BET-JESIMOT
[Bahay ng mga Pagkatiwangwang].
Ang pinakatimugang dako na naabot ng kampamento ng mga Israelita nang sila’y magkampo sa Kapatagan ng Moab bago sila tumawid sa Jordan papasók ng Canaan. (Bil 33:48, 49) Ang kampo ay umabot mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim, isang distansiya na mga 8 km (5 mi) ayon sa iminumungkahing lokasyon ng mga dakong ito. Sa ngayon, ipinapalagay na ang Bet-jesimot ay ang Tell el-ʽAzeimeh na malapit sa HS sulok ng Dagat na Patay at 19 na km (12 mi) sa TS ng Jerico. Malapit dito ang Khirbet Sweimeh, na bilang isang pamayanang Romano ay nakilala sa pangalang Griego na Besimot. May matatagpuan ding isang malakas na bukal malapit dito. Ang Tell el-ʽAzeimeh ay nasa isang mataas na lupain kung saan matatanaw ang mga kapatagan sa ibaba, at ito ay nakabantay sa labasan ng isa sa mga agusang libis na pababa ng kabundukan sa dakong S.
Ang Bet-jesimot ay bahagi ng teritoryo ni Haring Sihon ng mga Amorita, at nang masakop ng Israel ang rehiyong iyon, iniatas ito sa tribo ni Ruben. (Jos 12:1-3; 13:15-21; ihambing ang Huk 11:13-27.) Noong panahon ng propetang si Ezekiel, kasama ito sa ilang lunsod ng Moab na nasa dalisdis ng kaniyang hanggahan at inilarawan ito bilang “ang kagayakan ng lupain.” (Eze 25:8-10) Ipinahihiwatig ng hula na pangyayarihin ni Jehova na mabuksan ang mga hanggahang lunsod na ito, anupat ang Moab ay malalantad sa pagsalakay ng “mga taga-Silangan,” o “mga anak ng Silangan,” ang mga tribong pagala-gala na naninirahan sa Disyerto ng Arabia. (Ihambing ang Huk 6:3, tlb sa Rbi8; 8:10.) Malamang na sinakop ng Moab ang Bet-jesimot at ang iba pang mga lunsod ng Ruben pagkatapos na maging tapon ang tribong iyon sa Asirya, kung hindi man bago nito.—1Cr 5:26.