BIHAG
Isang indibiduwal na nasa pagkaalipin, pagkatapon, pagkakakulong, o nasa ilalim ng pagpigil, partikular na, isa na inagaw at tinangay bilang resulta ng digmaan. (Bil 21:1) Noong sinaunang panahon, bukod pa sa binihag na mga alagang hayop, kadalasang kasama sa mga samsam sa digmaan ang taong-bayan ng nalupig na mga lunsod at mga teritoryo. (1Cr 5:21; 2Cr 14:14, 15; Am 4:10) Noong isang pagkakataon, tinangay ang kaban ng tipan bilang kamkam, anupat napakasama ng ibinunga nito sa mga Filisteong bumihag niyaon. (1Sa 4:11–5:12) Noon pa mang panahon ng mga patriyarka ay may mga pagtukoy na sa mga naging bihag; ang unang binanggit sa Bibliya ay si Lot, na iniligtas ni Abraham mula sa mga hukbo ni Kedorlaomer. (Gen 14:14; 31:26; 34:25-29) Sa isang diwa, si Job, bagaman hindi biktima ng digmaan, ay nalagay sa isang “bihag na kalagayan” hanggang noong iligtas siya ni Jehova mula sa kaniyang kahapisan.—Job 42:10.
Nang pumasok na ang mga Israelita upang ariin ang Lupang Pangako, lubusang itinalaga sa pagkawasak ang ilang lunsod, pati na ang mga populasyon ng mga ito, gaya halimbawa ng Jerico, ang unang bunga ng pananakop. (Jos 6:17, 21) Kapag binibihag ng mga Israelita ang ibang mga lunsod na hindi nakatalaga sa pagkawasak, hindi sila pinahihintulutang gahasain ang mga babae gaya ng ginagawa ng mga bansang pagano. Kung nais nilang mapangasawa ang isang babaing bihag, may ilang kahilingan na kailangan munang matugunan.—Pan 5:11; Bil 31:9-19, 26, 27; Deu 21:10-14.
Gayunman, kapag may mga kaaway na bansa na dumarating laban sa mga Israelita, kung minsan ay pinahihintulutan ni Jehova na madalang bihag ang kaniyang bayan kapag hindi sila tapat sa kaniya. (2Cr 21:16, 17; 28:5, 17; 29:9) Ang pinakakilaláng mga halimbawa nito ay noong ikawalo at ikapitong siglo B.C.E., nang libu-libong Israelita ang itinapon bilang mga bihag ng mga Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya at Babilonya. (Tingnan ang PAGKABIHAG.) Inihula nina Ahias at Jeremias ang dumarating na pambansang kasakunaang ito. (1Ha 14:15; Jer 15:2) Nagbabala rin si Moises na ang kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae ay ‘yayaon tungo sa pagkabihag’ bilang parusa sa pagsuway kay Jehova, anupat idinagdag niya na kung magsisisi sila, sa kalaunan ay makababalik ang mga bihag na iyon. (Deu 28:41; 30:3) Patiunang nakita ni Solomon ang pagkabihag na resulta ng kawalang-katapatan, at ipinanalangin niya na palayain nawa ni Jehova ang mga bihag kung magsisisi sila.—1Ha 8:46-52; 2Cr 6:36-39; tingnan din ang 2Cr 30:9; Ezr 9:7.
Lubhang nagkakaiba-iba ang pagtrato sa mga bihag, anupat depende ito sa maraming kalagayan. Kung minsan ay pinahihintulutan silang manatili sa sarili nilang lupain sa kundisyon na magbabayad sila ng tributo at hindi sila maghihimagsik laban sa kanilang bagong panginoon. (Gen 14:1-4; 2Sa 8:5, 6; 2Ha 17:1-4) Kung minsan naman, pinahihintulutan ang nalupig na monarka na patuloy na maghari bilang isang basalyong hari, o kaya ay hinahalinhan siya. (2Ha 23:34; 24:1, 17) Sa ilang pagkakataon, malalaking bilang ng mga bihag ang pinatay, gaya niyaong 10,000 na inihagis mula sa isang malaking bato anupat “silang lahat ay nagkaluray-luray.” (2Cr 25:12) Napakalupit at napakabuktot ng naging pagtrato ng ilang manlulupig sa mga bihag, anupat ibinibitin ang mga ito “sa pamamagitan lamang ng kanilang kamay” (Pan 5:12), pinuputulan ng mga ilong at mga tainga (Eze 23:25), binubulag sa pamamagitan ng nagbabagang mga bakal o dinudukit ang mga mata sa pamamagitan ng mga sibat o mga sundang (Huk 16:21; 1Sa 11:2; Jer 52:11), o ‘nilalaslas ang mga babaing nagdadalang-tao’ ng isang nabihag na bayan. (Am 1:13) Ang sadistikong mga Asiryano, na partikular nang kilala sa kanilang labis-labis na kalupitan, ay inilalarawan sa mga bantayog bilang nagtatali ng kanilang mga bihag at pagkatapos ay binabalatan ang mga ito nang buháy.
Ang mga bihag ay kadalasang kinukuha para sa puwersahang pagtatrabaho (2Sa 12:29-31; 1Cr 20:3), ginagawang mga alipin, o ipinagbibili bilang kalakal (1Sa 30:1, 2; 2Ha 5:2; Isa 14:3, 4). Kadalasan ay natutuwa ang mga manlulupig na pagtali-taliin ang mga bihag sa leeg o sa ulo (ihambing ang Isa 52:2), o igapos ang mga ito sa mga pangaw (2Ha 25:7), at dalhin nang “hubad at nakatapak, at ang mga pigi ay hinubuan,” upang abahin at hiyain ang mga ito.—Isa 20:4.
Ang paglaya at pagbabalik ng mga Judiong bihag ang maligayang tema ng maraming hula. (Isa 49:24, 25; Jer 29:14; 46:27; Eze 39:28; Os 6:11; Joe 3:1; Am 9:14; Zef 3:20) Inasahan din ng salmista ang pagdating ng panahon kapag “tinipong muli ni Jehova ang mga nabihag sa kaniyang bayan.” (Aw 14:7; 53:6; 85:1; 126:1, 4) Marami sa mga hulang ito ang natupad sa maliit na paraan mula noong 537 B.C.E. at pagkatapos nito, nang isang nalabi ng mga bihag na napasailalim ng kontrol ng Imperyo ng Persia ang magsimulang humugos pabalik sa Jerusalem upang muling itayo ang lunsod at ang dakilang templo nito. (Ezr 2:1; 3:8; 8:35; Ne 1:2, 3; 7:6; 8:17) May ilang kaaway ng bayan ni Jehova na partikular na binanggit bilang nakatalaga rin sa pagkabihag, mga bansang gaya ng Babilonya (Isa 46:1, 2; Jer 50:1, 2), Ehipto (Jer 43:11, 12; Eze 30:17, 18), at Moab (Jer 48:46).
Sumipi si Jesus mula sa Isaias 61:1, 2, anupat ikinapit niya ito sa kaniyang sarili bilang isa na isinugo ni Jehova “upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag.” (Luc 4:16-21) Humalaw ang apostol na si Pablo ng mga ilustrasyon mula sa sinaunang kaugalian ng mga manlulupig na pagkuha ng mga bihag. (Efe 4:8; 2Co 10:5) Nakasaad sa huling aklat ng Bibliya ang ganitong simulain: “Kung ang sinuman ay nauukol sa pagkabihag, paroroon siya sa pagkabihag.”—Apo 13:10.