HUR
1. Isang inapo ni Juda; anak nina Caleb at Eprat; lolo ng bihasang manggagawa na si Bezalel. Ang ilan sa mga inapo ni Hur ay maaaring nanirahan sa Betlehem. (Exo 31:2; 35:30; 38:22; 1Cr 2:19, 20, 50, 51, 54; 4:1-4; 2Cr 1:5) Malamang na siya rin ang Blg. 2.
2. Isang prominenteng kasamahan nina Moises at Aaron. Nang salakayin ng mga Amalekita ang Israel, di-kalaunan pagkaalis sa Ehipto, sinamahan ni Hur sina Moises at Aaron sa taluktok ng burol kung saan inalalayan niya at ni Aaron ang mga kamay ni Moises hanggang sa maibigay ni Jehova sa Israel ang tagumpay laban sa mga Amalekita. (Exo 17:8-13) Sa isa pang pagkakataon pagkaraan nito, umahon sina Moises at Josue sa Bundok Sinai upang tanggapin ang iba pang bahagi ng Kautusan, anupat iniwan sina Hur at Aaron upang mangasiwa sa kampo. (Exo 24:12-14) Malamang na siya rin ang Hur (Blg. 1) na lolo ng bihasang manggagawa ng tabernakulo na si Bezalel. Iniulat ni Josephus na si Hur ay asawa ni Miriam, ngunit walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito.—Jewish Antiquities, III, 54 (ii, 4).
3. Isang hari ng Midian, isa sa lima na pinamunuan ng Amoritang si Haring Sihon hanggang noong talunin ng Israel si Sihon nang papalapit na ang mga ito sa Lupang Pangako. (Jos 13:15, 16, 21; Bil 21:21-24) Pagkaraan nito, lumilitaw na si Hur at ang apat niyang kababayan ay nakipag-alyado sa hari ng Moab na si Balak bilang pagsalansang sa Israel. (Bil 22:1-7) Nang maglaon, gaya ng ipinag-utos ni Jehova, nakipagdigma ang mga Israelita laban sa mga Midianita at pinatay si Hur gayundin ang apat na kaalyado niyang mga Midianitang hari at ang sakim na propetang si Balaam.—Bil 31:1-8.
4. Ama ng kinatawan sa pagkain ni Solomon sa bulubunduking pook ng Efraim.—1Ha 4:7, 8.
5. Ama ni Repaias. Ang anak ni Hur na si Repaias ay tumulong kay Nehemias na muling itayo ang pader ng Jerusalem.—Ne 3:9.