibay pa sa kaugnayan ng magkakaibigan, magkakarelihiyon, o magkakapamilya.​—Mar. 10:29, 30; Col. 3:14; 1 Ped. 1:22.

PAGTUTUWID SA KAISIPAN

3 Kung nahihirapan ang ilan na mapagtagumpayan ang pagtatangi dahil sa lahi, politika, lipunan, o iba pang bagay na malalim ang pagkakaugat, puwede nilang alalahanin ang mga Judiong Kristiyano noon. Kinailangan din nilang mapagtagumpayan ang pagtatangi ng mga Judio sa lahat ng tao na mula sa ibang mga bansa. Nang tagubilinan si Pedro na pumunta sa bahay ng Romanong senturyon na si Cornelio, may-kabaitan siyang inihanda ni Jehova para sa atas na iyon.​—Gawa, kab. 10.

4 Sa isang pangitain, inutusan si Pedro na katayin at kainin ang mga hayop na marumi sa seremonyal na paraan para sa mga Judio. Nang tumutol si Pedro, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” (Gawa 10:15) Itinuwid ng Diyos ang kaisipan ni Pedro para maihanda siya sa atas na ibibigay sa kaniya—ang puntahan ang isang tao ng mga bansa. Sinunod ni Pedro ang tagubilin ni Jehova at ipinahayag sa mga nagkatipon: “Alam na alam ninyo na ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa taong iba ang lahi, pero ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na pumunta nang ipatawag ako.” (Gawa 10:28, 29) Pagkatapos nito, nasaksihan ni Pedro ang katibayan na sinasang-ayunan ni Jehova si Cornelio at ang pamilya nito.

5 Bilang isang Pariseo na may mataas na pinag-aralan, kinailangang magpakumbaba ni Saul ng Tarso at makisama sa mga taong ayaw niyang makasama noon. Tumanggap pa nga siya ng tagubilin mula sa kanila. (Gawa 4:13; Gal. 1:13-20; Fil. 3:4-11) Tiyak na kinailangan ding ituwid ng mga taong gaya nina Sergio Paulo, Dionisio, Damaris, Filemon, Onesimo, at ng iba pa ang kanilang kaisipan nang tanggapin nila ang mabuting balita at maging mga alagad ni Jesu-Kristo.​—Gawa 13:6-12; 17:22, 33, 34; Flm. 8-20.

PAGPAPANATILI SA ATING INTERNASYONAL NA PAGKAKAISA

6 Tiyak na nakatulong sa iyo ang pag-ibig ng mga kapatid sa inyong kongregasyon para mapalapít ka kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Kitang-kita mo ang pag-ibig—ang pagkakakilanlan ng tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo, gaya ng sinabi niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) At lalo mo pang napahalagahan si Jehova at ang kaniyang organisasyon nang malaman mong ang pag-ibig na nakikita mo sa inyong kongregasyon ay siya ring pag-ibig na umiiral sa pandaigdig na kapatiran. Nararanasan mo ang katuparan ng hula sa Bibliya na titipunin ang mga tao sa mga huling araw para sambahin si Jehova nang payapa at nagkakaisa.​—Mik. 4:1-5.

7 Napakaraming nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa ngayon, kaya sino ang mag-aakalang posibleng pagkaisahin ang mga tao “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika”? (Apoc. 7:9) Isipin na lang ang pagkakaiba ng mga nasa lipunan na makabago ang teknolohiya at ng mga nanghahawakan sa sinaunang mga kaugalian ng tribo. Nariyan din ang alitan sa relihiyon ng mga tao kahit na pareho naman sila ng lahi at nasyonalidad. Habang tumitindi ang nasyonalismo, lalong nagkakabaha-bahagi ang mga tao dahil sa politika. At dahil sa iba’t ibang katayuan sa buhay at iba pang di-mabilang na bagay na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi, ang pagtitipon sa mga tao mula sa lahat ng bansa, wika, grupo, at uri na pinagbubuklod ng pag-ibig at kapayapaan ay isang himala na tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat lang ang makagagawa.​—Zac. 4:6.

8 Pero totoong umiiral ang gayong pagkakaisa, at naging bahagi ka nito nang ikaw ay maging isang nakaalay at bautisadong Saksi ni Jehova. Dahil nakikinabang ka sa pagkakaisang iyan, may pananagutan ka sa pagpapanatili nito. Magagawa mo ito kung susundin mo ang sinabi ni apostol Pablo sa Galacia 6:10: “Hangga’t may pagkakataon tayo, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, pero lalo na sa mga kapananampalataya natin.” Sinusunod din natin ang payong ito: “Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo, habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.” (Fil. 2:3, 4) Kung tutularan natin ang pananaw ni Jehova sa ating mga kapatid at hindi titingin sa panlabas na pagkatao nila, magiging payapa at masaya ang kaugnayan natin sa kanila.​—Efe. 4:23, 24.

PAGMAMALASAKIT SA ISA’T ISA

9 Gaya ng pagkakalarawan ni apostol Pablo sa atin, ang kongregasyon ay hindi nababahagi. Sa halip, ang lahat ng nasa kongregasyon ay nagmamalasakit sa isa’t isa. (1 Cor. 12:14-26) Nasa ibang panig man ng mundo ang ilan sa ating mga kapatid, nagmamalasakit pa rin tayo sa kanila. Kapag may mga kapatid na pinag-uusig, nag-aalala tayo. Kapag may nangangailangan o nagiging biktima ng sakuna, digmaan, o alitang sibil, kumikilos tayo agad para magbigay ng espirituwal at materyal na tulong.​—2 Cor. 1:8-11.

10 Dapat nating ipanalangin ang ating mga kapatid araw-araw. May mga kapatid na napapaharap sa mga tukso na gumawa ng masama. Ang ilan ay nakararanas ng pagdurusa na maaaring alam ng marami. Ang iba naman ay sinasalansang ng mga katrabaho nila at ng di-Saksing kapamilya nang hindi natin nalalaman. (Mat. 10:35, 36; 1 Tes. 2:14) Hindi natin ito binabale-wala dahil bahagi tayo ng isang pandaigdig na kapatiran. (1 Ped. 5:9) Nariyan din ang mga nagpapagal sa paglilingkod kay Jehova, na nangangasiwa sa gawaing pangangaral at sa mga kongregasyon. At nariyan ang mga inatasang mangasiwa sa pandaigdig na gawain. Kailangan nilang lahat ang ating mga panalangin. Sa pamamagitan nito, naipapakita natin ang ating malasakit at pag-ibig sa mga kapatid, kahit na iyon lang ang personal na maitutulong natin sa kanila.​—Efe. 1:16; 1 Tes. 1:2, 3; 5:25.

11 Dahil sa lahat ng kaguluhan sa mundo sa mga huling araw na ito, dapat na handang magtulungan ang bayan ni Jehova. Kung minsan, kapag may mga sakuna, gaya ng lindol at baha, kailangan ang malawakang pagtulong at pagbibigay ng materyal na tulong. Mahusay na halimbawa rito ang mga Kristiyano noong unang siglo. Dahil sa pagsunod sa payo ni Jesus, ang mga alagad sa Antioquia ay malugod na nagpadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea. (Gawa 11:27-30; 20:35) Nang maglaon, pinasigla ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto na suportahan ang kaayusan sa pagbibigay ng tulong. (2 Cor. 9:1-15) Sa ngayon, kapag nasa mahirap na sitwasyon at nangangailangan ng materyal na tulong ang ating mga kapatid, ang organisasyon at ang indibidwal na mga Kristiyano ay mabilis na tumutugon at nagbibigay ng kinakailangang tulong.

IBINUKOD PARA GAWIN ANG KALOOBAN NI JEHOVA

12 Ang ating nagkakaisang pandaigdig na kapatiran ay inorganisa para gawin ang kalooban ni Jehova. Sa panahong ito, kalooban niya na ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay maipangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa. (Mat. 24:14) Habang nangangaral tayo, gusto ni Jehova na gumawi tayo ayon sa kaniyang mataas na mga pamantayang moral. (1 Ped. 1:14-16) Dapat na handa tayong magpasakop sa isa’t isa at gawin ang lahat para sa ikasusulong ng mabuting balita. (Efe. 5:21) Hindi ito ang panahon para unahin ang personal na mga kagustuhan. Ito ang panahon para unahin ang Kaharian ng Diyos sa ating buhay. (Mat. 6:33) Kapag isinasaisip natin ito habang nagkakaisa tayo sa pangangaral, nagiging maligaya at kontento tayo, at makakamit natin ang walang-hanggang mga pagpapala sa hinaharap.

13 Tayong mga Saksi ni Jehova ay natatangi. Ibinukod tayo mula sa sanlibutan bilang isang malinis na bayan, na masigasig na naglilingkod sa ating Diyos. (Tito 2:14) Naiiba tayo dahil sa ating pagsamba kay Jehova. Hindi lang tayo gumagawa nang balikatan kasama ng ating mga kapatid sa buong mundo; sinasalita rin natin ang iisang wika ng katotohanan at kumikilos kaayon nito. Inihula ito ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias: “Papalitan ko ng dalisay na wika ang wika ng mga tao, para lahat sila ay makatawag sa pangalan ni Jehova at maglingkod sa kaniya nang balikatan.”​—Zef. 3:9.

14 Pagkatapos, ginamit ni Jehova si Zefanias para ilarawan ang pandaigdig na kapatirang umiiral sa ngayon: “Ang mga natitira sa Israel ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling, at hindi nila gagamitin ang dila nila para mandaya; kakain sila at hihiga, at walang sinumang tatakot sa kanila.” (Zef. 3:13) Dahil naunawaan natin ang katotohanan sa Salita ng Diyos, itinuwid ang ating pag-iisip, at iniayon ang ating buhay sa pamantayan ni Jehova, tayo ay gumagawa nang may pagkakaisa. Naisasakatuparan natin ang isang bagay na parang imposible sa pananaw ng tao. Oo, tayo ay isang natatanging bayan, ang bayan ng Diyos, na nagpaparangal sa kaniya sa buong lupa.​—Mik. 2:12.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share