MALAKING DAGAT
Ang pagkalawak-lawak na katubigan na nasa pagitan ng Europa at Aprika, anupat ang Asia ay nasa gawing silangan nito. Samantalang tinawag ito ng mga Hebreo na Malaking Dagat, sa ngayon ay karaniwan itong tinatawag sa pangalan nito na nanggaling sa Latin, Mediteraneo, nangangahulugang “nasa Gitna ng Lupain,” sapagkat halos nakukulong ito ng lupain. Dahil sa gayong kalagayan, bukod pa sa paghihip dito ng maiinit na hangin mula sa Disyerto ng Sahara, mas mabilis ang ebaporasyon nito kaysa sa karaniwan, kung kaya naman mas mataas ang densidad ng tubig nito. Iyan ang dahilan kung bakit sa Kipot ng Gibraltar, ang mas magaan na tubig mula sa Atlantiko ay nasa ibabaw at ang mas mabigat na tubig na galing sa Mediteraneo ay nasa ilalim. Makapaglalabas-masok lamang sa “nakapaloob” na dagat na ito ang mga barko sa pamamagitan ng makikitid na daanan—sa pamamagitan ng Kipot ng Gibraltar sa dakong K, sa pamamagitan ng Dardanelles at Bosporus sa dakong HS, at mula noong ika-19 na siglo, sa pamamagitan ng Kanal ng Suez sa dakong TS.
Sa ngayon, hindi naman mali na tawaging Malaking Dagat ang Mediteraneo, gaya ng ginawa ng sinaunang mga tao mula noong panahon ni Moises, sapagkat talagang tumutugma ito sa lahat ng ipinahihiwatig ng pangalang ito. (Bil 34:6, 7) Maliban sa iba’t ibang sanga nito na mga dagat din, ang Mediteraneo ay may haba na mga 3,700 km (2,300 mi), anupat may sukat na mahigit na 970 km (600 mi) sa pinakamalapad na bahagi nito at may lawak na mga 2,510,000 km kuwadrado (969,100 mi kuwadrado). Ang pinakamalalim na bahagi nito ay 5,100 m (16,700 piye).
Dahil sa mga peninsula ng Italya at Gresya na nakausli mula sa H, nababaha-bahagi ito sa mga dagat ng Tirreno, Ioniano, Adriatico, at Aegeano, sa gayon ay lalong naging paliku-liko ang hugis nito at lalong humaba ang dalampasigan nito. Sa bandang gitna sa pagitan ng S at K, ang dagat ay kumikipot hanggang sa sukat na mga 150 km (90 mi) sa pagitan ng Sicilia at Hilagang Aprika, at doon ay mababaw ang tubig kung ihahambing sa ibang bahagi.
Binabanggit ng hula ni Ezekiel ang tungkol sa ‘napakaraming’ isda sa Malaking Dagat. (Eze 47:10) Matatagpuan sa mga tubig na ito ang maiinam na korales at maraming espongha, bukod pa sa mahigit na 400 uri ng isda.
Hindi lamang ang pangalang “Malaking Dagat” ang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya (Jos 1:4; 9:1, 2; 15:12, 47; 23:4; Eze 47:15, 19, 20; 48:28) kundi tinukoy rin nila ito sa pamamagitan ng iba pang malalawak na termino. Para sa kanila, ang katubigang ito ang “kanluraning dagat,” palibhasa’y ito ang naging kanluraning hangganan ng kanilang bigay-Diyos na lupain. (Deu 11:24; 34:1, 2) Mula sa lokasyon ng Jerusalem, minalas ito bilang ang “kanluraning dagat” na naiiba sa “silanganing dagat,” samakatuwid nga, ang Dagat na Patay. (Joe 2:20; Zac 14:8) Tinawag din itong “dagat ng mga Filisteo” (Exo 23:31) o basta “Dagat” lamang.—Bil 34:5.
Mula pa noong unang panahon, tinawid ng mga taga-Fenicia at ng iba pang matatapang na taong naglalayag sa dagat ang Malaking Dagat, natuklasan nila ang marami sa mga pulo nito, at nakipagkalakalan sila sa maraming daungang lunsod nito. Binabanggit ng Bibliya ang mga pulong gaya ng Arvad, Cauda, Ciprus, Cos, Creta, Kios, Malta, Patmos, Rodas, Samos, at Samotracia. Gayundin, ang ilan sa mga baybaying lunsod at lugar sa mga pulong ito at sa kahabaan ng mga baybayin ng kontinente sa silanganing seksiyon ng Malaking Dagat ay nakatala sa Bibliya, samakatuwid nga: Aco (Tolemaida), Aczib, Adrameto, Alejandria, Amfipolis, Askelon, Atalia, Cinido, Dor, Fenix, Gebal, Lasea, Magagandang Daungan, Patara, Puteoli, Regio, Salamis, Salmone, at Siracusa.
Dumalaw si Jesu-Kristo sa mga rehiyon ng Tiro at Sidon (Mar 7:24, 31) na nasa daungang-dagat; nakarating si Pedro sa Jope at Cesarea (Gaw 10:5, 6, 24); nakarating naman si Pablo sa Pafos, Troas, Neapolis, Cencrea, Efeso, Asos, Mitilene, at Mileto (Gaw 13:13; 16:11; 18:18, 19; 20:14, 15). Kilalá ang Malaking Dagat sa malalakas na bagyo na naging dahilan ng pagkawasak ng maraming barko at pagkasawi ng maraming tao. Sa mga nakaligtas dito ay kabilang si Pablo at yaong mga naglayag na kasama niya.—Gaw 27:14, 15, 39-44.