CRISOLITO
Isang dilaw o berdeng semiprecious stone na malinaw o tinatagos ng liwanag at binubuo ng mga silicate ng magnesium at iron. Karaniwan itong matatagpuan sa mga batong-bulkan (gayundin, sa dolomite at ilang uri ng mga batong-apog) sa anyong solido, kristal, o butil-butil. Ang “crisolito” ay mula sa salitang Griego na khry·soʹli·thos, na nangangahulugang “gintong bato,” at waring ganito ang tawag ng ilang sinaunang mga tao sa sari-saring hiyas na kulay dilaw. Matatagpuan sa Ehipto ang de-kalidad na mga kristal ng crisolito.
Kasuwato ng mga tagubilin ni Jehova, ang unang batong inilagay sa ikaapat na hanay ng mga bato sa “pektoral ng paghatol” ni Aaron ay crisolito (sa Heb., tar·shishʹ; sa LXX, khry·soʹli·thos), na kumatawan sa isa sa 12 tribo ng Israel. (Exo 28:2, 15, 20, 21; 39:13) Kasama rin ang crisolito sa mahahalagang bato na nagsilbing “pananamit” ng hari ng Tiro.—Eze 28:12, 13.
Nang tumanggap si Ezekiel ng dalawang magkahiwalay na pangitain may kinalaman sa apat na gulong, napansin niya na ang anyo ng mga gulong ay “tulad ng kisap ng isang crisolito.” (Eze 1:15-21; 10:9) Inihalintulad ng babaing Shulamita ang mga kamay ng kaniyang pastol na mangingibig sa “mga silindrong ginto, na punô ng crisolito.” Marahil ang mga silindrong ginto ay tumutukoy sa mga daliri at ang mga crisolito ay tumutukoy sa mga kuko. (Sol 5:14) Ginamit din ni Daniel ang crisolito nang ilarawan niya ang katawan ng “isang lalaking nadaramtan ng lino” na dumating upang sabihin sa propeta kung ano ang mangyayari sa kaniyang bayan “sa huling bahagi ng mga araw.” (Dan 10:5, 6, 14) Sa pangitain ng apostol na si Juan tungkol sa Bagong Jerusalem, nakita niya na crisolito ang ikapitong pundasyon ng pader ng lunsod at nakalilok doon ang pangalan ng isa sa “labindalawang apostol ng Kordero.”—Apo 21:2, 10, 14, 20; tingnan ang HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO.