PINGKIAN, BATONG
Isang napakatigas na bato, mas matigas pa kaysa sa bakal, napakatigas nito anupat kapag pinagkiskis ang dalawang piraso nito ay makapagpapaningas ng apoy mula sa siklab ng mga iyon. Sa mga tayutay, binabanggit ng Bibliya ang batong pingkian kapag idiniriin nito ang mga katangiang gaya ng katigasan, tibay, at katatagan sa pagsalansang.—Isa 5:28; 50:7; Eze 3:9.
Ang batong pingkian ay matatagpuan sa mga deposito ng batong-apog at yeso sa Israel at sa hilagang Peninsula ng Sinai. Napakalutong nito at kapag nabasag ay makintab ang mga bahaging nabiyak. Napakatalim ng mga gilid ng basag na mga piraso nito, isang katangian na kaagad napansin at ginamit ng tao. Mula pa noong sinaunang mga panahon, ang mga kutsilyo, talim ng palakol, pait, tulis ng sibat, ulo ng palaso, at iba pang mga kasangkapan at mga sandata ay hinubog mula sa batong ito. Isang batong pingkian ang ginamit ng asawa ni Moises nang tuliin niya ang kaniyang anak; nang makarating sa Gilgal ang Israel, matagumpay na naisagawa ang katulad na pagtutuli gamit ang mga kutsilyong yari sa batong pingkian. (Exo 4:25; Jos 4:19; 5:2, 3, 8, 9) Nagpabukal naman si Jehova ng tubig mula sa batong pingkian para sa kaniyang bayan sa ilang.—Deu 8:15; Aw 114:8.