HAGAI
[[Ipinanganak nang] Kapistahan].
Isang Hebreong propeta sa Juda at Jerusalem noong panahon ng pagkagobernador ni Zerubabel sa panahon ng paghahari ng Persianong si Haring Dario Hystaspis.—Hag 1:1; 2:1, 10, 20; Ezr 5:1, 2.
Ayon sa tradisyong Judio, si Hagai ay isang miyembro ng Dakilang Sinagoga. Batay sa Hagai 2:10-19 ay iminumungkahi na marahil ay isa siyang saserdote. Ang kaniyang pangalan ay lumilitaw kasama ng pangalan ng propetang si Zacarias sa mga superskripsiyon ng Awit 111 (112) sa Latin na Vulgate; ng Awit 125 at 126 sa Syriac na Peshitta; ng 145 sa Griegong Septuagint, sa Peshitta, at sa Vulgate; at ng 146, 147, at 148 sa Septuagint at sa Peshitta. Malamang na ipinanganak si Hagai sa Babilonya at bumalik siya sa Jerusalem kasama ni Zerubabel at ng mga Judiong nalabi noong 537 B.C.E. Ngunit kakaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Hagai, sapagkat hindi isiniwalat ng Kasulatan ang mga magulang ng propeta, ang kaniyang tribo, at iba pa.
Si Hagai ang unang propeta pagkaraan ng pagkatapon at nakasama niya si Zacarias pagkaraan ng mga dalawang buwan. (Hag 1:1; Zac 1:1) Isang pagpapatigil sa pagtatayo ng templo ang pinangyari ng pagsalansang ng mga kaaway ngunit pinalawig nang ilang taon dahil sa pagwawalang-bahala ng mga Judio at sa kanilang sakim na pagtataguyod ng personal na mga kapakanan. Pinagningas ni Hagai ang sigasig ng nakabalik na mga Judiong tapon upang maipagpatuloy ang pagtatayo ng templo. (Ezr 3:10-13; 4:1-24; Hag 1:4) Apat na bigay-Diyos na mensahe na inihatid ni Hagai sa loob ng yugto na mga apat na buwan noong ikalawang taon ni Dario Hystaspis (520 B.C.E.) at iniulat naman ng propeta sa aklat ng Bibliya na Hagai ang naging napakabisang panimulang pagpapakilos sa mga Judio upang ipagpatuloy ang gawaing pagtatayo ng templo. (Hag 1:1; 2:1, 10, 20; tingnan ang HAGAI, AKLAT NG.) Patuloy silang hinimok nina Hagai at Zacarias sa gawain hanggang sa matapos ang templo sa pagwawakas ng ikaanim na taon ni Dario, noong 515 B.C.E.—Ezr 5:1, 2; 6:14, 15.