ARAL 20
Ang Sumunod na Anim na Salot
Pumunta sina Moises at Aaron sa Paraon para sabihin ang mensahe ng Diyos: ‘Kung hindi mo palalayain ang bayan ko, magpapadala ako ng mga langaw na nangangagat.’ Sinalakay ng mga langaw na nangangagat ang bahay ng mga Ehipsiyo, mayaman at mahirap. Ang buong lupain ay punong-puno ng langaw na nangangagat. Pero sa lupain ng Gosen, na tinitirhan ng mga Israelita, walang langaw na nangangagat. Mula sa ikaapat na salot na ito, mga Ehipsiyo lang ang naapektuhan. Nagmakaawa ang Paraon: ‘Pakiusapan n’yo si Jehova na alisin ang mga langaw na ito. Palalayain ko na ang mga Israelita.’ Pero nang alisin ni Jehova ang mga langaw, nagbago na naman ang isip ng Paraon. Kailan kaya matututo ang Paraon?
Sinabi ni Jehova: ‘Kung hindi palalayain ng Paraon ang Israel, magkakasakit at mamamatay ang mga alagang hayop ng mga Ehipsiyo.’ Kinabukasan, namatay nga ang mga alagang hayop ng mga Ehipsiyo. Pero hindi namatay ang mga alagang hayop ng mga Israelita. Matigas pa rin ang ulo ng Paraon, at ayaw pa rin niyang palayain ang mga Israelita.
Pagkatapos, inutusan ni Jehova si Moises na bumalik sa Paraon at magsaboy ng abo sa hangin. Ang abo ay naging alabok na tinangay ng hangin papunta sa mga Ehipsiyo. Kaya nagkaroon sila ng nagnanaknak na mga sugat, pati na ang mga alagang hayop nila. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.
Pinabalik ulit ni Jehova si Moises sa Paraon para sabihin ang mensahe Niya: ‘Ayaw mo pa rin bang palayain ang mga Israelita? Bukas, uulan ng yelo.’ Kinabukasan, nagpaulan nga si Jehova ng yelo. Nagkaroon din ng apoy at kulog. Ito ang pinakamatinding bagyong nangyari sa Ehipto. Nasira ang lahat ng puno at pananim, pero hindi naapektuhan ang Gosen. Sinabi ng Paraon: ‘Makiusap kayo kay Jehova na patigilin ito! ’Tapos, puwede na kayong umalis.’ Pero nang tumigil ang pagbuhos ng yelo at ulan, nagbago na naman ang isip ng Paraon.
Sinabi ni Moises: ‘Ngayon, kakainin naman ng mga balang ang lahat ng halamang hindi nasira ng bagyo.’ Dumating ang napakaraming balang at inubos ang lahat ng natira sa bukid at sa mga puno. Nagmakaawa ang Paraon: ‘Makiusap kayo kay Jehova na alisin ang mga balang.’ Pero kahit inalis na ni Jehova ang mga balang, matigas pa rin ang ulo ng Paraon.
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Itaas mo ang iyong kamay.’ Biglang dumilim ang langit. Tatlong araw na walang makita ang mga Ehipsiyo dahil sa sobrang dilim. Ang bahay lang ng mga Israelita ang maliwanag.
Sinabi ng Paraon kay Moises: ‘Sige, umalis na kayo, pero hindi n’yo madadala ang inyong mga alagang hayop.’ Sinabi ni Moises: ‘Dadalhin namin ang mga hayop namin para may maihandog kami sa aming Diyos.’ Galít na galít ang Paraon. Sumigaw siya: ‘Lumayas ka sa harap ko! Kapag nagpakita ka pa, papatayin kita.’
“Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama, ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18