Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rj bahagi 5 p. 12-15
  • Manumbalik sa “Pastol at Tagapangasiwa ng Inyong mga Buhay”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manumbalik sa “Pastol at Tagapangasiwa ng Inyong mga Buhay”
  • Manumbalik Ka kay Jehova
  • Kaparehong Materyal
  • “Manumbalik Kayo sa Akin”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Tutulungan Ka Niya
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
  • Palalakasin Ka Niya
    Umawit kay Jehova
  • Napakahalaga Mo kay Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Manumbalik Ka kay Jehova
rj bahagi 5 p. 12-15

BAHAGI 5

Manumbalik sa “Pastol at Tagapangasiwa ng Inyong mga Buhay”

Pinagdaanan mo na rin ba ang isa o higit pang hamon na tinalakay sa brosyur na ito? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Maraming tapat na lingkod ng Diyos—noon at ngayon—ang napaharap sa gayong mga hamon. Kung paanong tinulungan sila ni Jehova, tutulungan ka rin niya.

Tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya

MAKAKAASA kang tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya. Tutulungan ka niyang harapin ang kabalisahan, limutin ang sama ng loob, at maging payapa ang isip at puso sa pagkakaroon ng malinis na konsensiya. Sa gayon, mapapakilos kang maglingkod ulit kay Jehova kasama ng iyong mga kapuwa mananamba. Magiging gaya ka ng ilang Kristiyano noong unang siglo na sinulatan ni apostol Pedro: “Tulad kayo ng mga tupang naliligaw, pero ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga buhay.”​—1 Pedro 2:25.

Ang panunumbalik kay Jehova ang pinakamabuting magagawa mo. Bakit? Dahil mapapasaya mo ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Gaya ng alam mo, may damdamin si Jehova, kaya apektado siya ng mga ginagawa natin. Siyempre pa, hindi naman tayo pinipilit ni Jehova na ibigin at paglingkuran siya. (Deuteronomio 30:19, 20) Ganito ang sabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang ibang makakapagbukas ng puso mo kundi ikaw.” Mabubuksan natin ang ating puso kung sasambahin natin si Jehova dahil mahal na mahal natin siya. Kapag ginawa natin iyan, binibigyan natin siya ng isang mahalagang regalo—ang ating katapatan—at talagang mapapasaya natin ang puso niya. Oo, hindi matutumbasan ang kaligayahang dulot ng pagbibigay kay Jehova ng pagsambang karapat-dapat sa kaniya.​—Gawa 20:35; Apocalipsis 4:11.

Masayang tinanggap ng kongregasyon ang inactive na sister

Bukod diyan, kapag nanumbalik ka sa pagsambang Kristiyano, masasapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Paano? Ang mga tao ay nagtatanong, ‘Bakit tayo naririto?’ Gustong-gusto nilang malaman ang sagot sa mga tanong tungkol sa layunin ng buhay. Likas sa mga tao na maging palaisip na kailangan nila ang Diyos dahil ganiyan ang pagkakalalang niya sa atin. Dinisenyo niya tayo na masiyahan sa paglilingkod sa kaniya. Wala nang hihigit pa sa kasiyahang sambahin si Jehova dahil mahal natin siya.​—Awit 63:1-5.

Gusto ni Jehova na manumbalik ka sa kaniya. Paano ka makakatiyak na gusto nga iyan ni Jehova? Pag-isipan ito: Sa tulong ng maraming panalangin, maingat na inihanda ang brosyur na ito. Itinawag-pansin ito sa iyo, marahil ng isang elder o ng isang kapananampalataya. Pagkatapos, napakilos kang basahin ito at tumugon sa mensahe nito. Ang lahat ng ito ay katibayan na hindi ka nalilimutan ni Jehova, kundi magiliw ka niyang inilalapit sa kaniya.​—Juan 6:44.

Nakakaginhawang malaman na hindi kailanman nalilimutan ni Jehova ang mga lingkod niyang naligaw ng landas. Napahalagahan iyan ni Donna. Sinabi niya: “Unti-unti akong napalayo sa katotohanan, pero lagi kong naiisip ang Awit 139:23, 24, na nagsasabi: ‘Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang laman ng puso ko. Suriin mo ako, at alamin mo ang mga ikinababahala ko. Tingnan mo kung mayroon akong anumang masamang saloobin, at akayin mo ako sa landas ng walang hanggan.’ Alam kong hindi ako bahagi ng sanlibutan—hinding-hindi ako naging bagay do’n—at alam kong dapat ay nasa loob ako ng organisasyon ni Jehova. Nakita kong hindi ako pinabayaan ni Jehova; kailangan ko lang makita ang daang pabalik sa kaniya. Napakasaya ko nang makita ko ’yon!”

“Nakita kong hindi ako pinabayaan ni Jehova; kailangan ko lang makita ang daang pabalik sa kaniya”

Ipinapanalangin namin na sana’y madama mong muli ang “kagalakang nagmumula kay Jehova.” (Nehemias 8:10) Hinding-hindi mo pagsisisihan ang panunumbalik kay Jehova.

Sagot sa mga Tanong Tungkol sa Panunumbalik kay Jehova

SAAN AKO MAGSISIMULA?

Inactive na sister na nagbabasa ng Bibliya

Kapag nagkasakit ang isa, hindi niya agad maibabalik ang mga dati niyang ginagawa. Sa katulad na paraan, manunumbalik ang lakas mo bilang Kristiyano kung kukuha ka nang paunti-unting espirituwal na pagkain araw-araw. Huwag mong biglain ang sarili mo. Baka puwede kang magbasa o makinig nang ilang minuto ng isang rekording sa Bibliya, mag-aral ng isang publikasyon natin, mag-browse sa website na jw.org, o manood ng isang programa sa JW Broadcasting®. Sikapin mo ring makadalo agad sa pulong ng kongregasyon. Higit sa lahat, manalangin kay Jehova at humingi ng tulong sa kaniya. ‘Ihagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’—1 Pedro 5:7.

“Nang maging inactive ako, nahiya na akong manalangin. Nang magkalakas-loob akong manalangin, isang elder sa kongregasyon ang dumalaw sa akin. Tinulungan niya akong maintindihan na hindi nagsasawa sa akin si Jehova. Iminungkahi ng elder na magbasa ako ng Bibliya araw-araw. Nang gawin ko ’yon, lumakas ang loob ko na dumalo ulit. Nang maglaon, sumama na ulit ako sa ministeryo. Tuwang-tuwa ako dahil hindi nagsawa si Jehova sa akin.”​—Eeva.

TATANGGAPIN KAYA AKO NG KONGREGASYON?

Makakatiyak kang malugod kang tatanggapin ng kongregasyon. Imbes na pintasan ka o husgahan, ipapakita nila sa iyo na mahal ka nila at gagawin nila ang lahat para mapatibay ka.​—Hebreo 10:24, 25.

“Nahihiya akong pumunta sa Kingdom Hall. Hindi ko kasi alam kung paano ako pakikitunguhan ng mga kapatid. Isa sa mga may-edad na sister na 30 taon na sa kongregasyon namin ang nagsabi sa akin, ‘Welcome home, Anak!’ Talagang naantig ang puso ko. Nadama ko na talagang bahagi ako ng kongregasyon.”​—Javier.

“Pumasok ako sa Kingdom Hall at naupo sa pinakalikuran para hindi ako mapansin. Pero marami ang nakakilala sa akin. Natandaan nila na dumadalo ako doon noong bata pa ako. Tinanggap nila ako at niyakap nang mahigpit kaya napanatag ang kalooban ko. Parang umuwi ako sa sarili kong pamilya.”​—Marco.

PAANO KAYA AKO TUTULUNGAN NG MGA ELDER?

Magiging mabait sa iyo ang mga elder. Matutuwa sila sa pagsisikap mong paningasin ulit “ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:4) Magiging maawain sila at sa “mahinahong paraan,” tutulungan ka nilang ituwid ang mga pagkakamali mo. (Galacia 6:1; Kawikaan 28:13) Baka isaayos ng mga elder na may mag-study sa iyo, maaaring sa publikasyong gaya ng Masayang Buhay Magpakailanman o Maging Malapít kay Jehova. Umasa kang pagiginhawahin ka at aalalayan ng mga elder sa bawat pagkakataon.​—Isaias 32:1, 2.

“Sa loob ng walong taon na inactive ako, hindi tumigil ang mga elder sa pagsisikap na tulungan ako. Isang araw, ipinakita sa akin ng isang elder ang ilang litrato namin. Nagbalik sa isip ko ang magagandang alaala, kaya nasabik ako na madamang muli ang kagalakan noong naglilingkod pa ako kay Jehova. Maibigin akong tinulungan ng mga elder na magkaroon ulit ng regular na iskedyul ng espirituwal na mga gawain.”​—Victor.

“Tutulungan Ka Niya”

Dalawang sister na magkasalo sa songbook habang umaawit sa pulong

Maraming awit sa ating aklat-awitan, Umawit Nang Masaya kay Jehova, ang makakapagpatibay sa iyo habang nanunumbalik ka sa iyong espirituwal na gawain. Isa na diyan ang liriko ng awit bilang 38. Batay sa mga salita sa 1 Pedro 5:10, ang awit ay pinamagatang “Tutulungan Ka Niya.”

  1. May dahilan ang Diyos noong tinawag ka,

    Inakay ka sa katotohanan.

    Pananabik sa ’yong puso’y nakita niya,

    Gawin ang tama at hanapin siya.

    Nangako kang nais niya’y susundin;

    Tulong niya’y asahang patuloy rin.

  2. Alang-alang sa ’yo Anak niya’y ’binigay;

    Nais ng Diyos na magtagumpay ka.

    ’Di niya ’pinagkait sarili niyang Anak,

    Kaya tiyak na tutulungan ka niya.

    Pag-ibig mo’y ’di niya lilimutin,

    Sa Diyos ika’y mahalaga pa rin.

    (KORO)

    Dugo ni Jesu-Kristo ang tumubos sa iyo.

    Pag-aari ka na ng Diyos na Jehova.

    Gagabayan ka lagi at iingatan pa.

    Tutulungan ka niya, patitibayin ka.

Umawit kay Jehova—Inawit ng Koro

Para mapakinggan ang rekording ng awit na ito at ng iba pang awiting pang-Kaharian, i-scan ang code o magpunta sa jw.org.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share