BAHAY-TALIAN NG MGA PASTOL
Isang lugar na nasa daang mula sa Jezreel patungong Samaria. Sa lugar na ito, sa tabi ng isang imbakang-tubig, nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Haring Ahazias ng Juda at pinatay niya ang mga iyon. (2Ha 10:12-14) Waring ang pangalan ng lugar na ito ay nagpapahiwatig ng isang bahay kung saan tinatalian ang mga tupa upang mapadali ang paggugupit sa mga iyon. Sa ilang bersiyon, ang behth-ʽeʹqedh ay isinasalin bilang “bahay-tagpuan,” anupat nagpapahiwatig ng isang bahay-tuluyan kung saan nagtatagpo ang “mga pastol” (ha·ro·ʽimʹ). Sa ibang salin naman, tinutumbasan lamang ng transliterasyon ang pangalang Hebreong ito, anupat itinuturing na ito’y pangalan ng isang bayan. Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang Beit Qad (Bet Qad) na mga 6 na km (3.5 mi) sa SHS ng makabagong Jenin. May ilang imbakang-tubig sa lugar na iyon.