Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Azeka”
  • Azeka

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Azeka
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Lakis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Sinaunang Bibinga na Nagpapatunay sa Ulat ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pas-damim
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Pakikipaglaban ni David kay Goliat—Talaga Bang Nangyari Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Azeka”

AZEKA

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “hukayin” [samakatuwid nga, asarulin]].

Isang lunsod sa rehiyon ng Sepela, na waring nakabantay sa itaas na mga bahagi ng Libis ng Elah. Ipinapalagay na ang lugar na ito ay ang Tell Zakariyeh (Tel ʽAzeqa), na mga 26 na km (16 na mi) sa HK ng Hebron.

Unang binanggit ang lunsod na ito sa Josue 10:5-11 may kinalaman sa sama-samang pagsalakay ng limang Canaanitang hari laban sa Gibeon. Bilang pagsaklolo sa Gibeon, tinugis ni Josue at ng kaniyang hukbo ang mga hukbong Canaanita “hanggang sa Azeka at Makeda,” na may layo na mga 30 km (19 na mi). Nang maglaon, ang lunsod ay iniatas sa tribo ni Juda.​—Jos 15:20, 35.

Noong panahon ng paghahari ni Haring Saul (1117-1078 B.C.E.), tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo sa pagitan ng Socoh at Azeka, anupat iniharap si Goliat bilang kanilang tagapagtanggol. Nang dumating ang mga Israelita, nagharap ang dalawang hukbo mula sa magkabilang panig ng Libis ng Elah hanggang noong tumakas ang mga Filisteo dahil sa di-inaasahang tagumpay ni David laban kay Goliat.​—1Sa 17:1-53.

Nang mahati ang bansa pagkamatay ni Solomon (mga 998 B.C.E.), pinatibay ni Haring Rehoboam ng Juda ang Azeka pati na ang Lakis at ang iba pang mga estratehikong lunsod. (2Cr 11:5-10) Isiniwalat ng mga paghuhukay sa Tell Zakariyeh ang mga labí ng mga pader, mga tore at ng isang matibay na kuta na nasa pinakamataas na dako sa lokasyong iyon.

Nang daluhungin ng Babilonyong mga hukbo ni Nabucodonosor ang kaharian ng Juda (609-607 B.C.E.), ang Azeka at Lakis ang huling dalawang nakukutaang lunsod na nalupig bago bumagsak ang mismong Jerusalem. (Jer 34:6, 7) Malinaw na ipinakikita ito ng pagkakatuklas sa may-sulat na mga ostracon na tinatawag na Lachish Letters. Ang liham bilang IV ay may mensaheng maliwanag na mula sa isang himpilang militar para sa kumandante ng militar sa Lakis at kababasahan ng ganito: “inaabangan namin ang mga hudyat ng Lakis, ayon sa lahat ng palatandaan na ibinigay ng aking panginoon, sapagkat hindi namin makita ang Azeka.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 322) Kung isinulat ang liham na ito noong panahon ng pagsalakay ng Babilonya, gaya ng waring nangyari, ipinahihiwatig nito na bumagsak na ang Azeka kung kaya wala nang hudyat na natatanggap mula sa tanggulang iyon.

Pagkatapos ng 70-taóng yugto ng pagkatiwangwang ng lupain, ang Azeka ay isa sa mga lunsod na muling pinanirahan ng bumalik na mga Judiong tapon.​—Ne 11:25, 30.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share