ARISTARCO
[Pinakamahusay (Pinakamarangal) na Tagapamahala].
Isa sa matatalik na kasamahan ni Pablo, isang kasamahan sa paglalakbay at kapuwa bilanggo, isang taga-Macedonia na mula sa Tesalonica. (Gaw 20:4; 27:2) Ang unang pagbanggit sa kaniya ay sa ulat ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Noong katindihan ng kaguluhan sa Efeso, sina Aristarco at Gayo ay puwersahang kinaladkad patungo sa dulaan. (Gaw 19:29) Maaaring siya ang “kapatid” na tumulong kay Pablo sa pag-aasikaso sa abuloy na nalikom sa Macedonia at Gresya para sa mga Judeano.—2Co 8:18-20.
Sinamahan ni Aristarco si Pablo sa pagbibiyahe patungong Roma, ngunit hindi matiyak kung bakit siya pinayagang lumulan sa barko, marahil ay pinahintulutan siyang sumama bilang alipin ni Pablo. (Gaw 27:2) Habang nasa Roma, higit pa niyang tinulungan at pinatibay-loob si Pablo at sa loob ng ilang panahon ay naging kapuwa niya bihag. Ang mga pagbati ni Aristarco ay ipinaabot sa pamamagitan ng mga liham ni Pablo sa mga taga-Colosas (4:10) at kay Filemon (23, 24).