ASTAROT
Isang lunsod sa pook ng Basan, na sa ngayon ay karaniwang ipinapalagay na ang Tell ʽAshtarah, mga 32 km (20 mi) sa S ng Dagat ng Galilea. Ang mababang burol doon ay napalilibutan ng isang kapatagan na natutubigang mainam. Maaaring ipinahihiwatig ng pangalan nito na ito’y naging isang sentro ng pagsamba sa diyosang si Astoret.
Ang mga pagtukoy rito sa Bibliya ay pangunahin nang may kinalaman sa higanteng si Haring Og ng Basan, na sinasabing naghari “sa Astarot, sa Edrei.” (Deu 1:4; Jos 9:10; 12:4; 13:12) Ang nalupig na teritoryo ng kaharian ni Og ay orihinal na iniatas sa mga Makirita na mula sa tribo ni Manases, ngunit nang maglaon ay ibinigay ang Astarot sa mga Gersonita bilang isang lunsod ng mga Levita. (Jos 13:29-31; 1Cr 6:71) Sa Josue 21:27, na katumbas ng ulat sa 1 Cronica 6:71, ang lunsod ay tinatawag na Beestera.
Ang lunsod na ito ay binabanggit sa mga inskripsiyong Asiryano at sa Amarna Tablets.