ANTIPATRIS
[Ni (Kay) Antipater].
Isang lunsod na muling itinayo ni Herodes na Dakila noong 9 B.C.E. at pinanganlan nang gayon bilang parangal sa kaniyang amang si Antipater (II). Ipinapalagay na ito ang Ras el-ʽAin (Tel Afeq) na nasa isang natutubigang-mainam at matabang seksiyon ng Kapatagan ng Saron. Pinaniniwalaan na ang Antipatris ang lokasyon ng mas matandang lunsod ng Apek, na binanggit sa 1 Samuel 4:1. Waring pinatototohanan ito ng mga paghuhukay na isinagawa roon noong 1946, 1961, at 1974.—Tingnan ang APEK Blg. 3.
Dito dinala si Pablo ng pangunahing pangkat ng tagapaghatid na hukbong Romano, anupat naglakbay sila sa gabi nang mga 50 km (30 mi) pababa sa kabundukan mula sa Jerusalem. (Gaw 23:31) Ang lugar na ito ay nasa salubungan ng mga daang militar ng mga Romano mula sa Jerusalem at mula sa Lida, na kapuwa patungo sa Romanong kabisera ng Cesarea. Mula sa Antipatris, 70 kabalyero ang naghatid kay Pablo sa natitirang distansiya na mga 40 km (25 mi) patawid sa kapatagan ng Cesarea.