Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Hidekel”
  • Hidekel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hidekel
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Eufrates
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ilog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ano ang Layunin ng Diyos sa Lupa?
    Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
  • 3A Ang Mahabang Ruta Papuntang Babilonia
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Hidekel”

HIDEKEL

Isa sa apat na ilog na mga sanga ng ilog na lumalabas mula sa Eden. (Gen 2:10-14) Sa Matandang Persiano, ang Hidekel ay kilalá bilang ang Tigra, na pinagmulan ng pangalang Griego para sa Ilog Tigris. Sa Arabe ay kilalá ito bilang ang Shatt Dijla. Tinatawag ito ng ilan bilang kakambal na ilog ng Eufrates, at kasama ng ilog na iyon, dumadaloy ito sa mga kapatagan ng Mesopotamia.

Sa mga pampang ng Ilog Tigris (Hidekel) tinanggap ni Daniel ang pangitain tungkol sa pag-aagawan ng kapangyarihan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog.” (Dan 10:4, 5; 11:5, 6) Pagkatapos dumaan sa mga kapatagan ng Mesopotamia, bumabagtas ang Tigris sa maraming sinaunang lunsod. Sa tapat ng makabagong Mosul, ang mga guho ng sinaunang Nineve ay nasa S pampang ng ilog. Sa S panig ding iyon, sa gawing T, ay naroon ang Cala, at sa ibaba nito, sa K pampang, ay matatagpuan ang sinaunang Asur. Sa ibaba lamang ng Baghdad, sa K pampang, ay naroon ang mga guho ng Seleucia, ang sinaunang kabisera ng Seleucidong dinastiya ng mga tagapamahala.

Ang mga bukal o pinagmumulan ng tubig ng Tigris ay nasa silanganing bahagi ng makabagong Turkey. Ang bukal sa dakong kanluran ang pinakamalayo. Nagsisimula iyon sa kabundukan sa timog ng Lawa ng Hazar mga 25 km (15 mi) sa TS ng lunsod ng Elazig at mga ilang milya lamang mula sa isang bukal ng Ilog Eufrates. Kaya naman maliwanag na may iisang bukal ang dalawang ilog na ito bago nagbago ang topograpiya ng lupa dahil sa pangglobong Baha. Sa unang 240 km (150 mi), ang kanluraning bukal ay umaagos patungong TS at sumasanib sa mas maiikling silanganing bukal. Pagdating sa timog ng kanluraning dulo ng Lawa ng Van, ang ilog ay umaagos patimog. Dumaraan ito sa isang matarik na bangin bago lumabas mula sa kabundukan at magtungo sa itaas na bahagi ng kapatagan ng Mesopotamia. Mula roon hanggang sa pinagsasalubungan nito at ng Ilog Eufrates, sumasanib sa Tigris mula sa S ang apat na sangang-ilog: ang Malaking Zab, ang Maliit na Zab, ang ʽAdhaim, at ang Diyala.

Karaniwan nang pinaniniwalaan na, noong sinaunang panahon, ang Tigris at Eufrates ay pumapasok sa dagat nang magkahiwalay, ngunit dahil napuno ng banlik sa paglipas ng maraming siglo ang bukana ng gulpo kung kaya sa ngayon ay nagsanib na ang mga ilog. Pagkatapos magsalubong, ang mga ilog na ito ay nagiging isang malapad na batis na tinatawag na Shatt-al-Arab, na umaagos nang mga 160 km (100 mi) bago bumuhos sa Gulpo ng Persia.

Ang kabuuang haba ng Tigris ay mga 1,850 km (1,150 mi). Ito’y isang malapad na batis, na sa ilang bahagi ay may lapad na 366 na m (400 yarda). Mababaw lamang ito, at sa gawing itaas ng Baghdad, maliliit na bangka lamang ang nakapaglalayag dito. Bagaman mas mabilis ang agos nito kaysa sa Eufrates, ang Tigris ay mga dalawang katlo lamang ng haba ng “kakambal” nito at hindi gaanong ginagamit sa komersiyo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share