IDUMEA
[mula sa Griego, nangangahulugang “[Lupain] ng mga Edomita”].
Noong mga panahon ng Macabeo at Romano, hindi kalakip sa heograpikong mga hangganan ng Idumea ang pinakasentro ng sinaunang Edom, sa S ng Araba, ngunit saklaw nito ang mga bahagi ng dating teritoryong Simeonita at Judeano. Gaya ng ipinahihiwatig ng Apokripal na aklat ng Unang Macabeo (4:29, 61; 5:65, JB), kalakip sa Idumea ang rehiyon sa palibot ng Hebron hanggang sa H sa Bet-zur, mga 26 na km (16 na mi) sa TTK ng Jerusalem. Iniulat na ang mga Idumeano ay dumanas ng masaklap na pagkatalo sa mga kamay ni Judas Maccabaeus. (1 Macabeo 5:3) Nang maglaon, ayon kay Josephus, sinupil ni John Hyrcanus I ang lahat ng mga Idumeano, anupat hinayaan silang manatili sa lupain sa kundisyon na magpapatuli sila at susunod sa kautusang Judio. Sa halip na umalis sa bansa, tinupad ng mga Idumeano ang kundisyong ito. (Jewish Antiquities, XIII, 257, 258 [ix, 1]) Ang mga tumatahan sa Idumea ay kabilang sa mga personal na pumaroon kay Jesus sa pagkarinig sa “lahat ng mga bagay na ginagawa niya.”—Mar 3:8; tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA.