DISTRITO
Ang salitang “distrito” ay tumutukoy sa isang administratibong yunit, isang rehiyon sa palibot ng isang lunsod, o isang rehiyon sa loob ng tiyak na mga hangganan.
Nang organisahin ni Nehemias ang muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem, iniatas niya ang mga seksiyon nito sa mga lider, o mga “prinsipe,” at sa mga tumatahan sa ilang “distrito.” Ang mga distritong ito ay ipinangalan sa pangunahing lunsod ng mga ito, at ang ilan (Jerusalem, Bet-zur, Keila) ay dalawang beses na binanggit. (Ne 3:9, 12, 14-18) Maliwanag na ang mga ito ay mga subdibisyon ng Persianong “nasasakupang distrito,” o “probinsiya,” ng Juda. (Ne 1:3; KJ, RS) Ang salitang Hebreo na tumutukoy sa mga distritong ito (peʹlekh) ay sinasabing hinalaw sa salitang Akkadiano na pilku, nagpapahiwatig marahil na ang mga ito ay itinatag ng mga Babilonyo pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem.—Tingnan ang NASASAKUPANG DISTRITO.
Ang terminong Hebreo na kik·karʹ ay nagpapahiwatig ng isang bagay na bilog. Ginagamit ito upang tumukoy sa isang “tinapay na bilog” (Exo 29:23), isang “pabilog na takip” na tingga (Zac 5:7), isang “talento” na ginto o pilak (Exo 25:39; 1Ha 20:39), at isang halos pabilog na “distrito” o “lunas.”—Gen 13:10, tlb sa Rbi8; Ne 12:28.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang hoʹri·on (laging anyong pangmaramihan) ay literal na tumutukoy sa “mga hangganan” ng isang lugar (Gaw 13:50; Mat 19:1), ngunit maaari rin itong tumukoy sa isang lugar na nakukulong, samakatuwid nga, isang “distrito” o “pook.” (Mat 2:16; 15:22) Ang terminong me·risʹ, na ginamit upang tumukoy sa “distrito” ng Macedonia sa Gawa 16:12, ay literal na nangangahulugang isang “bahagi.”—Ihambing ang Int; Gaw 8:21.