MGA TANONG PARA SA GUSTONG MAGPABAUTISMO
Bahagi 2: Pamumuhay Bilang Kristiyano
Sa pag-aaral mo ng Bibliya, nalaman mo kung ano ang inaasahan sa iyo ni Jehova at kung paano ka mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Dahil sa pagsasabuhay ng mga natutuhan mo, baka marami kang ginawang pagbabago sa iyong paggawi at maging sa pananaw mo sa buhay. Ngayong ipinasiya mo nang mamuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, nasa kalagayan ka na para maglingkod bilang ministro ng mabuting balita.
Makatutulong ang pagrerepaso sa sumusunod na mga tanong para maitanim sa iyong isip ang matuwid na mga kahilingan ni Jehova, at maipapaalaala nito sa iyo ang ilang bagay na magagawa mo para maging isa sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod. Maidiriin din nito sa iyo kung bakit mahalagang gawin ang lahat ng bagay nang may malinis na konsensiya at sa ikararangal ni Jehova.—2 Cor. 1:12; 1 Tim. 1:19; 1 Ped. 3:16, 21.
Sa pag-aaral na ito, tiyak na mapapakilos kang magpasakop sa pamamahala ni Jehova at maging bahagi ng kaniyang organisasyon. Makatutulong sa iyo ang mga tanong at mga teksto para masuri mo kung nauunawaan mo ang tungkol sa pagpapasakop sa kaayusan ni Jehova, sa kongregasyon man, sa tahanan, o sa mga nasa awtoridad sa sistemang ito. Tiyak na lalalim ang pagpapahalaga mo sa mga kaayusan ni Jehova para maturuan at mapatibay sa espirituwal ang bayan niya. Kasama rito ang mga pulong ng kongregasyon. Kaya dapat kang dumalo at makibahagi sa mga pulong na ito hangga’t ipinapahintulot ng iyong kalagayan.
Tatalakayin din sa seksiyong ito ang kahalagahan ng regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian, at pagtulong sa iba na makilala si Jehova at malaman ang ginagawa niya para sa mga tao. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Dahil diyan, tatatak sa isip mo kung gaano kaseryoso ang iyong pag-aalay sa Diyos na Jehova at ang iyong bautismo. Makakatiyak ka na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong taimtim na pagtugon sa kaniyang walang kapantay na kabaitan para sa iyo.
1. Ano ang pamantayang sinusunod ng mga Kristiyano sa pag-aasawa? Ano lang ang makakasulatang basehan para sa diborsiyo?
• “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao. . . . Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”—Mat. 19:4-6, 9.
2. Bakit dapat ikasal ang lalaki at babae na nagsasama bilang mag-asawa? Kung kasal ka, nakakatiyak ka bang legal ito at kinikilala ng gobyerno?
• “Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad.”—Tito 3:1.
• “Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang madungisan ang higaang pangmag-asawa, dahil hahatulan ng Diyos ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad at ang mga nangangalunya.”—Heb. 13:4.
3. Ano ang pananagutan mo sa loob ng pamilya?
• “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina.”—Kaw. 1:8.
• “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo ang ulo ng kongregasyon . . . Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon.”—Efe. 5:23, 25.
• “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.”—Efe. 6:4.
• “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, dahil talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon.”—Col. 3:20.
• “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki.”—1 Ped. 3:1.
4. Bakit dapat nating igalang ang buhay?
• “[Ang Diyos] ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga, at lahat ng bagay. Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”—Gawa 17:25, 28.
5. Bakit hindi tayo dapat pumatay ng sinuman, kasama na ang hindi pa naisisilang na sanggol?
• “Kung may mga taong mag-away at masaktan nila ang isang babaeng nagdadalang-tao at . . . kung may mamatay, magbabayad ka ng buhay para sa buhay.”—Ex. 21:22, 23.
• “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako; ang lahat ng bahagi ko ay nakasulat sa iyong aklat tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga iyon, bago pa mabuo ang alinman sa mga iyon.”—Awit 139:16.
• ‘Kinapopootan ni Jehova ang mga kamay na pumapatay ng inosente.’—Kaw. 6:16, 17.
6. Ano ang iniutos ng Diyos tungkol sa dugo?
• “Patuloy na umiwas . . . sa dugo [at] sa mga binigti.”—Gawa 15:29.
7. Bakit dapat nating mahalin ang mga kapatid?
• “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”—Juan 13:34, 35.
8. Para hindi maipasa sa iba ang isang nakakahawa o posibleng nakamamatay na sakit: (a) Bakit dapat iwasan ng maysakit ang pisikal na pagpapakita ng pagmamahal, gaya ng paghalik at pagyakap? (b) Bakit hindi dapat masamain ng maysakit kung hindi siya anyayahan ng ilan sa kanilang bahay? (c) Bago makipagligawan, bakit dapat na kusang magpasuri ng dugo ang isa na nahantad sa isang nakakahawang sakit? (d) Bago magpabautismo, bakit dapat ipaalám ng isang may nakakahawang sakit sa koordineytor ng lupon ng matatanda ang kaniyang kalagayan?
• “Huwag kayong magkautang sa sinuman maliban sa pag-ibig sa isa’t isa. . . . ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa.”—Roma 13:8-10.
• “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Fil. 2:4.
9. Bakit inaasahan ni Jehova na patatawarin natin ang iba?
• “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.”—Col. 3:13.
10. Ano ang dapat mong gawin kung siniraan ka o dinaya ng isang kapatid?
• “Kung ang kapatid mo ay magkasala, puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya nang kayong dalawa lang. Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama. Pero kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, para sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa at gaya ng maniningil ng buwis.”—Mat. 18:15-17.
11. Ano ang pananaw ni Jehova sa mga kasalanang ito?
▪ Seksuwal na imoralidad
▪ Paggamit ng mga imahen sa pagsamba
▪ Homoseksuwalidad
▪ Pagnanakaw
▪ Pagsusugal
▪ Paglalasing
• “Huwag kayong magpalinlang. Ang mga imoral, sumasamba sa idolo, mangangalunya, lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki, lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, magnanakaw, sakim, lasenggo, manlalait, at mangingikil ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”—1 Cor. 6:9, 10.
12. Tungkol sa seksuwal na imoralidad, kasama na ang ibang seksuwal na mga gawain nang mga hindi mag-asawa, ano ang determinado mong gawin?
• “Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!”—1 Cor. 6:18.
13. Bakit dapat tayong umiwas sa di-medikal na paggamit ng mga substansiya na nakakaadik o nakaaapekto sa isip?
• “Iharap ninyo ang inyong katawan bilang isang haing buháy, banal, at katanggap-tanggap sa Diyos, para makapaglingkod kayo sa kaniya gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”—Roma 12:1, 2.
14. Ano ang ilang makademonyong gawain na ipinagbabawal ng Diyos?
• “Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng sinumang . . . manghuhula, mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay.”—Deut. 18:10, 11.
15. Kung makagawa ang isa ng malubhang kasalanan at gusto niyang muling makamit ang pagsang-ayon ni Jehova, ano ang dapat niyang gawin agad?
• “Ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko kay Jehova ang mga kasalanan ko.’”—Awit 32:5.
• “Mayroon bang sinuman sa inyo na may sakit? Tawagin niya ang matatandang lalaki sa kongregasyon, at ipanalangin nila siya at pahiran ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin na may pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova. At kung nakagawa siya ng mga kasalanan, patatawarin siya.”—Sant. 5:14, 15.
16. Kung nalaman mo na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, ano ang dapat mong gawin?
• “Kung ang isang tao ay magkasala dahil narinig niyang may panawagan sa publiko na tumestigo pero hindi niya ipinaalám ang pagkakasala kahit na isa siyang saksi o nakita niya iyon o nalaman niya ang tungkol dito, mananagot siya sa kasalanan niya.”—Lev. 5:1.
17. Kung ipinatalastas na ang isang kapatid ay hindi na isang Saksi ni Jehova, paano mo siya dapat pakitunguhan?
• “Tigilan ang pakikisama sa sinumang tinatawag na kapatid pero imoral, sakim, sumasamba sa idolo, manlalait, lasenggo, o mangingikil, at huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao.”—1 Cor. 5:11.
• “Kung may magpunta sa inyo at hindi niya dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa tahanan ninyo at huwag ninyo siyang batiin.”—2 Juan 10.
18. Bakit gusto mong maging malapít na kaibigan ang mga taong nagmamahal kay Jehova?
• “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”—Kaw. 13:20.
• “Huwag kayong magpalinlang. Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.”—1 Cor. 15:33.
19. Bakit neutral ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa politika?
• “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako [si Jesus] ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
20. Bakit dapat kang sumunod sa gobyerno?
• “Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos; ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon.”—Roma 13:1.
21. Kung salungat ang batas ng tao sa batas ng Diyos, ano ang gagawin mo?
• “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
22. Kapag pumipili ng trabaho, anong mga teksto ang makatutulong sa iyo na manatiling hindi bahagi ng sanlibutan?
• “Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Mik. 4:3.
• “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko, kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya, at kung ayaw ninyong madamay sa mga salot niya.”—Apoc. 18:4.
23. Anong uri ng libangan ang pipiliin mo, at alin ang iiwasan mo?
• “Napopoot [si Jehova] sa sinumang mahilig sa karahasan.”—Awit 11:5.
• “Kamuhian ninyo ang masama; ibigin ninyo ang mabuti.”—Roma 12:9.
• “Anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, marangal, mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.”—Fil. 4:8.
24. Bakit hindi nakikibahagi sa pagsamba ng ibang relihiyon ang mga Saksi ni Jehova?
• “Hindi kayo puwedeng kumain sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Cor. 10:21.
• “‘Humiwalay kayo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at huwag na kayong humipo ng maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’”—2 Cor. 6:17.
25. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makatutulong sa iyo na magpasiya kung makikibahagi ka sa isang selebrasyon?
• “Nakisalamuha sila sa mga bansa at sumunod sa kaugalian ng mga ito. Patuloy silang naglingkod sa mga idolo ng mga ito, at ang mga iyon ay naging bitag sa kanila.”—Awit 106:35, 36.
• “Walang alam ang mga patay.”—Ecles. 9:5.
• “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
• “Sapat na ang panahong nagdaan na ginagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa—ang paggawi nang may kapangahasan, pagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.”—1 Ped. 4:3.
26. Paano makatutulong ang mga ulat sa Bibliya sa pagpapasiya mo kung magdiriwang ka ng kaarawan?
• “Nang ikatlong araw ay kaarawan ng Paraon, at naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa lahat ng lingkod niya, at inilabas niya ang punong katiwala ng kopa at ang punong panadero para makita ng mga lingkod niya. Ang punong katiwala ng kopa ay ibinalik niya sa pagiging katiwala ng kopa . . . Pero ibinitin niya ang punong panadero.”—Gen. 40:20-22.
• “Nang ipinagdiriwang ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias at tuwang-tuwa si Herodes, kaya sumumpa siyang ibibigay rito ang anumang hingin nito. Ayon sa idinikta ng ina, sinabi ng dalaga: ‘Ibigay ninyo sa akin ngayon sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.’ Kaya nagsugo siya ng sundalo at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.”—Mat. 14:6-8, 10.
27. Bakit gusto mong sundin ang tagubilin ng mga elder?
• “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, dahil patuloy nila kayong binabantayan na isinasaisip na mananagot sila, para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.”—Heb. 13:17.
28. Bakit mahalaga na maglaan ka at ang pamilya mo ng oras para regular na basahin at pag-aralan ang Bibliya?
• “Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi. Magiging gaya siya ng isang puno na nakatanim sa tabi ng daluyan ng tubig, isang puno na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta. At ang lahat ng ginagawa niya ay magtatagumpay.”—Awit 1:2, 3.
29. Bakit gusto mong dumalo at makibahagi sa mga pulong?
• “Ipahahayag ko ang pangalan mo sa mga kapatid ko; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita.”—Awit 22:22.
• “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.”—Heb. 10:24, 25.
30. Ano ang pinakamahalagang atas na ibinigay sa atin ni Jesus?
• “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”—Mat. 28:19, 20.
31. Kapag nagbibigay tayo ng donasyon para sa gawaing pang-Kaharian o para tulungan ang mga kapatid, paano natin mapasasaya si Jehova?
• “Parangalan mo si Jehova sa pamamagitan ng iyong mahahalagang pag-aari.”—Kaw. 3:9.
• “Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan, dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Cor. 9:7.
32. Anong mga hamon ang dapat asahan ng mga Kristiyano?
• “Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama, dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit. Maligaya kayo kapag nilalait kayo ng mga tao, inuusig, at pinaparatangan ng kung ano-anong masasamang bagay dahil sa akin. Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit; inusig din nila sa gayong paraan ang mga propeta noon.”—Mat. 5:10-12.
33. Bakit isang espesyal na pribilehiyo ang mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova?
• “Ang iyong salita ay naging kagalakan at kaluguran ng puso ko, dahil tinatawag ako sa pangalan mo, O Jehova na Diyos.”—Jer. 15:16.