AHAVA
Ang pangalang ibinigay sa isang ilog o kanal, gayundin sa isang karatig na lugar, na matatagpuan sa Babilonia, sa HK ng Babilonya, kung saan tinipon ni Ezra ang ilang Judio at isinagawa ang isang pag-aayuno bago simulan ang paglalakbay patungong Jerusalem. (Ezr 8:15, 21, 31) Maliwanag na ito ay isang paglalakbay nang mga walo o siyam na araw mula sa Babilonya. (Ihambing ang Ezr 7:9; 8:15, 31.) Si Herodotus (I, 179) ay may binanggit na isang maliit na ilog na tinatawag na Is, na umaagos patungong Eufrates, at sinabi niya na ang lunsod ng Is sa tabi ng ilog na ito ay mga walong-araw na paglalakbay mula sa Babilonya. Ipinapalagay na ang Is ay ang makabagong Hit, at sinasabi ng ilan na malamang na ito ang lokasyon ng Ahava.
May kinalaman sa bayan ng Hit, ang The New Encyclopædia Britannica (1987, Tomo 5, p. 949) ay nagsasabi: “Sa Ilog Eufrates, ang Hit ay isang maliit na bayang may pader na itinayo sa dalawang gulod sa dating kinaroroonan ng isang sinaunang lunsod; ang mga balon ng bitumen sa paligid ay ginamit na sa loob ng di-kukulangin sa 3,000 taon at ginamit noon sa pagtatayo ng Babilonya.” Ang mapagkukunang ito ng bitumen ay maaaring kaugnay ng ulat ng Bibliya tungkol sa pagtatayo ng Tore ng Babel, kung saan bitumen ang nagsilbing argamasa.—Gen 11:3.