MAGAGANDANG DAUNGAN
[Maiinam na Daungan].
Isang daungang malapit sa lunsod ng Lasea na iniuugnay sa look na nasa T na baybayin ng Creta at may gayon pa ring pangalan sa makabagong Griego, Kaloi Limniones. (Gaw 27:7, 8) Ang look na ito ay mga 8 km (5 mi) sa S ng Cape Matala (Akra Lithinon), ang pinakatimugang dako ng Creta.
Noong mga 58 C.E. naglayag ang apostol na si Pablo, bilang isang bilanggo, mula sa Mira (sa timugang baybayin ng Asia Minor) na dumaraan sa Cinido patungong Roma. Ang mas direktang ruta mula sa Cinido patungong Roma ay sa dakong H ng Creta. Ngunit maliwanag na dahil sa pasalungat ng hangin, malamang ay mula sa HK, napilitan ang mga marinero na maglakbay nang patimog mula sa Cinido patungong Creta at pagkatapos ay maglayag na nanganganlong sa T na baybayin ng pulo, anupat sa wakas ay dumating sa Magagandang Daungan nang may kahirapan.—Gaw 27:5-8.
Nang isaalang-alang nila na lumisan sa Magagandang Daungan, “mahabang panahon na ang lumipas,” marahil dahil sa paghihintay roon upang humupa ang hangin o dahil sa mabagal at mahirap na paglalakbay. Tapos na noon ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala (huling bahagi ng Setyembre o maagang bahagi ng Oktubre), kung kaya ang paglalayag ay mapanganib.—Gaw 27:9.
Palibhasa’y madalas siyang napasa mga panganib sa dagat at personal nang nakaranas ng hindi kukulangin sa tatlong pagkawasak ng barko (2Co 11:25, 26), may-katalinuhang inirekomenda ni Pablo na magpalipas ng taglamig ang barko sa Magagandang Daungan. (Hindi isiniwalat sa ulat kung ang payo niya nang pagkakataong iyon ay kinasihan.) Gayunman, ang opisyal ng hukbo, maliwanag na siyang may kontrol sa mga bagay-bagay, ay mas nakinig sa payo ng piloto at ng may-ari ng barko. Ang Magagandang Daungan ay “di-kumbinyente” para doon magpalipas ng taglamig; kaya ipinayo ng karamihan na lumisan mula roon, at ang mga marinero ay lumayag patungo sa Fenix sa mas dako pa roon ng baybayin. Ang hanging T na marahang humihihip ay mapanlinlang. Hindi nagtagal, ang barko ay napanaigan ng maunos na hangin at nang bandang huli ay nawasak sa baybayin ng Malta, mga 900 km (560 mi) sa dakong K.—Gaw 27:9-15, 39-41; 28:1.
May kinalaman sa ulat na ito sa Mga Gawa, si James Smith ay sumulat: “Kapansin-pansin kung paanong ang bawat karagdagan sa ating kaalaman tungkol sa tagpo ng salaysay ay nagpapatibay sa pagiging tunay at tumpak nito. Lumilitaw ngayon, mula sa obserbasyon ni G. Brown at sa huling mga surbey, na ang Magagandang Daungan ay lubhang naipagsasanggalang ng mga pulo, na bagaman hindi ito maitutumbas sa Lutro [ipinapalagay na ang Fenix], malamang na isa itong napakainam na daungang pantaglamig; at kung isasaalang-alang ang pagiging pabugsu-bugso, ang pagiging malimit, at ang pagiging mapaminsala ng malalakas na hanging hilagaan, at ang katiyakan na, kapag dumating ang gayong malakas na hangin sa daanang mula sa Magagandang Daungan patungong Lutro, ay malamang na maipadpad sa laot ang barko, ang katalinuhan ng payo na ibinigay ng amo at may-ari ay lubhang kuwestiyunable, at na ang payong ibinigay ni San Pablo ay malamang na suportado maging ng mga prinsipyo sa paglalayag.”—The Voyage and Shipwreck of St. Paul, London, 1866, p. 85, tlb.