PALAKOL
Isang kasangkapang may talim sa pinakaulo nito na nakakabit sa isang hawakan at ginagamit na pamutol ng kahoy o bato; ginagamit din ito noon bilang sandata.
May ilang salitang Hebreo at Griego na tumutukoy sa kasangkapang ito. Ang salitang Hebreo na gar·zenʹ, na matatagpuan sa Bibliya at tumutukoy sa isang palakol na pansibak ng kahoy, ay matatagpuan din sa inskripsiyon ng Siloam upang tumukoy sa isang uri ng palakol na ginagamit sa paghuhukay ng bato. (Deu 19:5; Isa 10:15) Ayon sa Lexicon in Veteris Testamenti Libros nina Koehler at Baumgartner (Leiden, 1958, p. 650), ang salitang Hebreo na sa·gharʹ, lumilitaw sa Awit 35:3, ay tumutukoy sa isang “kabilaang palakol.” At sa 2 Hari 6:5, 6 naman, ang salitang Hebreo na bar·zelʹ, literal na nangangahulugang “bakal,” ay nangangahulugang “talim ng palakol.”
Sa Apocalipsis 20:4, binabanggit na may mga tagapagmana ng makalangit na kaharian na “pinatay sa pamamagitan ng palakol dahil sa patotoo na kanilang ibinigay tungkol kay Jesus at dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos.” Yamang kung minsan ay ginagamit ng pulitikal na estado ang palakol sa paglalapat ng kamatayan, malamang na nangangahulugan ito na hinatulan ng mga pamahalaan ng tao ang matapat na mga lingkod na iyon ng Diyos bilang karapat-dapat mamatay.