EPICUREO, MGA
Ang mga tagasunod ng Griegong pilosopo na si Epicurus (341-270 B.C.E.).
Sa loob ng pitong siglo, ang pilosopiyang pinasimulan ni Epicurus ay umunlad. Nakasentro ito sa ideya na ang kaluguran ng indibiduwal ang siyang tangi o pangunahing pakinabang sa buhay. Kaya naman ang itinaguyod ni Epicurus ay ang pamumuhay ng isang tao sa paraang tatamasahin niya ang pinakamaraming kaluguran na posibleng matamo habang nabubuhay siya, bagaman dapat niyang gawin iyon nang katamtaman upang maiwasan ang pagdurusang dulot ng pagpapakasasa sa gayong kaluguran. Ang mga kaluguran ng isip ang itinatampok ng pilosopiyang ito sa halip na ang pisikal na mga kaluguran. Dahil dito, ayon kay Epicurus, mas mahalaga kung sino ang kasama ng isang tao sa pagkain kaysa sa kung ano ang kinakain. Ang mga pagnanasang di-kinakailangan, lalo na yaong mga artipisyal lamang, ay dapat supilin. Diumano, ang kaalaman, kultura, at sibilisasyon at maging ang pagsangkot sa panlipunan at makapulitikang mga gawain ay maaaring pumukaw ng mga pagnanasang mahirap bigyang-kasiyahan anupat posibleng makasira sa kapayapaan ng isip ng isang tao; dahil dito, hindi pinasisigla ang pakikibahagi sa mga iyon. Dapat sikaping matamo ang kaalaman ngunit sa layunin lamang na maiwaksi ang mga relihiyosong pagkatakot at mga pamahiin, anupat ang dalawang pangunahing takot na kailangang alisin ay ang pagkatakot sa mga diyos at sa kamatayan. Palibhasa’y minalas ni Epicurus ang pag-aasawa at ang mga bagay na kaakibat nito bilang banta sa kapayapaan ng isip, nanatili siyang walang asawa, ngunit hindi niya iginiit sa kaniyang mga tagasunod ang restriksiyong ito.
Isang kilaláng katangian ng pilosopiyang ito ang hindi pagsunod sa anumang simulain. Tinutulan ang paglabag sa batas dahil lamang sa kahihiyang dulot ng pagkahuli at sa parusa na maaari nitong ibunga. Ang pagkatakot na mabisto o maparusahan ay makababawas sa kaluguran, kaya naman kahit ang lihim na paggawa ng masama ay itinuring na hindi katalinuhan. Para sa mga Epicureo, ang kagalingan sa ganang sarili nito ay walang halaga at kapaki-pakinabang lamang kung ito ang paraan upang matamo ang kaligayahan. Inirerekomenda ang paggawa ng mabuti sa isa’t isa, hindi dahil sa ito ay tama at marangal, kundi dahil sa benepisyong makukuha mula rito. Ito rin ang mapag-imbot na saligan ng pakikipagkaibigan, samakatuwid nga, ang kalugurang idudulot nito sa nakikipagkaibigan. Bagaman ang paghahanap ng kaluguran ang pinakasentro ng pilosopiyang ito, isang kabalintunaan na tinukoy ni Epicurus ang buhay bilang isang “mapait na kaloob.”
Naniniwala ang mga Epicureo na may mga diyos, ngunit diumano’y ang mga ito, gaya ng lahat ng iba pang bagay, ay gawa sa mga atomo, bagaman binubuo ng mas pinong substansiya. Ipinapalagay nila na ang mga diyos ay napakalayo sa lupa anupat walang anumang interes ang mga ito sa ginagawa ng tao; kaya walang anumang kabuluhan ang pananalangin at ang paghahain sa kanila. Naniniwala sila na hindi ang mga diyos ang lumalang sa uniberso, ni ang mga ito man ay naglalapat ng parusa o naggagawad ng mga pagpapala kaninuman, ngunit ang mga ito ay maligayang-maligaya, at ito ang tunguhing dapat pagsikapang abutin habang ang isa’y nabubuhay. Gayunman, ipinangangatuwiran ng mga Epicureo na ang mga diyos ay wala sa kalagayang tulungan ang sinuman sa gayong pagsisikap, na ang buhay ay di-sinasadyang umiral sa isang uniberso na kusang sumulpot din, at na ang lahat ng bagay ay nagwawakas sa kamatayan, anupat napalalaya ang indibiduwal mula sa buhay na parang isang bangungot. Bagaman naniniwala sila na may kaluluwa ang tao, ipinapalagay nilang ang kaluluwa ay binubuo ng mga atomo na naglalaho kapag namatay ang katawan, kung paanong tumatapon ang tubig kapag nabasag ang pitsel na kinalalagyan nito.
Sa liwanag ng mga nabanggit, mauunawaan natin kung bakit kabilang ang mga pilosopong Epicureo sa mga nakipag-usap kay Pablo nang may pakikipagtalo sa pamilihan sa Atenas at kung bakit nila nasabi: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” “Siya ay waring isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.” (Gaw 17:17, 18) Ang pilosopiya ng mga Epicureo, lakip na ang ideya nito na “kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo,” ay kasalungat ng pag-asa sa pagkabuhay-muli na itinuturo ng mga Kristiyano sa kanilang ministeryo.—1Co 15:32.