EZEKIEL, AKLAT NG
Taglay ng kamangha-manghang aklat na ito ang pangalan ng propeta na sumulat nito. Maaaring natapos ni Ezekiel na anak ni Buzi, isang saserdote, ang pagsulat ng aklat na ito sa Babilonia noong mga taóng 591 B.C.E. Sumasaklaw ito sa isang yugto na mga 22 taon, mula 613 hanggang mga 591 B.C.E.—Eze 1:1-3; 29:17.
Natatangi ang aklat ng Ezekiel dahil sa mga pangitain, mga simili, at mga alegoriya, o mga talinghaga, at lalo na dahil sa makasagisag na mga pagkilos, gaya noong sabihin ng Diyos kay Ezekiel na ililok niya sa isang laryo ang larawan ng Jerusalem at pagkatapos ay magsagawa siya ng kunwa-kunwariang pagkubkob laban doon bilang isang tanda sa Israel. (Eze 4:1-17) Ang iba pang makasagisag na mga pagkilos ay ang paglalapat ng dalawang patpat sa isa’t isa, na kumakatawan sa dalawang sambahayan ng Israel (37:15-23), at ang pag-uka ni Ezekiel ng butas sa pader at paglabas dito bitbit ang kaniyang dala-dalahan, na kumakatawan sa pagkabihag ng Jerusalem. (12:3-13) Ang ilustrasyon tungkol kina Ohola at Oholiba ay isa sa matitingkad na alegoriya ng aklat. (Kab 23) Ang isa pang katangi-tangi sa aklat ng Ezekiel ay ang napakaingat na pagpepetsa ni Ezekiel sa kaniyang mga hula, anupat ibinigay niya hindi lamang ang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin kundi pati ang buwan at araw ng buwan.—1:1, 2; 29:1; 30:20; 31:1; 32:1; 40:1.
Autentisidad. Isang patotoo sa autentisidad ng aklat ang katuparan ng mga hula nito. (Para sa mga halimbawa, tingnan ang AMMONITA, MGA; EDOM, MGA EDOMITA; TIRO.) Pinatutunayan din ng arkeolohiya ang autentisidad ng aklat. Ang kilaláng Amerikanong arkeologo na si W. F. Albright ay sumulat: “Naipakita na ng arkeolohikal na mga datos ang ganap na pagkaorihinal ng mga Aklat ng Jeremias at Ezekiel, Ezra at Nehemias, nang walang pag-aalinlangan; napatunayan na ng mga ito ang tradisyonal na larawan ng mga pangyayari, pati ang pagkakasunud-sunod ng mga iyon.”—The Bible After Twenty Years of Archeology (1932-1952), 1954, p. 547.
Ang autentisidad ng aklat ng Ezekiel ay sinusuportahan ng pagiging kasuwato nito sa ibang mga aklat ng Bibliya. Bagaman hindi ito tuwirang sinipi o tinukoy ng alinman sa mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, malimit naman ang pagtukoy nang di-tuwiran sa ilan sa mga pananalita nito at ang paggamit ng kahawig na mga ekspresyon. Binanggit ni Ezekiel at ni Jesus ang tungkol sa pagkatuyo ng isang sariwang punungkahoy. (Eze 17:24; Luc 23:31) Kapuwa sila may binanggit na paghatol sa mga tao bilang mga tupa at mga kambing. (Eze 34:17; Mat 25:32, 33) Ang aklat ng Apocalipsis ay gumamit ng maraming ilustrasyon na kahawig niyaong mga nasa Ezekiel.—Paghambingin ang Eze 1:28 at Apo 4:3; Eze 10:3, 4 at Apo 15:8; Eze 12:25 at Apo 10:6; Eze 37:10 at Apo 11:11.
Mapapansin na kabilang sa mga papiro ng Griegong Bibliya ni Chester Beatty ang isang codex na naglalaman ng Ezekiel, Daniel, at Esther, bukod sa iba pang mga bahagi ng Bibliya. Ang mga ito ay pawang nasa iisang codex, anupat malamang na orihinal na binubuo ng 118 pilyego. Iyon ay isang kopya na isinulat ng dalawang eskriba, malamang na noong unang kalahatian ng ikatlong siglo, anupat nagpapahiwatig ng ganap na katumpakan ng aklat ng Ezekiel na nakarating sa atin.
Yamang magkapanahon sina Jeremias at Ezekiel, maraming bagay sa kanilang mga hula ang magkatulad. (Paghambingin ang Eze 18:2 at Jer 31:29; Eze 24:3 at Jer 1:13; Eze 34:2 at Jer 23:1.) Sina Daniel at Ezekiel, na magkapanahon din, ay gumamit ng magkahawig na mga pananalita sa kanilang mga isinulat. Samantalang nakagapos ng mga panali, si Ezekiel ay humula tungkol sa kaharian ng Juda at nagtakda ng “isang araw para sa isang taon,” anupat ang bawat araw sa hula ay katumbas ng isang taon sa katuparan nito. (Eze 4:4-8) May binanggit si Daniel na isang binigkisang tuod ng punungkahoy, na isang hula may kinalaman sa Kaharian, at espesipiko niyang sinabi ang yugto ng panahong lilipas hanggang sa pag-aalis ng mga bigkis. (Dan 4:23) Ang isa pang hula ni Daniel tungkol sa panahon ay ang 70 sanlinggo may kaugnayan sa pagdating ng Mesiyas na Lider, na gumamit din ng isang araw upang sumagisag sa isang taon sa katuparan nito.—Dan 9:24-27.
Pagkakaayos ng Nilalaman. Sa kalakhang bahagi, ang mga hula at mga pangitain ni Ezekiel ay isinaayos sa kronolohikal na paraan at ayon sa paksa. Ang apat na talata ng kabanata 29:17-20 ay hindi nakalagay sa tamang kronolohikal na pagkakasunud-sunod (ihambing ang Eze 29:1; 30:20), ngunit kung tungkol sa paksa, angkop na kasama ang mga ito ng hula laban sa Ehipto. Hanggang noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng unang pagkatapon, ang mga hula ni Ezekiel ay umiikot sa lubusang pagbagsak at pagkatiwangwang ng Jerusalem, anupat maiikli lamang ang mga pagtukoy sa pagsasauli. Gayon ang tema ng unang 24 na kabanata. Noong panahon ng pagkubkob sa Jerusalem, ibinaling ng propeta ang kaniyang pansin pangunahin na sa pagpapahayag ng mga kaabahan laban sa mga bansang pagano na inihula ng Diyos na Jehova na magsasaya dahil sa pagbagsak ng Jerusalem. Pagkarating ng balita na bumagsak na ang Jerusalem, ipinatalastas ng propeta ang maluwalhating mensahe ng pagsasauli, na isang nangingibabaw na tema sa natitirang bahagi ng aklat.—33:20, 21.
Isiniwalat ng aklat ng Ezekiel na ang huwad na relihiyon ng Babilonya ay nakapasok sa bakuran ng templo ni Jehova, partikular na sa anyo ng pagsamba sa diyos ng Babilonya na si Tamuz. (Eze 8:13, 14) Bukod sa gayong karima-rimarim na huwad na pagsamba doon sa mismong templo ni Jehova, pinunô ng karahasan ng mga apostatang Judio ang lupain ng Juda. Samakatuwid, hindi kataka-taka na sa kaniyang pangitain ay narinig ni Ezekiel ang panawagan sa mga tagapuksa ni Jehova upang pumaroon na dala ang kanilang mga sandatang pandurog at tumayo sa tabi ng altar sa pinakaloob na looban ng templo. Pagkatapos ay inutusan sila ni Jehova na libutin ang di-tapat na Jerusalem at patayin ang lahat ng walang marka ng pagiging mananamba ni Jehova: “Ang matandang lalaki, binata at dalaga at maliit na bata at mga babae ay patayin ninyo—hanggang sa malipol. Ngunit sa sinumang taong may marka ay huwag kayong lumapit, at sa aking santuwaryo kayo magsimula.” (9:6) Iniulat ni Ezekiel na unang pinatay ng mga tagapuksa ni Jehova ang 70 matatandang lalaki na sumasamba sa idolatrosong mga ukit sa pader ng isang silid sa pinakaloob na looban. Pinatay rin ang lahat ng mga babae na nakaupo sa may pintuang-daan, na tumatangis para sa diyos ng Babilonya na si Tamuz, at ang sumasamba-sa-araw na mga apostata na nasa beranda ng templo. (8:7–9:8) Ang pangitain ni Ezekiel ay isa lamang patiunang pagpapaaninaw ng kung ano ang malapit nang sapitin ng Jerusalem kapag ipinainom sa kaniya ni Jehova ang kopa ng alak ng Kaniyang pagngangalit mula sa Kaniyang kamay sa pamamagitan ng Kaniyang tagapuksang lingkod, si Haring Nabucodonosor (Nabucodorosor), at ng mga hukbo nito.—Jer 25:9, 15-18.
Ang mga hula ni Ezekiel hinggil sa pagsasauli ay tiyak na nakaaliw sa itinapong mga Judio. Noong ika-25 taon ng kaniyang pagkatapon (593 B.C.E.), si Ezekiel ay nagkaroon ng isang kamangha-manghang pangitain ng isang bagong templo ni Jehova, na ang parisan ay nanggaling sa Diyos na Jehova mismo, at ng isang karatig na lunsod na tinatawag na Jehova-Shamah, nangangahulugang “Si Jehova Mismo ay Naroroon.” (Eze 40:1–48:35) Sa gitna ng isang lupain ng paganong idolatriya, pinatibay nito ang pag-asa ng nagsisising mga Judiong tapon na muling makasamba sa tunay na Diyos na si Jehova sa kaniyang templo.
Idiniriin ng hula ni Ezekiel ang tema ng Bibliya, ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Itinatawag-pansin nito na bagaman pahihintulutan ng Diyos na mabakante nang mahabang panahon ang trono ni David, hindi pababayaan ng Diyos ang kaniyang tipan kay David ukol sa isang kaharian. Ang Kaharian ay ibibigay sa Isa na may legal na karapatan. Sa gayon ay inakay ni Ezekiel ang mga Judio, gaya ng ginawa ni Daniel, sa pag-asa hinggil sa Mesiyas. (Eze 21:27; 37:22, 24, 25) Pinangyari ni Jehova na sabihin ni Ezekiel nang mahigit sa 60 ulit na ‘makikilala ng mga tao na ako ay si Jehova.’ Dinadakila ni Ezekiel ang pinakaalaalang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng pananalitang “Soberanong Panginoong Jehova” nang 217 ulit.—Eze 2:4, tlb sa Rbi8.
[Kahon sa pahina 760]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG EZEKIEL
Mga hula may kinalaman sa pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng Babilonya at sa pagsasauli sa isang tapat na nalabi. Ang isang pangunahing tema ay na “makikilala [ng mga tao] na ako ay si Jehova”
Isinulat sa Babilonya—ang kalakhang bahagi ay sa loob ng anim na taon bago wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ang ilang bahagi ay noon lamang mga 591 B.C.E.
Inatasan ni Jehova si Ezekiel (noon ay isang tapon sa Babilonia) bilang bantay (1:1–3:27)
Binigyan siya ng kasindak-sindak na pangitain ng kaluwalhatian ni Jehova, kung saan nakakita rin siya ng mga kerubin na may apat na mukha at nasa tabi ng mga gulong na ang mga gilid ay punô ng mga mata
Maselan na pananagutan bilang bantay
Mga babalang hula laban sa di-tapat na Juda at Jerusalem (4:1–24:27)
Tinagubilinan si Ezekiel na isadula ang dumarating na pagkubkob sa Jerusalem sa pamamagitan ng paghiga nang nakaharap sa isang nililukang laryo nang 390 araw sa kaliwang tagiliran niya at 40 araw naman sa kaniyang kanang tagiliran, samantalang may panustos na kaunting pagkain at tubig
Ititiwangwang ang lupain, kasama ang mga lugar na ginagamit sa idolatriya; ang di-tapat na bayan ay malilipol, ngunit isang nalabi ang makaliligtas; hindi makapaglalaan ng pagtakas ang ginto at pilak
Dahil sa idolatrosong mga gawain na isinasagawa sa bakuran ng templo, ipinasiya ni Jehova na ipahayag ang kaniyang pagngangalit, anupat hindi siya mahahabag; tanging yaong mga minarkahan ng kalihim na nadaramtan ng lino ang ililigtas
Ang pagtakas ni Haring Zedekias at ng bayan ay inilarawan ng paglalabas ni Ezekiel ng dala-dalahan samantalang dumaraan sa butas na inuka sa pader
Ang kahatulan ni Jehova laban sa huwad na mga propeta at mga propetisa
Ang bugtong tungkol sa agila at punong-ubas ay nagpahiwatig ng masasaklap na kahihinatnan sapagkat sa Ehipto humingi ng tulong ang bayan
Ang kahatulan ni Jehova ay ayon sa pagkilos ng indibiduwal, hindi dahil sa mga kasalanan ng mga ama gaya ng may-kamaliang inaangkin
Ang korona ng balakyot na si Zedekias ay aalisin, at ang maharlikang pamamahala ng linya ni David ay mapuputol hanggang sa dumating ang Isa na may legal na karapatan
Ang di-tapat na Samaria at Jerusalem ay inilarawan bilang dalawang patutot, sina Ohola at Oholiba; ang Jerusalem ay pakikitunguhan nang may kalupitan ng kaniyang dating mga mangingibig
Ang kinubkob na Jerusalem ay inihambing sa pinainit na palayok, at ang mga tumatahan naman doon ay sa karne na nasa loob nito
Mga hula laban sa nakapalibot na mga bansa, na ang ilan ay inihula ni Jehova na magsasaya dahil sa pagbagsak ng Jerusalem (25:1–32:32)
Ang Ammon, Moab, Edom, at Filistia ay ititiwangwang
Ang Tiro ay kukubkubin ni Nabucodonosor at sa kalaunan ay magiging isang tiwangwang na dako; inihalintulad ang pagkawasak nito sa paglubog ng isang mainam na barko kasama ang kargamento nito; magwawakas ang dinastiya ng Tiro dahil sa pagmamataas at kataksilan nito
Ang Ehipto ay sasamsaman ni Nabucodonosor bilang kabayaran sa kaniyang mga paglilingkod bilang tagapaglapat ng kahatulan ng Diyos laban sa Tiro; si Paraon at ang kaniyang pulutong ay inihambing sa isang sedro na puputulin
Mga hula ng pagliligtas at pagsasauli sa bayan ng Diyos (33:1–48:35)
Muling titipunin ni Jehova ang kaniyang bayan, na kaniyang mga tupa, at ibabangon niya ang kaniyang lingkod na si David bilang pastol sa kanila
Ang Edom ay ititiwangwang, ngunit ang lupain ng Israel ay mamumukadkad na tulad ng hardin ng Eden
Samantalang mga tapon sa Babilonya, ang mga Israelita ay katulad ng tuyo at walang-buhay na mga buto, ngunit sila’y bubuhaying-muli
Ang pagsasanib ng dalawang patpat, ang isa’y kumakatawan kay Jose at ang isa nama’y kay Juda, ay naglarawan sa pagsasauli sa itinapong bayan tungo sa pagkakaisa sa ilalim ng lingkod ng Diyos na si David
Ang isinauling bayan ni Jehova ay sasalakayin ni Gog, ngunit nangako si Jehova na ipagsasanggalang niya sila at pupuksain niya ang mga hukbo ni Gog
Si Ezekiel ay binigyan ng pangitain ng isang templo at ng mga bahagi nito; may isang ilog na umaagos mula sa templo patungo sa Dagat na Patay, kung saan gumaling ang tubig at nagkaroon ng isang industriya ng pangingisda; ang mga punungkahoy sa mga pampang ng ilog ay may mga bungang nakakain at mga dahong nakapagpapagaling
Binalangkas ang mga atas na lupain; inilarawan ang lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon”