GOMER
1. Apo ni Noe at unang binanggit na anak ni Japet, ipinanganak pagkatapos ng Baha. (Gen 10:1, 2; 1Cr 1:4, 5) Siya at ang kaniyang mga anak, sina Askenaz, Ripat, at Togarma, ay nakatalang kabilang sa “mga pamilya ng mga anak ni Noe ayon sa kanilang mga angkan” na mula sa mga ito ay nangalat ang mga bansa pagkatapos ng Delubyo.—Gen 10:3, 32.
Ang bansa na nagmula kay Gomer ay iniuugnay ng kasaysayan sa sinaunang mga Cimmeriano, isang lahing Aryano na maliwanag na namayan sa rehiyon sa H ng Dagat na Itim. Noong ikawalong siglo B.C.E., sa panahon ng paghahari ng Asiryanong si Haring Sargon, lumilitaw na itinaboy sila ng mga Scita patawid sa Caucasus (ang bulubunduking pook sa pagitan ng Dagat na Itim at Dagat Caspian). Ang mga Cimmeriano ay dumaluhong sa Asia Minor, anupat sinalakay ang kaharian ng Urartu (Ararat) at pinasok ang silangang Asia Minor, kung saan ang Armenianong pangalan para sa Capadocia, ang Gamirkʽ, ay walang alinlangang nagpapahiwatig ng kanilang pagsalakay. Palibhasa’y napaharap sa isang malakas na Imperyo ng Asirya sa dakong S, ang mga Cimmeriano ay tumulak pakanluran at nakipagdigma laban sa mga Frigiano at mga Lydiano. Nang dakong huli ay pinalayas sila mula sa Lydia ng Lydianong si Haring Alyattes (hinalinhan ni Croesus).
Sa hula ni Ezekiel (na maliwanag na natapos isulat noong mga 591 B.C.E.) may kinalaman sa pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog” laban sa muling-tinipong bayan ni Jehova, “ang Gomer at ang lahat ng mga pangkat nito” ay itinalang kabilang sa mga hukbo ni Gog kasama ng Togarma na ‘mula sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga, at ang lahat ng mga pangkat nito.’—Eze 38:2-8; tingnan ang GOG Blg. 2; MAGOG Blg. 2; TOGARMA.
2. Ang anak na babae ni Diblaim na naging asawa ni Oseas alinsunod sa mga tagubilin ni Jehova sa propetang iyon. (Os 1:2, 3) Pagkatapos nito, si Gomer ay nagsilang ng tatlong anak, na ang makahulugang mga pangalan ay ginamit ng Diyos upang ihula ang kapaha-pahamak na mga resulta ng espirituwal na pangangalunya ng Israel sa anyo ng idolatriya. Sa paglalahad sa pagsilang ng unang anak, isang anak na lalaki na pinanganlang Jezreel, sinasabi ng ulat na si Gomer ay “nagsilang sa kaniya [kay Oseas] ng isang anak na lalaki.” Gayunman, may kaugnayan sa pagsilang ng sumunod na dalawang anak, hindi tinukoy ang propeta bilang ama ng mga ito, at ito ang dahilan kung bakit sinasabing ang mga ito ay malamang na mga anak sa ligaw. (Os 1:3-9) Waring inilalarawan ng Oseas 3:1-3 ang pagpapabalik kay Gomer sa propeta mula sa isang mapangalunyang landasin, anupat binili na parang isang alipin, sa gayon ay nagsisilbing ilustrasyon ng muling pagtanggap ng Diyos sa Israel salig sa kanilang pagsisisi.