GIBEAH
[Burol].
1. Isang lunsod sa bulubunduking pook ng Juda. (Jos 15:1, 48, 57) Iniuugnay ito ng ilang iskolar sa makabagong-panahong El Jabʽa, na mga 12 km (7.5 mi) sa KTK ng Betlehem. Gayunman, naniniwala ang iba na ang sinaunang Gibeah ay nasa rehiyon sa TS ng Hebron, yamang ito ay nakatalang kasama ng iba pang mga lunsod na nasa lugar na iyon. (Jos 15:55-57) Maaaring ang lunsod na ito (o ang Blg. 2) ang bayan ni Maaca (Micaias) na ina ng Judeanong hari na si Abiam (Abias).—2Cr 13:1, 2; 1Ha 15:1, 2.
2. Isang lunsod sa teritoryo ng Benjamin. (Jos 18:28) Tinawag din itong “Gibeah ng Benjamin” (1Sa 13:2), ‘Gibeah ng mga anak ni Benjamin’ (2Sa 23:29), at “Gibeah ni Saul” (2Sa 21:6). Lumilitaw na malapit ito sa pangunahing lansangan na nasa pagitan ng Jebus (Jerusalem) at Rama. (Huk 19:11-15) Dahil sa ito’y nasa isa sa matataas na lugar sa gitnang tagaytay ng kabundukan ng Palestina, ang Gibeah ay nagsilbing mainam na dako para sa pagbabantay kapag panahon ng digmaan. (1Sa 14:16) Karaniwang ipinapalagay ng mga iskolar na ang lunsod na ito ay ang Tell el-Ful (Givʽat Shaʼul), na mga 5 km (3 mi) sa H ng Temple Mount sa Jerusalem.
Ang mga Hebreong baybay na Geba (anyong panlalaki ng salitang nangangahulugang “Burol”) at Gibeah (anyong pambabae ng terminong nangangahulugang “Burol”) ay halos parehung-pareho. Ipinapalagay ng marami na naging dahilan ito ng mga pagkakamali ng eskriba sa tekstong Masoretiko at sa gayo’y iminumungkahi nila na baguhin ang ilang kasulatan upang kabasahan ng “Geba” sa halip na “Gibeah,” o ng “Gibeah” sa halip na “Geba.” Hinggil dito, ganito ang sinabi ng isang komentaryo may kinalaman sa Unang Samuel mga kabanata 13 at 14: “Ngunit hindi magkasundo ang mga komentarista kung saan gagawa ng mga pagpapalit (halimbawa, ang salin ni Smith ay kababasahan ng Geba para sa Gibeah sa lahat ng mga talata; ang salin ni Kennedy ay kababasahan ng Geba para sa Gibeah sa [kabanata 13] talata 2, ng Gibeah para sa Geba sa talata 3, at ng Geba para sa Gibeah sa xiv. 2); at mauunawaan pa rin naman ang pagsulong ng kampanya kahit wala ang gayong mga pagbabago.” (Soncino Books of the Bible, inedit ni A. Cohen, London, 1951, Samuel, p. 69) Sa Hukom 20:10, 33, ipinahihiwatig ng konteksto na “Gibeah” ang tinutukoy, kaya naman maraming tagapagsalin ang hindi sumunod sa salin ng tekstong Masoretiko at gumamit ng “Gibeah” sa halip na “Geba.”
Noong kapanahunan ng mga Hukom, nasangkot ang lunsod ng Gibeah sa isang insidente na halos ikinalipol ng buong tribo ni Benjamin. Inanyayahan ng isang matandang lalaki ang isang Efraimitang Levita at ang babae nito na magpalipas ng gabi sa bahay niya. Di-nagtagal, pinalibutan ng mga walang-kabuluhang lalaki ng Gibeah ang bahay, anupat sapilitang hiniling na ibigay niya sa kanila ang Levita upang makipagtalik sila sa kaniya. Matapos ibigay ng Levita ang kaniyang babae sa kanilang mga kamay, buong-gabi nila itong inabuso anupat namatay ito kinaumagahan. (Maaaring ang nakapangingilabot na kasalanang ito ang tinutukoy sa Os 9:9 at 10:9.) Yamang ipinagsanggalang ng tribo ni Benjamin ang nagkasalang mga lalaki ng Gibeah, ang ibang mga tribo ay nakipagdigma sa Benjamin. Makalawang ulit muna silang dumanas ng matinding pagkatalo bago nila tuluyang nagapi ang mga Benjamita at sinilaban nila sa apoy ang Gibeah. (Huk 19:15–20:48) (Iniuugnay ng ilan ang rekord ng Bibliya tungkol sa pagkawasak ng Gibeah sa arkeolohikal na katibayan na natuklasan sa Tell el-Ful na nagpapahiwatig na ang lunsod ay sinunog.)
Ang Gibeah ay bayan ng unang hari ng Israel na si Saul. (1Sa 10:26; 15:34) Lumilitaw na tagarito rin si Ittai (Itai), na isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David (2Sa 23:8, 29; 1Cr 11:26, 31), at sina Ahiezer at Joas, dalawang mandirigma na sumama kay David sa Ziklag. (1Cr 12:1-3) Maliwanag na ang Gibeah ay nagsilbi ring unang kabisera ng kahariang Israelita sa ilalim ni Saul. Sa Gibeah, humingi ng saklolo ang mga mensahero mula sa Jabes (Jabes-gilead) nang mapaharap sila sa pagkubkob ng mga Ammonita, at mula rito’y kaagad na tinawag ni Haring Saul sa pakikidigma ang Israel upang harapin ang bantang ito. (1Sa 11:1-7) Nang maglaon, ang mga pakikipagdigma ni Saul laban sa mga Filisteo ay inilunsad sa kapaligiran ng Gibeah. (1Sa 13:2-4, 15; 14:2, 16) Gayundin, sa dalawang pagkakataon ay iniulat ng mga tao ng Zip kay Saul sa Gibeah kung saan nagtatago si David.—1Sa 23:19; 26:1.
Noong naghahari si David, pito sa mga anak at apong lalaki ni Saul ang pinatay sa Gibeah (“Gibeon,” ayon kay Aquila, kay Symmachus, at sa LXX) dahil sa pagkakasala sa dugo na napataw sa sambahayan ni Saul nang patayin niya ang maraming Gibeonita. Patuloy na binantayan ng nabalong babae ni Saul ang pinatay na mga lalaking ito upang hindi kainin ng mga ibon at mga hayop ang kanilang mga bangkay.—2Sa 21:1-10.
Noong ikawalong siglo B.C.E., sa pamamagitan ng propetang si Isaias, makahulang binanggit ni Jehova na ang Gibeah ay tumakas mula sa hukbong Asiryano na patungo sa Jerusalem. (Isa 10:24, 29-32) At sa pamamagitan ni Oseas, makahulang inilarawan ng Diyos ang isang situwasyon kung saan waring nalupig na ang hilagang sampung-tribong kaharian, at pinagbabantaan naman ng kaaway ang Gibeah at Rama sa Benjamin (sa timugang kaharian ng Juda).—Os 5:8-10.