ABIHAIL
[Ang (Aking) Ama ay Kalakasan].
Isang pangalan na ginamit sa Bibliya para sa tatlong lalaki at dalawang babae.
1. Isang lalaki na mula sa tribo ni Levi at mula sa pamilya (o lipi) ni Merari. Siya ang ama ni Zuriel, pinuno ng sambahayan ng liping iyon sa panig ng ama noong panahon ng Pag-alis.—Bil 3:35.
2. Ang asawang babae ni Abisur, na mula sa tribo ni Juda. (1Cr 2:29) Nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki, sina Aban at Molid.
3. Isang lalaki na mula sa tribo ni Gad na namayan sa Basan at Gilead. Siya ay anak ni Huri at isang pinuno o ulo ng pamilya.—1Cr 5:14-17.
4. Ang anak na babae ni Eliab, na pinakamatandang kapatid ni David. (Bagaman ang salitang Hebreo na bath [anak na babae] sa 2 Cronica 11:18 ay maaari ring mangahulugang “apong babae.”)
Ang King James Version sa 2 Cronica 11:18 ay nagsasabi: “At kinuha ni Rehoboam para sa kaniya si Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David upang maging asawa, at si Abihail na anak ni Eliab na anak ni Jesse.” Sa saling ito, lumilitaw na si Abihail ang ikalawang asawa ni Rehoboam. Gayunman, ipinahihintulot ng orihinal na Hebreo na isalin ang talatang iyon sa ibang paraan, kung kaya ang maraming makabagong salin ay kababasahan ng ganito: “Si Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab na anak ni Jesse.” (Tingnan ang RS, AT, JP, NW, JB.) May kinalaman dito, sinasabi ng Soncino Books of the Bible sa isang talababa para sa 2 Cronica 11:18: “Ang pangatnig ay ipinahihiwatig dito. Si Mahalat ay anak nina Jerimot at Abihail. Itinuturing ng ilang komentarista ang Abihail bilang pangalan ng isa pang asawa ni Rehoboam.” (Inedit ni A. Cohen, London, 1952) Ang mga pang-isahang panghalip na ginamit sa sumunod na mga talata (19, 20) ay sumusuporta sa pangmalas na isang asawa lamang ni Rehoboam ang tinutukoy sa talata 18. Dahil dito, mas malamang na si Abihail ang ina ng asawa ni Rehoboam na si Mahalat.
5. Ang ama ni Reyna Esther at isang inapo ni Benjamin. Siya ang tiyo ng pinsan ni Esther na si Mardokeo. (Es 2:5, 15; 9:29) Ipinakikita ng Esther 2:7 na si Abihail at ang kaniyang asawa ay namatay noong bata pa ang kanilang anak na si Esther, sa gayon ay mahabang panahon na rin ang lumipas bago ito napangasawa ni Haring Ahasuero.