Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Balaam”
  • Balaam

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Balaam
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsalita ang Asno ni Balaam
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Nagsalita ang Isang Asno
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Balak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Peor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Balaam”

BALAAM

[posible, Isa na Lumalamon].

Anak ni Beor, na nabuhay noong ika-15 siglo B.C.E. Nanirahan siya sa Arameanong bayan ng Petor sa mataas na Libis ng Eufrates at malapit sa Ilog Sajur. Bagaman hindi Israelita, si Balaam ay may bahagyang kaalaman at pagkilala kay Jehova bilang ang tunay na Diyos, anupat sa isang pagkakataon ay tinukoy niya Siya bilang si “Jehova na aking Diyos.” (Bil 22:5, 18) Maaaring ito ay dahil ang taimtim na mga mananamba ni Jehova (sina Abraham, Lot, at Jacob) ay dating naninirahan sa kapaligiran ng Haran, di-kalayuan sa Petor.​—Gen 12:4, 5; 24:10; 28:5; 31:18, 38.

Tinanggihan ni Balaam ang alok ng unang delegasyon mula sa Moabitang hari na si Balak, na nagdala ng “pambayad para sa panghuhula,” anupat sinabi niya: “Si Jehova ay tumanggi na pahintulutan akong sumama sa inyo.” (Bil 22:5-14) Nang dumating ang “iba pang mga prinsipe na mas marami at higit na mararangal” (Bil 22:15), at pagkatapos na muling alamin ni Balaam kung pahihintulutan siya ng Diyos na yumaon, sinabi ni Jehova: “Bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit tanging ang salita na sasalitain ko sa iyo ang iyong sasalitain.”​—Bil 22:16-21; Mik 6:5.

Habang naglalakbay siya, tatlong ulit na tumayo sa daan ang anghel ni Jehova, anupat dahil dito ay lumiko ang asno ni Balaam sa isang parang, pagkatapos ay iginitgit nito sa pader ang paa ni Balaam, at nang dakong huli ay humiga ito. Tatlong ulit na pinalo ni Balaam ang hayop, na makahimala namang nagsalita bilang pagtutol. (Bil 22:22-30) Sa wakas, nakita mismo ni Balaam ang anghel ni Jehova, na nagsabi: “Lumabas ako upang sumalansang, sapagkat ang iyong lakad ay tahasang laban sa aking kalooban.” Gayunma’y minsan pang pinahintulutan ni Jehova si Balaam na magpatuloy sa kaniyang piniling landasin.​—Bil 22:31-35.

Mula sa pasimula hanggang sa katapusan, hindi nagbago ang pagtutol ng Diyos may kaugnayan sa anumang pagsumpa sa Israel, anupat mariin niyang sinabi na kung yayaon si Balaam, ang bibigkasin nito ay pagpapala at hindi sumpa. (Jos 24:9, 10) Gayunman, pinahintulutan siya ng Diyos na yumaon. Katulad din ito ng nangyari kay Cain, nang ipahayag ni Jehova ang kaniyang di-pagsang-ayon at kasabay nito’y pahintulutan niya itong gumawa ng personal na pasiya, alinman sa lisanin ang kaniyang masamang lakad o ituloy ang kaniyang balakyot na landasin. (Gen 4:6-8) Kaya gaya ni Cain, naging matigas ang ulo ni Balaam sa pagwawalang-bahala sa kalooban ni Jehova, at determinado siyang makamit ang kaniyang makasariling layunin. Sa kaso ni Balaam, ang kasakiman sa gantimpala ang bumulag sa kaniya sa pagiging mali ng kaniyang lakad, gaya ng isinulat ni Judas: ‘Sumugod si Balaam sa maling landasin dahil sa gantimpala.’ Nagkomento ang apostol na si Pedro: “[Si] Balaam, na anak ni Beor, na umibig sa kabayaran sa paggawa ng masama, ngunit tumanggap ng pagsaway dahil sa sarili niyang paglabag sa kung ano ang tama. Isang walang-imik na hayop na pantrabaho, nang magsalita sa tinig ng tao, ang humadlang sa baliw na landasin ng propeta.”​—Jud 11; 2Pe 2:15, 16.

Nang makarating sa teritoryong Moabita at makaharap si Haring Balak sa pampang ng Arnon, kaagad na kumilos si Balaam noong sumunod na araw upang gawin ang hinihiling ng mga mananalansang na ito sa bayan ni Jehova. Si Balaam, kasama si Balak, ay naghandog ng mga hain, at pagkatapos ay umalis siya, na umaasang “makasumpong ng anumang masamang tanda” (Bil 23:3; 24:1), ngunit ang tanging mensahe na tinanggap niya ay isang pagpapala para sa Israel mula kay Jehova. Pagkatapos ay gayunding paraan ng paghahain ang isinagawa nila sa taluktok ng Pisga, at muli, “walang masamang engkanto laban sa Jacob,” kundi mga pagpapala lamang. Nang dakong huli, inulit nila ang gayunding paghahain sa taluktok ng Peor, at muli sa ikatlong pagkakataon, ‘ginawang pagpapala ng Diyos ang sumpa.’​—Bil 22:41–24:9; Ne 13:2.

Dahil sa nangyari, “lumagablab ang galit ni Balak laban kay Balaam,” at matapos niyang ipalakpak ang kaniyang mga kamay sa pagngangalit, bumulalas siya: “Tinawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway, at, narito! pinagpala mo sila nang lubusan nitong tatlong ulit. At ngayon ay tumakbo ka sa iyong dako. Sinabi ko sa aking sarili na walang pagsalang pararangalan kita, ngunit, narito! pinigilan ka ni Jehova mula sa karangalan.” (Bil 24:10, 11) Nangatuwiran si Balaam at isinisi kay Jehova ang pagkabigo niyang sumpain ang Israel, na sinasabing ‘hindi niya malampasan ang utos ni Jehova,’ at na ‘anuman ang sinalita ni Jehova ay siyang kinailangan niyang salitain.’ Kaya pagkabigkas ng ilan pang kapahayagan laban sa mga kaaway ng Israel, “tumindig si Balaam at yumaon at bumalik sa kaniyang dako.”​—Bil 24:12-25.

Ang pananalitang “bumalik [si Balaam] sa kaniyang dako” ay hindi nangangahulugan na aktuwal siyang umuwi sa kaniyang tahanan sa Petor. Hindi ipinahihiwatig ng mismong mga salita na nilisan ni Balaam ang kapaligiran ng Bundok Peor. Gaya ng sinabi ng Commentary ni Cook hinggil sa Bilang 24:25: “Bumalik sa kaniyang sariling dako . . . Hindi sa kaniyang sariling lupain, sapagkat nanatili siyang kasama ng mga Midianita upang bumuo ng bagong pakana laban sa bayan ng Diyos, at nang dakong huli ay namatay sa kaniyang pagkakasala. . . . Ang pariralang ito, na madalas lumitaw (ihambing bilang halimbawa ang Gen. xviii. 33, xxxi. 55; I S. xxvi. 25; 2 S. xix. 39), ay idyomatiko, anupat nangangahulugan lamang na umalis si Balaam patungo sa kaniyang paroroonan.”

Umaasa pa rin si Balaam na tatanggapin niya ang malaking gantimpalang iyon na dinayo pa niya mula sa malayo at lubha niyang pinagpagalan. Ikinatuwiran niya na kung hindi niya maisusumpa ang Israel, marahil ay ang Diyos mismo ang susumpa sa kaniyang sariling bayan, kung mahihikayat lamang silang makibahagi sa pagsamba sa sekso sa Baal ng Peor. Kaya ‘tinuruan ni Balaam si Balak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo at makiapid.’ (Apo 2:14) “Ayon sa salita ni Balaam,” ang mga anak na babae ng Moab at Midian “ang naging dahilan kung bakit naganyak ang mga anak ni Israel na magsagawa ng kawalang-katapatan kay Jehova sa nangyari sa Peor, anupat dumating ang salot sa kapulungan ni Jehova.” (Bil 31:16) Ang resulta: 24,000 lalaki ng Israel ang namatay dahil sa kanilang pagkakasala. (Bil 25:1-9) Maging ang Midian at si Balaam ay hindi nakatakas sa kaparusahan mula sa Diyos. Iniutos ni Jehova na patayin ang lahat ng mga lalaki, mga babae, at mga batang lalaki ng Midian; tanging ang mga dalaga ang pinaligtas. “At pinatay nila sa pamamagitan ng tabak si Balaam na anak ni Beor.” (Bil 25:16-18; 31:1-18) Kung tungkol sa mga Moabita, pinagbawalan silang pumasok sa kongregasyon ni Jehova “hanggang sa ikasampung salinlahi.”​—Deu 23:3-6.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share