ABIDAN
[Ang (Aking) Ama ay Humatol].
Ang pinuno ng tribo ni Benjamin nang panahong magsagawa ng sensus sa Israel noong ikalawang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto. (Bil 1:11, 16) Siya ang ulo ng 35,400 lalaki ng Benjamin na mahigit 20 taon ang edad na nagkampo sa K panig ng tabernakulo.—Bil 2:18, 22, 23.
Nang matapos ang tabernakulo at noong pagpapasinaya nito (1512 B.C.E.), sa loob ng 12 araw ay naghandog ang bawat pinuno ng handog na pilak at gintong mga lalagyan ng pagkain na nagkakahalaga ng mga $1,720, bukod pa sa mga handog na mga butil, langis, insenso, at mga alagang hayop. Ginawa ito ni Abidan noong ikasiyam na araw. (Bil 7:10, 60-65) Namatay siya noong panahon ng 40-taóng paglalakbay sa ilang.—Bil 14:29, 30.