PAGKAKALBO
Ang kawalan ng buhok sa ulo, bagaman hindi laging tumutukoy sa ganap na pagkaubos ng buhok. Kadalasan, ilang bahagi lamang ng ulo ang nakakalbo, samantalang tumutubo naman nang normal ang buhok sa ibang bahagi ng ulo. Ang ganitong uri ng pagkalugas ng buhok ay tinatawag na pattern baldness at mga 90 porsiyento ng lahat ng kaso ang may ganitong uri ng pagkakalbo. Binabanggit sa Bibliya ang “pagkakalbo” (sa Heb., qor·chahʹ), “kalbong bahagi ng tuktok” (sa Heb., qa·raʹchath), at “pagkakalbo sa noo” (sa Heb., gib·beʹach at gab·baʹchath). (Lev 13:41-44; 21:5) Hindi alam kung ano ang eksaktong sanhi ng pagkakalbo. Sa karamihan ng mga kaso, itinuturing na ito ay namamana, bagaman maaari ring maging sanhi ang impeksiyon, di-timbang na hormon, pagtanda, mga sakit sa nerbiyo, gayundin ang ilang medikal na panggagamot, at sipilis.
Ang pagkakalbo ay isang depekto na nakababawas sa pagiging kaakit-akit ng isa, kaya naman iniuugnay ito ng mga tao noong sinaunang mga panahon sa kahihiyan, pagdadalamhati, at kabagabagan. (Isa 3:24; 15:2; Jer 47:5; Eze 27:31; Am 8:10; Mik 1:16) Gayunman, sa ilalim ng Kautusan ni Moises, hindi itinuturing na karumihan ang pagkakalbo. (Lev 13:40) Sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, hindi itinatala ang pagkakalbo bilang isang depekto na makahahadlang sa isa sa paglilingkod bilang saserdote. Sa pangitain ng propetang si Ezekiel, iniutos sa mga saserdote na hindi nila dapat hayaang nakalugay o naahitan ang kanilang buhok, kundi dapat nila itong gupitin.—Eze 44:20.
Ang propeta ni Jehova na si Eliseo ay kalbo. Pagkatapos niyang halinhan si Elias sa katungkulan ng propeta at samantalang umaahon siya mula sa Jerico patungong Bethel, nilibak siya ng isang pangkat ng mga bata na sumisigaw: “Umahon ka, kalbo! Umahon ka, kalbo!” Waring hindi ang pagiging kalbo ni Eliseo ang pangunahing dahilan ng kanilang pangungutya kundi dahil nakita nila na suot ng isang lalaking kalbo ang pamilyar na opisyal na kasuutan ni Elias. Ayaw nilang makita roon ang sinumang kahalili ni Elias. Gusto nilang magpatuloy na lamang siya sa pag-ahon sa Bethel o umakyat siya sa langit sa pamamagitan ng buhawi gaya ng ginawa ng dating may-suot ng opisyal na kasuutang iyon. (2Ha 2:11) Bilang sagot sa paghamong ito sa kaniyang pagiging kahalili ni Elias at upang maturuan ang mga batang ito at ang kanilang mga magulang ng wastong paggalang sa propeta ni Jehova, sa pangalan ng Diyos ni Elias ay isinumpa ni Eliseo ang nangungutyang pangkat na iyon. Naging pagsubok iyon sa kaniyang pagkapropeta. Ipinakita naman ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon kay Eliseo nang pangyarihin Niya na lumabas ang dalawang osong-babae mula sa kalapit na kakahuyan at lurayin ng mga ito ang 42 sa mga bata.—2Ha 2:23, 24.
Ginawang kaugalian ng ilang grupo ng mga tao ang pagpapakalbo sa pamamagitan ng pag-aahit ng kanilang buhok sa panahon ng pamimighati dahil sa pagkamatay ng isang kamag-anak o dahil sa relihiyosong mga kadahilanan, ngunit ipinagbawal ito sa mga Israelita. (Deu 14:1) Espesipikong inutusan ang mga saserdote na huwag magpakalbo o mag-ahit ng mga dulo ng kanilang mga balbas para sa mga patay. (Lev 21:5) Inutusan ang Israel na huwag gupitin ang buhok sa gilid ng kanilang mukha o ang dulo ng kanilang mga balbas.—Lev 19:27; Jer 9:26; tingnan ang BALBAS.
Sa Ehipto, karaniwang ipinaaahit ng mga lalaki ang buhok sa kanilang ulo, at itinuturing nila ang balbas bilang tanda ng pagdadalamhati o pagkaburara. Kaya naman nang ilabas si Jose sa bilangguan, nag-ahit muna siya bago siya dinala sa harap ni Paraon. (Gen 41:14) Gayunman, tinatakpan ng mga Ehipsiyo ng mga peluka ang kanilang pagkakalbo, at marami sa mga nag-aahit ng kanilang ulo at balbas ay nagsusuot ng peluka at nagtatali ng artipisyal na balbas. Ang Ebers Papyrus, isang Ehipsiyong akda sa medisina na mula pa noong ikalawang milenyo B.C.E., ay may 11 reseta para mapigilan ang pagkakalbo.
Sa Kautusan, dapat ahitan ng isa na may ketong sa ulo ang kaniyang ulo sa pasimula ng yugto ng pagkukuwarentenas sa kaniya, sa araw ng pagpapadalisay, at muli sa ikapitong araw. (Lev 13:33; 14:8, 9) Kung madungisan ang isang Nazareo, aahitan niya ang kaniyang ulo sa panahon ng pagtatatag ng kaniyang pagkakadalisay. (Bil 6:9) Ang babaing bihag na kukunin ng isang kawal na Israelita bilang asawa ay kailangang mag-ahit ng kaniyang ulo.—Deu 21:12.
Dumanas ng pansamantalang pagkakalbo ang mga hukbo ni Nabucodonosor noong isinasagawa nila ang napakahirap na pagkubkob sa lupaing lunsod ng Tiro. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na “ang bawat ulo ay nakalbo, at ang bawat balikat ay natalupan” habang isinasagawa ng hukbong militar ni Nabucodonosor ang “isang malaking paglilingkod” sa paglalapat ng kahatulan sa Tiro. Nakalbo ang kanilang mga ulo dahil sa pagkiskis ng kanilang mga helmet at natalupan naman ang kanilang mga balikat sa pagpapasan ng mga materyales (para sa paggawa ng mga tore at mga kuta).—Eze 26:7-12; 29:17, 18.
Sa ilang lugar noong mga araw ng mga apostol, halimbawa, sa imoral na lunsod ng Corinto, ang mga babae na nahuling nangangalunya o nakikiapid ay pinaparusahan sa pamamagitan ng pag-ahit sa kanilang buhok. Ang mga aliping babae naman ay ginugupitan nang maikli. Lumilitaw na tinutukoy ito ni Pablo bilang ilustrasyon nang sabihin niya na kung ang isang babae sa kongregasyong Kristiyano ay mananalangin o manghuhula nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo, bagaman may buhok ito na pantalukbong, ipaahit na nga niya nang tuluyan ang kaniyang buhok upang lubusin ang kaniyang pagsalansang at ipakita ang kaniyang kahihiyan sa hindi niya paggalang sa simulain ng Diyos sa pagkaulo.—1Co 11:3-10.