INAHING MANOK
[sa Gr., orʹnis; sa Ingles, hen].
Hindi tuwirang tinukoy ang alagang manok (Gallus domesticus) sa Hebreong Kasulatan, ngunit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, binanggit ni Jesu-Kristo ang inahing manok na nagtitipon ng mga sisiw nito sa ilalim ng nagsasanggalang na mga pakpak nito sa kaniyang simili hinggil sa pagnanais niyang tipunin ang manhid na mga taga-Jerusalem. (Mat 23:37; Luc 13:34) Ang salitang Griego na ginamit doon (orʹnis) ay panlahatan kung kaya maaaring tumukoy sa anumang uri ng ibon, mailap man o inaalagaan. Ngunit sa Attic na diyalektong Griego, kadalasa’y tumutukoy ito sa inahing manok, yamang ito ang pinakakaraniwan at pinakakapaki-pakinabang sa mga alagang ibon. Ipinahihiwatig ng pagbanggit ni Jesus sa isang anak na humihingi sa ama nito ng itlog (Luc 11:11, 12) na ang alagang inahing manok ay karaniwan sa Palestina nang panahong iyon. (Tingnan ang TANDANG.) Sa Griegong orʹnis (kaukulang genitive: orʹni·thos) nanggaling ang salitang Ingles na “ornithology,” ang sangay ng soolohiya na may kinalaman sa mga ibon.
Ipinagbawal ng ilang rabinikong kautusan ang pagkain ng mga itlog na iniluwal sa araw ng Sabbath, yamang itinuturing itong pagtatrabaho sa bahagi ng inahing manok. Ipinahihintulot naman ng iba na kainin ang mga itlog kung ang inahing manok ay inaalagaan para kainin at hindi para sa pangingitlog. (Babilonyong Talmud, Bezah 2a, b) Gayunman, walang ganitong mga alituntunin sa Bibliya.