ABISAI
[posible, Ang Ama ay (Umiiral)].
Ang anak ng kapatid na babae o kapatid sa ina ni David na si Zeruias at kapatid nina Joab at Asahel.—2Sa 2:18; 1Cr 2:15, 16.
Dahil sa kaniyang pambihirang kakayahan, si Abisai ay naging higit na kilalá kaysa sa 30 makapangyarihang mandirigma na pinamumunuan niya, anupat ang kaniyang reputasyon ay halos kapantay pa nga niyaong sa tatlong pinakamakapangyarihang lalaki ni David, sapagkat minsan ay mag-isa niyang pinabagsak ang 300 sa mga kaaway, ngunit “sa ranggo ng unang tatlo ay hindi siya umabot.”—2Sa 23:18, 19.
Matapat na sinuportahan ni Abisai ang kaniyang tiyo na si David sa lahat ng mga kampanyang pangmilitar nito ngunit malimit siyang gumawi nang padalus-dalos at walang awa anupat kung minsa’y kailangan pa siyang pigilan. Halimbawa, isang gabi, nang siya at si David ay pumuslit sa loob ng kampong militar ni Saul, natuhog na sana niya sa lupa ang natutulog na si Saul, ang “pinahiran ni Jehova,” sa pamamagitan ng sariling sibat ni Saul kung hindi siya pinigilan ni David. (1Sa 26:6-9) Nang maghimagsik si Absalom, makalawang ulit na kinailangang pigilan si Abisai upang hindi nito mapatay si Simei na sumumpa sa hari. Gayunman, hindi nahadlangan ni David si Abisai sa pakikipagtulungan sa pagpatay kay Abner.—2Sa 3:30; 16:9-11; 19:21-23.
Nakilala si Abisai dahil sa pangunguna niya sa pagpapabagsak sa 18,000 Edomita, gayundin sa kaniyang pangunguna sa paglupig sa mga Ammonita. Nakipagtulungan din siya upang masupil ang paghihimagsik ni Sheba, na isang walang-kabuluhang Benjaminita. Sa huling iniulat na pakikipagbaka ni David, namatay na sana siya sa kamay ng isang pagkalaki-laking Filisteo kung hindi dahil kay Abisai.—1Cr 18:12; 19:11-15; 2Sa 20:1, 6; 21:15-17.