Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Galacia”
  • Galacia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Galacia
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Galacia
    Glosari
  • Galacia, Liham sa mga Taga-
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 1
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Listra
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Galacia”

GALACIA

Ang Romanong probinsiya na nasa gitnang bahagi ng kilala sa ngayon bilang Asia Minor. Kahangga nito ang iba pang mga Romanong probinsiya​—isang bahagi ng Capadocia sa S, Bitinia at Ponto sa H, Asia sa K, at Pamfilia sa T. (1Pe 1:1) Ang gitnang matalampas na rehiyong ito ay nasa pagitan ng Kabundukan ng Taurus sa T at ng kabundukan ng Paphlagonia sa H. Nasa hilaga at gitnang bahagi nito ang lunsod ng Ancyra, tinatawag ngayong Ankara, ang kabisera ng Turkey. At sa lugar na ito umaagos ang gitnang bahagi ng Ilog Halys (ang makabagong Kizil Irmak) at ang mataas na Ilog Sangarius (Sakarya) na kapuwa bumubuhos sa Dagat na Itim. Ang kasaysayan ng rehiyong ito (400 o higit pang mga taon, mula noong ikatlong siglo B.C.E. pasulong) ay nagpapakita na nagkaroon ng maraming pagbabago sa mga hangganan at pulitikal na mga pakikianib ng estratehikong lugar na ito.

Lumilitaw na noong mga 278-277 B.C.E., malaking bilang ng mga taong Indo-Europeo na kilala bilang mga Celt, o Galli, mula sa Gaul, na tinawag ng mga Griego na Ga·laʹtai (dito nanggaling ang pangalan ng rehiyong ito), ang lumipat sa kabilang ibayo ng Bosporus at namayan doon. Dinala nila ang kanilang mga asawa at mga anak at lumilitaw na umiwas silang makipag-asawa sa mga taong naroroon na, anupat sa ganitong paraan ay napanatili nila ang mga katangian ng kanilang lahi sa loob ng maraming siglo. Ang kanilang huling hari, si Amyntas, ay namatay noong 25 B.C.E., at noong panahon ng kaniyang paghahari bilang sunud-sunuran sa Imperyo ng Roma at pagkatapos nito pinalawak ang lugar na tinawag na Galacia upang sumaklaw sa mga bahagi ng Licaonia, Pisidia, Paphlagonia, Ponto, at Frigia. Ito ang pinalawak na Galacia na dinalaw ng apostol na si Pablo at ng iba pang mga Kristiyanong nag-eebanghelyo noong unang siglo C.E. at dito ay nakasumpong sila ng mga taong sabik na maorganisa sa mga kongregasyong Kristiyano.​—Gaw 18:23; 1Co 16:1.

Kapuwa sina Pablo at Pedro ay sumulat ng mga liham sa mga kongregasyong Kristiyano na nasa probinsiya ng Galacia. (Gal 1:1, 2; 1Pe 1:1) Hindi binanggit kung ito rin ang mga kongregasyon na itinatag nina Pablo at Bernabe. Sa paghayong iyon sa Galacia, dinalaw nina Pablo at Bernabe ang mga lunsod ng Galacia gaya ng Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe (Gaw 13:14, 51; 14:1, 5, 6), at nang bumalik sila sa mga kapatid sa Antioquia ng Sirya, inilahad nila kung paanong sa mga ito at sa iba pang lugar ay ‘binuksan ng Diyos sa mga bansa ang pinto tungo sa pananampalataya.’ (Gaw 14:27) Lubhang di-pangkaraniwan ang isang karanasan nila sa Listra. Pinagaling ni Pablo ang isang lalaking lumpo na kailanman ay hindi pa nakalakad sa buong buhay nito, at biglang nagsigawan ang mga pulutong sa kanilang katutubong wikang Licaonia: “Ang mga diyos ay naging tulad ng mga tao at bumaba sa atin!” Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus at si Pablo naman ay inakala nilang si Hermes. Halos walang magawa sina Pablo at Bernabe upang pigilan ang sabik na mga pulutong sa paghahandog ng mga hain sa kanila na parang bang sila ay mga diyos.​—Gaw 14:8-18.

Ang mga binhi ng Kristiyanismo na inihasik sa mga taga-Galacia ay nagluwal ng mabubuting bunga. Mula sa kanila nanggaling ang mga alagad na tulad nina Timoteo at Gayo. (Gaw 16:1; 20:4) Nagbigay si Pablo ng mga tagubilin sa mga kongregasyon sa Galacia kung paano magtatabi ng mga abuloy para sa dukha at nagdarahop na mga lingkod ng Panginoon.​—1Co 16:1, 2; Gal 2:10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share