DIYABLO
Ibinigay kay Satanas ang makahulugang pangalang ito dahil siya ang pangunahing maninirang-puri at bulaang tagapag-akusa laban kay Jehova, sa Kaniyang tapat na salita, at sa Kaniyang banal na pangalan. Ang Griegong di·aʹbo·los ay nangangahulugang “maninirang-puri.” (Ihambing ang Luc 16:1, kung saan lumilitaw ang kaugnay na pandiwang di·a·balʹlo.)—Tingnan ang SATANAS.
Sa paglipas ng mga siglo, ipinakita ng Diyablo na siya ang pusakal na mananalansang ng Diyos at ng tao. Pinagtalunan nila ni Miguel ang katawan ni Moises (Jud 9); ipinakita niya na mayroon siyang kapangyarihang manilo ng iba (1Ti 3:7; 2Ti 2:26); gumamit siya ng mga taong gaya ng mga lider ng huwad na relihiyon, ni Hudas Iscariote, at ni Bar-Jesus bilang kaniyang mga anak (Ju 8:44; 13:2; Gaw 13:6, 10); naniil siya ng mga tao anupat hindi na sila mapagaling ng mga manggagamot (Gaw 10:38); ipinatapon niya sa bilangguan ang mga matuwid (Apo 2:10); at nakapagpangyari pa nga siya ng di-napapanahong kamatayan (Heb 2:14). Kaya naman, pinapayuhan ang mga Kristiyano na huwag bigyang-dako ang Maninirang-puring ito ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling pukáw sa galit. (Efe 4:27) “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” babala ni Pedro. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”—1Pe 5:8.
Sa orihinal na Kristiyanong Griegong Kasulatan, may iba pang mga teksto kung saan lumilitaw ang salitang di·aʹbo·los ngunit hindi tumutukoy kay Satanas, kaya naman may-kawastuang isinalin ang salitang iyon bilang “maninirang-puri.” Halimbawa, nang tukuyin ni Jesus si Hudas, sinabi niya sa 12, “Ang isa sa inyo ay isang maninirang-puri” (Ju 6:70); ang mga babae sa kongregasyon ay pinag-iingat na huwag manirang-puri (1Ti 3:11; Tit 2:3); bilang isa sa mga katibayan ng “mga huling araw,” “ang mga tao ay magiging . . . mga maninirang-puri.”—2Ti 3:1-5.
Sa kaniyang kautusan sa bansang Israel, ipinagbawal ni Jehova ang paninirang-puri sa isa’t isa. (Lev 19:16) Maraming talata sa buong Bibliya ang nagbabawal din sa gayong maling paggamit ng dila.—2Sa 19:27; Aw 15:3; 101:5; Kaw 11:13; 20:19; 30:10; Jer 6:28; 9:4.