Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Habakuk, Aklat ng”
  • Habakuk, Aklat ng

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Habakuk, Aklat ng
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Aklat ng Bibliya Bilang 35—Habacuc
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Hanggang Kailan Pa ang mga Balakyot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Magtiwala kay Jehova at Mabuhay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Nagagalak sa Diyos ng Ating Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Habakuk, Aklat ng”

HABAKUK, AKLAT NG

Isang aklat ng Hebreong Kasulatan na ikawalo sa tinatawag na mga pangalawahing propeta sa mga tekstong Hebreo at Septuagint, gayundin sa karaniwang mga Bibliyang Tagalog. Mayroon itong dalawang bahagi: (1) Isang pag-uusap sa pagitan ng manunulat at ni Jehova (kab 1, 2); (2) isang panalangin na may mga panambitan.​—Kab 3.

Manunulat. Tinutukoy sa mismong aklat kung sino ang manunulat nito. Binabanggit na ang kumatha ng dalawang seksiyon ay si “Habakuk na propeta.”​—1:1; 3:1; tingnan ang HABAKUK.

Pagiging Kanonikal. Ang pagiging kanonikal ng aklat ng Habakuk ay pinatutunayan ng sinaunang mga katalogo ng Hebreong Kasulatan. Bagaman hindi binabanggit ng mga iyon ang pangalan nito, maliwanag na kasama ang aklat sa mga pagtukoy ng mga iyon sa ‘labindalawang Pangalawahing Propeta,’ sapagkat kung hindi gayon, ang bilang na 12 ay hindi magiging kumpleto. Ang pagiging kanonikal ng aklat ay malinaw na sinusuportahan ng mga pagsipi mula rito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bagaman hindi tinukoy ni Pablo ang pangalan ni Habakuk, sinipi niya ang Habakuk 1:5 (LXX) noong nagsasalita siya sa walang-pananampalatayang mga Judio. (Gaw 13:40, 41) Sumipi siya mula sa Habakuk 2:4 (“Ngunit kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy”) noong pinasisigla niya ang mga Kristiyano na magpakita ng pananampalataya.​—Ro 1:16, 17; Gal 3:11; Heb 10:38, 39.

Kasama sa Dead Sea Scrolls ang isang manuskrito ng Habakuk (kab 1, 2) na nakasulat gamit ang isang tekstong Hebreo bago ang panahong Masoretiko, kalakip ang isang komentaryo. Kapansin-pansin na sa teksto ay nakasulat ang pangalan ni Jehova sa sinaunang mga titik Hebreo, samantalang sa komentaryo ay iniwasan ang banal na pangalan, at sa halip, ginamit ang salitang Hebreo na ʼEl (nangangahulugang “Diyos”).

Naniniwala ang mga iskolar na isinulat ang balumbong ito noong pagtatapos ng unang siglo B.C.E. Kung gayon, masasabing ito ang pinakamatandang umiiral na manuskritong Hebreo ng aklat ng Habakuk. Sa Habakuk 1:6, ang manuskritong ito ay kababasahan ng “mga Caldeo,” sa gayo’y pinatutunayan ang kawastuan ng tekstong Masoretiko sa pagpapakitang ang mga Caldeo (mga Babilonyo) ang siyang ibabangon ni Jehova bilang kaniyang instrumento.

Petsa at Tagpo. Ipinahihiwatig ng pananalitang “si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo” (Hab 2:20) at ng notang kasunod ng Habakuk 3:19 (“Sa tagapangasiwa, sa aking mga panugtog na de-kuwerdas”) na humula si Habakuk bago wasakin noong 607 B.C.E. ang templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem. Gayundin, ang sinabi ni Jehova na “ibabangon ko ang mga Caldeo” (1:6) at ang pangkalahatang diwa ng hula ay nagpapakita na hindi pa naititiwangwang noon ng mga Caldeo, o mga Babilonyo, ang Jerusalem. Ngunit maaaring ipinahihiwatig ng Habakuk 1:17 na sinimulan na nilang ibagsak ang ilang bansa. Noong panahon ng paghahari ng mabuting hari ng Juda na si Josias (659-629 B.C.E.), kinuha ng mga Caldeo at mga Medo ang Nineve (noong 632 B.C.E.), at noo’y malapit nang maging kapangyarihang pandaigdig ang Babilonya.​—Na 3:7.

Sinasabi ng ilan, kaayon ng tradisyong rabiniko, na si Habakuk ay mas maagang humula, diumano’y noong panahon ng paghahari ni Haring Manases ng Juda. Naniniwala sila na isa siya sa mga propetang binanggit o tinukoy sa 2 Hari 21:10 at 2 Cronica 33:10. Sinasabi nila na hindi pa nagbabanta noon ang mga Babilonyo, kung kaya lalong hindi kapani-paniwala sa mga Judeano ang hula ni Habakuk.​—Tingnan ang Hab 1:5, 6.

Sa kabilang dako, noong maagang bahagi ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay nasa ilalim ng impluwensiya ng Ehipto (2Ha 23:34, 35), at maaari rin na sa panahong iyon, ang pagbabangon ng Diyos sa mga Caldeo upang parusahan ang suwail na mga tumatahan sa Juda ay ituturing nila na ‘isang gawain na hindi nila paniniwalaan, bagaman ito ay isaysay.’ (Hab 1:5, 6) Noong 625 B.C.E., nang ikaapat na taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim, tinalo ng Babilonyong si Haring Nabucodonosor si Paraon Neco sa Carkemis. (Jer 46:2) Kaya ang hula ay maaaring binigkas at itinala ni Habakuk bago ang pangyayaring iyon, anupat posibleng natapos niya ang pagsulat nito noong mga 628 B.C.E. sa Juda. Maliwanag na ang paggamit ng panahunang panghinaharap may kinalaman sa banta ng mga Caldeo ay nagpapahiwatig ng isang petsa na mas maaga kaysa noong maging basalyo ng Babilonya si Jehoiakim (620-618 B.C.E.).​—2Ha 24:1.

Istilo. Ang istilo ng pagsulat ay kapuwa mapuwersa at nakaaantig. Matitingkad na ilustrasyon at paghahambing ang ginamit. (Hab 1:8, 11, 14, 15; 2:5, 11, 14, 16, 17; 3:6, 8-11) Bilang komento sa istilo ni Habakuk, si S. R. Driver ay nagsabi: “Napakahusay ni Habakuk sa pagsulat ng panitikan. Bagaman maikli lamang ang aklat niya, ito’y mapuwersang-mapuwersa; ang kaniyang mga paglalarawan ay malinaw at mabisa; ang diwa at pananalita ay kapuwa matulain.” Sabihin pa, ang gayong mga katangian ay pangunahin nang dahil sa pagkasi ng Diyos.

Idiniriin ng aklat ng Habakuk na nakatataas si Jehova sa lahat ng mga bansa (Hab 2:20; 3:6, 12), anupat itinatampok ang kaniyang pansansinukob na soberanya. Binibigyang-diin din nito na ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. (2:4) Pinasisigla nito ang pananalig kay Jehova, anupat ipinakikita na hindi siya namamatay (1:12), na makatarungan niyang ginigiik ang mga bansa, at na lumalabas siya ukol sa kaligtasan ng kaniyang bayan. (3:12, 13) Para sa mga nagbubunyi sa kaniya, ipinakikita si Jehova bilang ang Diyos ng kaligtasan at ang Pinagmumulan ng kalakasan.​—3:18, 19.

[Kahon sa pahina 868]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG HABAKUK

Isang sagot sa tanong na, Pupuksain ba ng Diyos ang mga balakyot?

Maliwanag na isinulat noong mga 628 B.C.E., noong nagsisimula nang maging prominente ang mga Caldeo ngunit bago nila maging basalyo si Jehoiakim

Si Habakuk ay humingi ng tulong, nagtanong kung hanggang kailan pahihintulutan ng Diyos na manatili ang mga balakyot (1:1–2:1)

Nang sumagot si Jehova na ibabangon Niya ang mga Caldeo bilang Kaniyang instrumento sa pagpaparusa, hindi maunawaan ni Habakuk kung paano maaatim ng Isa na Banal na gamitin ang gayong taksil na bayan, isa na gumagawang diyos sa kaniyang mga puwersang pandigma, na ang lambat na pangubkob ay nagtitipon ng mga tao na parang mga isda, at walang-awang pumapatay ng mga tao

Hinintay ng propeta ang sagot ni Jehova, anupat kinikilalang baka tumanggap siya ng pagsaway

Si Jehova ay tumugon na mayroon siyang takdang panahon, nagpahayag ng kaabahan sa mga Caldeo (2:2-20)

Nagbigay si Jehova ng katiyakan na bagaman sa wari’y nagluluwat ito, ang makahulang pangitain ay “sa takdang panahon . . . , at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan,” anupat mabilis na sumusulong tungo sa katuparan niyaon

Ipinakita ng mga kapahayagan ng kaabahan na ang mga Caldeo ay hindi hahayaang di-naparurusahan dahil sa pananamsam nito sa ibang mga bansa, paglipol sa maraming bayan, pagtatayo ng mga lunsod sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, pagpapainom sa iba mula sa kopa ng kahiya-hiyang pagkatalo, at pagsasagawa ng idolatriya

Ang propeta ay namanhik kay Jehova na kumilos ngunit magpakita ng awa sa panahon ng dumarating na araw ng kabagabagan (3:1-19)

Matapos alalahanin ang nakalipas na mga pagpapamalas ni Jehova ng kapangyarihan, ang propeta ay pinanaigan ng takot at panginginig, ngunit determinado siyang hintayin nang tahimik ang araw ng kabagabagan, anupat nagbubunyi sa Diyos ng kaniyang kaligtasan

Mawala man ang mismong mga panustos ng buhay, determinado si Habakuk na magsaya kay Jehova bilang ang Diyos ng kaligtasan, ang Isa na nagpapalakas sa kaniya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share