DEDAN
1. Isang Cusita sa linya ni Raama. (Gen 10:7; 1Cr 1:9) Lumilitaw na ang kaniyang mga inapo ay nanirahan sa isang bahagi ng Arabia.
2. Isang inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Joksan. (Gen 25:3; 1Cr 1:32) Lumilitaw na ang mga Dedanitang nagmula kay Joksan ay nanirahan sa T at TS ng Lupang Pangako sa rehiyon kung saan pinayaon ni Abraham ang lahat ng kaniyang mga supling kay Ketura.—Gen 25:6.
Yamang ang dalawang Dedanitang pamilya (yaong kay Raama at kay Joksan) ay maliwanag na nanirahan sa mga bahagi ng Arabia, hindi matiyak kung aling Dedan ang tinutukoy kapag lumilitaw ang pangalang ito sa mas huling mga aklat ng Bibliya. Ngunit kung minsan, ang pag-uugnay rito sa ibang Semitikong mga bayan gaya ng Edom, Tema, at Buz ay nagpapahiwatig na ito’y ang Dedan na nagmula kay Joksan. Halimbawa, nakatala ang Dedan bilang nasa isang dulo ng Edom, na ang lupain ay nakatakdang salantain. (Eze 25:13) Ang Dedan, na nasa “disyertong kapatagan,” ay sinabihan ding tumakas mula sa sumasalakay na mga hukbo. Ang mga pulutong ng Dedan ay kailangang maghanap ng matitirahan sa kakahuyan, samantalang ang Tema, na sa teritoryo ng mga ito waring daraan ang mga Dedanita sa pagtakas nila, ay tinatawagang maglaan ng pagkain at inumin bilang panustos para sa mga takas. (Isa 21:11-15; Jer 49:8) Tulad ng Edom, sa dakong huli ay mapipilitan din ang Dedan na uminom mula sa kopa ng alak ng pagngangalit ni Jehova.—Jer 25:15, 21, 23.
Ipinapalagay ng mga iskolar na ang Dedan ay ang oasis ng el-Ula, mga 120 km (75 mi) sa TK ng Taima.
Hindi ipinahihiwatig ng ibang mga pagbanggit sa Dedan kung ang tinutukoy ay Hamitiko o Semitikong mga tao. Halimbawa, binabanggit ang Dedan sa Ezekiel 27:15, 20 bilang nakikipagkalakalan sa Tiro. May-pag-iimbot ding minamasdan ng Dedan ang isinaplanong pandarambong ni Gog ng Magog sa bayan ng Diyos.—Eze 38:13.