PAGKABUKAS-PALAD
Ang marangal at mapagmahal na pagnanais na pagpalain ang iba sa pamamagitan ng pagbibigay nang sagana at bukal sa loob. Ang salitang Hebreo na na·dhivʹ, isinasalin bilang “bukas-palad” sa Isaias 32:8, ay isinasalin din bilang ‘nagkukusa’ at ‘taong mahal.’ (Aw 51:12; Bil 21:18, tlb sa Rbi8) Ang pangngalang Griego na ha·ploʹtes (“pagkabukas-palad” [2Co 8:2; 9:11]; “pagkamapagbigay” [Ro 12:8]; “kataimtiman” [Efe 6:5]) ay may pangunahing kahulugan na “kasimplihan.” (2Co 11:3, Int) Si Jehova ang personipikasyon ng pagkabukas-palad, ang Isa na lubusang naglalaan ng lahat ng pangangailangan ng kaniyang masunuring mga nilalang “ayon sa kaniyang kalooban.” (1Ju 5:14; Fil 4:19) Sa kaniya nagmumula ang bawat mabuting kaloob at sakdal na regalo, kabilang na ang di-materyal na kaloob gaya ng karunungan.—San 1:5, 17.
Hinimok ni Moises ang kaniyang mga kapuwa Israelita na linangin ang makadiyos na katangiang ito ng pagkabukas-palad, kahit sa pagpapautang na may panagot. “Huwag mong patitigasin ang iyong puso o pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid. Sapagkat dapat mong buksan nang lubusan ang iyong kamay sa kaniya . . . Dapat ka ngang magbigay sa kaniya, at ang iyong puso ay hindi dapat maging maramot sa pagbibigay mo sa kaniya . . . Iyan ang dahilan kung bakit ko iniuutos sa iyo, na sinasabi, ‘Dapat mong buksan nang lubusan ang iyong kamay sa iyong napipighati at dukhang kapatid sa iyong lupain.’”—Deu 15:7-11.
Sinasabi ng kawikaan: “Ang kaluluwang bukas-palad [sa literal, ang kaluluwang may kaloob na pagpapala] ay patatabain [pasasaganain], at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.” (Kaw 11:25) Ipinahayag naman ito ni Jesu-Kristo sa ganitong paraan: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gaw 20:35) Sinabi rin niya: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”—Luc 6:38.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Ang bantog na katotohanang ito ay ipinahayag din ng apostol na si Pablo sa ibang paraan: “Siya na naghahasik nang kaunti ay mag-aani rin nang kaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.” Yamang totoo ito, ang apostol ay nangatuwiran, “gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2Co 9:6, 7) Nagpatuloy si Pablo sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa dakilang halimbawa ng pagkabukas-palad ni Jehova hindi lamang sa Kaniyang saganang paglalaan ng binhi sa manghahasik at ng tinapay na makakain kundi pati sa pagpapayaman Niya sa mga kapatid sa Corinto “ukol sa bawat uri ng pagkabukas-palad,” upang maging bukas-palad naman sila sa iba. Sinabi ni Pablo na ang gayong mga tanda ng pagkabukas-palad ay nagbubunga ng “kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos.”—2Co 9:8-13.
Bilang pagpapasigla sa ganito ring makadiyos na pagkabukas-palad, sumulat si Pablo sa mga taga-Roma (12:8): “Siya na namamahagi, gawin niya iyon nang may pagkamapagbigay.” Sa mga Hebreo (13:16) naman ay sumulat siya: “Bukod diyan, huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Ang mga kongregasyon sa Macedonia ay naging namumukod-tanging mga halimbawa ng bukas-palad na pagbibigay. Dahil may-kagalakan silang nagbigay nang “higit pa nga sa kanilang talagang kakayahan,” anupat nag-abuloy sila mula sa kanilang karalitaan, ‘ang kayamanan ng kanilang pagkabukas-palad ay pinasagana.’—2Co 8:1-4.
Pansinin na ang mga kasulatang ito tungkol sa pagkabukas-palad at pagkamapagbigay ay hindi salungat o lihis sa ibang mga kasulatan na humahatol sa mga walang utang na loob, mga batugan, at mga tamad. Halimbawa, ang tamad na ayaw mag-araro kapag malamig ang panahon ay hindi karapat-dapat tumanggap ng anuman kapag namamalimos siya sa panahon ng pag-aani; siya na tumatangging magtrabaho ay walang karapatan sa pagkabukas-palad ng iba. (Kaw 20:4; 2Te 3:10) Noon, ang mga babaing balo ay hindi inilalagay sa talaan ng mga bibigyan ng tulong malibang kuwalipikado sila. (1Ti 5:9, 10) Ang mga abuloy na ibinigay ng mga kongregasyon sa buong Galacia, Macedonia, at Acaya ay hindi para sa nagdarahop na mga paganong mananamba sa pangkalahatan kundi para sa “mga banal” na nangangailangan.—1Co 16:1; 2Co 9:1, 2.