KINERET
1. Isang nakukutaang lunsod ng Neptali. (Jos 19:32, 35) Sa ngayon, ipinapalagay na ito ang Khirbet el-ʽOreimeh (Tel Kinnerot), na nasa isang gulod mahigit 3 km (2 mi) sa TK ng Capernaum kung saan matatanaw ang HK bahagi ng Dagat ng Galilea. Sa mga pader ng templo ng Karnak sa Thebes, Ehipto, makikita ang Kineret sa talaan ng mga Canaanitang lunsod na nilupig ni Thutmose III (na tinatayang naghari noong ika-16 na siglo B.C.E.).
2. Isang distrito o rehiyon ng Israel na sinalakay ng Siryanong si Haring Ben-hadad I dahil sa sulsol ni Haring Asa ng Juda. (mga 962 B.C.E.) (1Ha 15:20; ihambing ang 2Cr 16:4.) Kadalasang ipinapalagay na ang pananalitang “buong Kineret” ay tumutukoy sa matabang Kapatagan ng Genesaret.
3. Sinaunang pangalan ng Dagat ng Galilea. (Bil 34:11) Palibhasa’y sinasabi ng ilan na ang pangalang ito ay nauugnay sa salitang Hebreo para sa alpa (kin·nohrʹ), iminumungkahi nila na ipinangalan ito sa lawang iyon dahil hugis-alpa ang katubigang iyon. Noong nasa lupa si Jesus, ginamit ang mga pangalang Dagat ng Galilea at Dagat ng Tiberias, pati na ang Genesaret, na malamang ay anyong Griego ng pangalang ito.—Luc 5:1; Ju 6:1.
Ang lawang ito ay isa sa mga hangganan ng Lupang Pangako. (Bil 34:11) Bahagi rin ito ng K hangganan ng Amoritang kaharian ni Og. Pagkatapos masakop ng Israel ang Lupang Pangako, napasama ito sa K hangganan ng tribo ni Gad. (Deu 3:16, 17; Jos 13:24-27) Ang “mga disyertong kapatagan [sa Heb., ʽara·vahʹ] sa timog ng Kineret” (Jos 11:2) ay maliwanag na tumutukoy sa seksiyon ng Libis ng Jordan na nasa T ng Dagat ng Galilea, na kilalá bilang Ghor.—Tingnan ang GALILEA, DAGAT NG.