KAPISTAHAN NG PAGPAPATUNOG NG TRUMPETA
Ang kapistahang ito ay ginaganap sa unang araw (o bagong buwan [new moon]) ng ikapitong buwan, ang Etanim (Tisri). Ito ang pasimula ng sekular na taon ng mga Judio. Mas mahalaga ito kaysa sa Kapistahan ng Bagong Buwan na idinaraos sa 11 iba pang buwan. Hinggil sa Kapistahan ng Pagpapatunog ng Trumpeta, idinagdag ang utos na dapat itong italaga bilang isang araw ng banal na kombensiyon, kung kailan hindi dapat gumawa ng anumang uri ng mabigat na gawain.
Ang pangalan ng kapistahan ay kinuha sa utos na: “Magkakaroon kayo ng lubusang kapahingahan, isang tagapagpaalaala na may tunog ng trumpeta.” “Iyon ay magiging isang araw ng pagpapatunog ng trumpeta para sa inyo.” Sa araw na ito, inihahandog ang mga hain na isang guyang toro, isang barakong tupa, at pitong malulusog na lalaking kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama ang isang handog na mga butil mula sa mainam na harina na nilagyan ng langis, gayundin ang isang batang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. Karagdagan ito sa palagiang pang-araw-araw na mga handog at sa mga hain na pantanging inihahandog sa mga araw ng bagong buwan.—Lev 23:24; Bil 29:1-6.
Sabihin pa, mahalaga ang kapistahang ito hindi lamang dahil pasimula ito ng unang buwan ng isang bagong taon ng agrikultura at paggawa, kundi dahil ang Araw ng Pagbabayad-Sala ay pumapatak sa ika-10 araw ng buwang ito at ang Kapistahan ng mga Kubol naman ay nagsisimula sa ika-15 araw. Sa buwang ito nagwawakas ang kalakhang bahagi ng pagtitipon sa ani ng katatapos na taon. Kabilang sa mga inaani sa buwang ito ang mga ubas para sa alak, na nagpapasaya sa puso ng tao, at ang mga olibo, na pinagmumulan ng pagkain at pati ng langis na ginagamit sa mga ilawan at sa maraming handog na mga butil. (Aw 104:15) Tunay ngang inihuhudyat ng kapistahang ito ang pasimula ng isang buwan ng pagpapasalamat kay Jehova.